Sa loob ng isang malaking silid na puno ng liwanag at napapalibutan ng apat na mapuputing dingding, nagsimula ang isang bagong pagpupulong. Wala man lang bintana upang pagtagusan ng hangin at talagang tago at lihim kung anuman ang nangyayari sa loob. Sa mahabang mesa ay maraming upuan. Sa walong silya, isang upuan na nasa bandang unahan ng silid ang bakante at isang nasa gilid. Kanina na pang naghihintay ang mga kasapi upang masimulan ang pagpupulong.
Mula sa dalawang malapad na kahoy na pinto, lumantad ang isang tao na kanina pang naghintay. Hindi man nila nakikita ang mukha nito dahil sa maskarang suot, alam nila ito ang pinuno, ang pinakamatalino sa kanila—ang dakilang Guro.
Suot lahat ng mga kasapi ang abito at mga maskarang may mga iba't-ibang tatak na may koneksyon sa posisyon nila sa kapisanan. Ang sa Guro ay abitong mahaba na lampas sa kanyang pangangatawan at maskarang bukod-tangi sa lahat—isang maskarang hitsurang ulo ng agila. Simbolo ng umaapaw na tapang at karunungan na tanging ang Guro lang ang maaaring magdala.
"Pasensiya mga kasama, marami akong ginawa ng nakaraang tatlong linggo, ngayong nagbalik na ako, simulan na ang pagpupulong. Bago iyon, magsitayo ang lahat at sambitin ang ating panata," wika ng Guro na may tinig na buo.
Sabay-sabay tumayo ang mga nakamaskara at binigkas ang kanilang paniniwala at panata
"Illuminacion es el mayor proposito del personas"
"Ang karunungan ang tamang pagkamit ng kalayaan mula sa pagkakaalipin sa kamangmangan. Ako, tayo ang magiging tanglaw ng mga kaluluwang nasa dilim. Gagamatin ko ang talino upang mapaunlad ang inang bayan at malinis ang bulok na sistema ng lipunan. Iwawaksi ko ang damdaming nagpapalambot sa tao, magiging praktikal at gagamitin lagi ang isip bago kumilos. Pagtitibayin ko ang mga prinsipyo ng samahan. Ang lahat ng aking gagawin at iisipin ay maging kaaya-aya nawa sa dakilang karunungang pumapaloob sa sangkatauhan. Bayan bago ang sarili, ang samahan bago ang iba. Isip bago ang puso!"
Matapos bigkasin ang panata, umupo ang lahat ng nasa loob ng silid.
Mula sa bibig ng maskaradong agila, lumabas ang matapang na boses. "Kailangan mag-ulat ang lahat tungkol sa lahat ng ating mga napagkasunduan."
Unang nagsalita ang nasa kanan ng guro—ang Unang Maestro. "Hindi pa ba tayo magluluklok mahal na Guro ng bagong Ikaapat na Maestro," sabi nito habang nakaturo sa bakanteng upuan.
"Ganoon ba kahalaga iyon Unang Maestro?" tanong ng Guro. "Mas mahalaga ang iuulat nyo ngayon."
"Patawad Guro sa aking kababawan," sabi ng Unang Maestro. "Ako na ang unang mag-uulat. Ang target na si Arterio Espirito ay nakaligtas sa pagkakabaril ng isa sa miyembro ng liquidation squad. Pumalpak—"
"Mas mainam, may magandang plano ako para sa matanda," sambit ng Guro. "Saka ko na sasabihin yun. Sunod na pag-uulat."
"Ako ang mag-uulat," sabi ni ng Ikalawang Maestro. "Dumadami na ang sponsors ng ating organisasyon sa pamamagitan ng mga dummy associations. Umangat ng humigit-kumulang apatnapung bahagdan. Yun lamang."
"Magaling. Sunod na balita. Sa paghahanap naman natin, ano ang naging pag-usad Ikatlo?"
"Guro...wala pa pong balita sa batang hinahanap natin."
"Ano! Lambimpitong taon ang nakakaraan at wala pa rin ngayon, wala kahit katiting man lang?"
Hindi agad nakasagot ang Ikatlong Maestro. "Mahirap po talaga."
"Lintik! Ganun ba katindi magtago ng bata yung Marcos Espirito na yun?! Eh si Marcos, may balita na?"
"Wa...wala pa rin po."
Kahit natatakpan ang mukha ng maskara, galit na talaga ang Guro.
"Sinverguenza! Ikalimang Maestro—huminga ng malalim ang Guro—ang kabataan ang pag-asa ng bayan hindi ba? Yaan ang paniniwala ng dakilang bayani natin na si Jose Rizal. Kailangan umayon sa kanyang pananaw ang mga kabataan ngayon. Ayos na ba ang ating dummy NGO na natulong sa mga kabataang mag-aaral na may potensyal?
"Opo Guro, ayos na ang lahat."
"Kayong dalawa na representante ng ating sangay sa, iulat nyo sa HQ ang lahat ng ating mga nagawa at gagawin pa."
"Masusunod po Guro," sabay na tugon ng dalawa.
"Tapos na ang pagpupulong na ito. Humayo kayo at itaguyod ang mga prinsipyo ng samahan. Ang sunod na pagpupulong ay sa Ika-8 ng Hunyo, unang araw ng pasukan."
Tumayo ang lahat. "Mabuhay ang PANTAS!" sigaw ng mga kasapi.
Madilim na kahit maaga pa, alas singko na ng hapon at humupa na ang ingay sa lumulukob sa kapaligiran Sa isa puting silid na opisina sa isang malaking gusali. Nagmumuni ang isang lalaking nangungulila. "Anak nakita na kita at nagkalapit na tayo pero itong kasalukuyan nating kalagayan ang nagpapalaki ng distansya sa pagitan natin. Magkakasama rin tayo Sofia at Athena kapag natapos na ang kaguluhan. Ngayon ay nagtitiis lang ako ng kalungkutan sa pagkawalay sa inyo at sa kahapis-hapis na dinanas ng itay. Ang kaibigan ko na si Felix wala, nawa nasa maayos ka Athena anak."
Tinitigan niya ang kanyang mesa na maraming nakapatong na mga papel. Marami pa akong gagawin na mga papeles. Mula sa pagkakaupo, sinipat naman niya ang kalendaryo. Malapit na ang pasukan ng mga mag-aaral, mangyayari ang mga mangyayari pero pipigilan ko silang magtagumpay. Babagsak ang PANTAS.
BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Mystery / Thriller"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...