Pagkatapos ng insidente ng pagbaril sa Brgy. Maliwanag, nagsibalikan ang mga tao sa kani-kanilang bahay baon ang takot sa kanilang isipan. Ang ilan naman na nakikiramay kanina ay nanatili sa bahay ni Mang Terio. Mabibilang sa mga kamay ang tunay na nakikiramay at higit ang dami ng mga taong dumayo lamang upang makakuha ng tinapay at mga kendi.
Muling naintriga ang mga mamamayan nang dumating na ang mga pulis ng Daanghari Police District (DPD) upang imbestigahan ang pangyayari. Dinumog uli ng mga tao ang pinangyarihan ng krimen kung saan naiga ang dugong nasadlak sa lupa. Katulad ng ibang imbestigasyon, pinalibutan ng dilaw na tape ang lugar at nagtatanong sa mga saksi. IIsa lang ang mga sinasabi ng mga nakakita—si Don Rafael ang bumaril.
Nang malaman na may mga pulis, naghisterikal si Kenkoy at tumakbo papalayo habang hawak ang kanang balikat.
Dumating din sa imbestigasyon si Herminigildo “Gildo” Batongbakal na kapitan ng Brgy. Maliwanag upang makibalita. Agad namang nagsilapit ang mga tao sa kapitan na parang nanghihingi ng ayuda. Hindi lang naman ang insidente ang nagbunsod sa kapitan upang pumunta roon. Nais din niyang magpahayag ng pakikiramay sa namatay at nagkataon nga na nangyari pa ang malagim na pagbaril sa kapatid ng namayapa. Pumunta si Kapitan Gildo sa bahay ni Mang Terio at sumilip sa may kabaong sabay nagtanda ng krus. “Sumalangit nawa.”
Isang bagay ang hindi malinaw sa mga alagad ng batas at labis na nagpapagulo sa kanilang utak—kung binaril si Mang Terio, nasaan ang bala? Nilawakan ng mga imbestigador ang paghahanap ngunit lahat sila ay bigo.
Nanonood mula sa karamihan si Newton at tumawag ito sa ama upang sabihin na dumating na ang mga pulis.
“Nandyan na ang mga pulis?” tanong ni Mang Enteng.
“Oo pa, kararating lang nila. Andito rin si Kapitan.”
Napakinggan ng magkapatid ang pag-uusap ng mag-ama.
“Tol laging huli ang mga parak no?”
“Sinabi mo pa Elias.”
Todo kamot sa ulo ang pulisya sa pagtataka. Nagtanong ang mga pulis kung may nakadampot ng bala ng baril sa pinangyarihan ng krimen. Nabanggit nga sa kanila ng ibang mamamayan na kwarenta y singko ang gamit ng suspek na si Don Rafael kaya todo hanap ang mga pulis ng bala mula rito pero wala talaga.
Huminga ng malalim ang isa pulis na matangkad at may katamtamang laki ng katawan. Ito pala si Police Inspector Alfredo Guererro, pinatawag niya ang ilang tauhan upang sunduin sa mansion nito si Don Rafael M. Villafranca.“Yung iba samahan ako sa ospital para puntahan ang biktima,” utos ni Insp. Guererro na may mataginting tonong nagsasaad ng kanyang kontrol.
Sa lakad at tindig ni Insp. Guererro, masasabing nasa tuktok siya ng kalakasan ng pangangatawan. Ngunit sa kabila ng kalakasan at kontrol, unti-unting bumababa ang kanyang kredibilidad bilang isang pulis dahil sa kahinaang hindi niya maikubli—ang putol na kanang braso.
Ilang taon na ang nakakaraan, may tinitiktikan na organisasyon si Insp. Guererro na sangkot pagpapakalat ng mga huwad na salapi. Sa gitna ng dilim, nakita niya ang isang lalaki tumatakbo dala-dala ang mga anak nitong sanggol. Hinahabol ito ng mga taong nakamaskara at may baril. Wala ng matatakbuhan ang mga mag-ama kaya sila ay nadakip.
Sinundan ni Alfredo ang mga armadong lalaki hanggang makarating sa may sementeryo ng Brgy. Maliwanag. Nang magkaroon ng tyempo, naitakas niya ang mga mag-ama habang nakikipagpalitan ng putok sa mga kalaban gamit ang kanyang Magnum 357. Umabot sila sa Brgy. Pulanglupa na mararating pagkalampas ng libingan sa may hilaga. Nagtago sa bantog na simbahang bato sina Alfredo kung saan inabutan nila si Fr. Leonardo Sebastian na nagdadasal sa harap ng altar.
BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Misterio / Suspenso"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...