“Akala ko ba ihahanda ko ngayong Lunes?”
“May pagbabago, huwag na munang ipakita ang dokumento.”
“Anong pagbabago?”
“Pumunta ka sa DPD station. Kailangan kong makausap ang anak ko.”
“Tungkol ba ito sa mana?”
“Hindi, tungkol ito kay Arterio.”
“Bakit mo ako kailangan diyan?”
“Sasama ka ba o hindi?”
“Sasama syempre.”
Ibinaba ni Don Rafael ang cellphone at sumakay sa sasakyan sa may harapan ng ospital.
Uminit at umingay ang makina ng Mercedes Benz. Umaandar at pumihit na ang mga gulong laban sa maalikabok at sementadong kalsada.
Tinahak na nga nina Don Rafael at Mang Tonyo ang landas patungo sa istasyon ng pulis upang bisitahin ang maaaring magbigay linaw sa kaso ni Mang Arterio.
Hindi pa rin sigurado si Don Rafael kung kakausapin siya ng maayos ni Alfredo. Mukhang mahihirapan muli siyang makaharap ito kaya naman nais niyang sumama si Atty. Chavez upang mamagitan.
Naalala ni Don Rafael ang kahapis-hapis na kalagayan ni Mang Terio habang nakaratay sa ospital. Hanggang ngayon, iniisip pa rin ni Don Rafael kung kailan magigising ang kaibigan. Limang araw na rin itong walang malay mula noong nabaril ito sa ulo ng hindi pa nakikilalang indibidwal.
Kung kinakailangan na ako mismo ang maningil...akong maniningil. Kung kinakailangang ilagay ko sa aking mga kamay ang batas... gagawin ko.
“Antonio, ilang taon ka nang matapat sa aking pamilya?”
“Mga tatlumpong taon na po Don Rafael, bakit nyo naman po naitanong?”
“Nakatulong ba ako sa pamilya mo?”
“Aba syempre naman po. Napagtapos ko po mga anak ko ng kolehiyo dahil yun sa pagseserbisyo ko sa inyo.”
“Ganun ba, mabuti naman.”
“Bakit nyo po naitanong?”
“Sa tingin mo Tonyo, naging mabuting tao ako?”
“Ho?” Tila ba hindi narinig ni Mang Tonyo ang tanong ng amo.
“Di bale, ipagpatuloy mo lang pagmamaneho.”
Paminsan-minsan, tinitingnan ni Mang Tonyo ang amo sa may salamin. Hindi maipinta ang mukha nito at tila ba namatayan ang pagkatao ni Don Rafael. Naisip ni Mang Tonyo na dinadamdam pa rin ni Don Rafael ang pagtatwa sa kanya ng anak.
Matatagalan pa na makarating ang abogado dahil ito ay nasa Felicidad pa upang bumisita sa alma mater nito—ang Young Erudite School. Kanina pa naroon si Atty. Chavez bago pa dumating ang mga estudyante. Dumating siya ng alas singko ng umaga kasabay ang dating kaklase na ngayon ay punongguro na sa nasabing paaralan.
Sa principal office, nag-uusap ang magkaklase na matagal na ring hindi nagkikita. Kahit nakapagtapos ng abogasya, hindi ipinagmamataas ni Atty. Chavez ang narating. Hanga siya sa dedikasyon ng kaibigan na matagal na nasa serbisyo ng pagtuturo. Pinapurihan niya ang dakilang tungkulin ng mga guro sa pagpapaunlad ng bayan, “Saludo ako sa mga kaguruan. Ito ang pinakadakilang propesyon.”
“Salamat sa papuri Wesley ganun din naman ang mga abogado hindi ba?”
“Huwag mong lahatin.”
“Hindi mo ba pinagmamalaki ang iyong propesyon?”
“Sabi nga ng mga tao, ang abogado ang propesyon mga sinungaling—”
“At ng mga marurunong na tao na ipinagtatanggol ang mga kliyenteng naagrabyado at kakampi ng batas.”
“Sana nga. Buti na lang ang aking serbisyo noong mga nakaraang dekada ay sa mga Villafranca lang at sa tingin ko naman ay hindi sila lumalabag sa batas.” Lumingon si Atty. Chavez sa labas kung saan natatanaw niya ang mga kabataan. “Kung wala kayo, wala kami. Kung walang naggagabay sa mga kabataan na mga guro, hindi na sila magiging pag-asa ng bayan, magiging salot lang sila sa lipunan.”
“Matagal na akong guro at napagtanto ko na mawawalan ng saysay ang mga tungkulin namin kung hindi makikisundo ang mga mag-aaral na aming tinuturuan. Mahirap pero kailangan gawin namin iyon. Kailangan pa natin ng mas matatalinong mamamayan na hindi basta-basta naaapi ng mga tuktok ng tatsulok."Gusto ko man magtagal at makipagkwentuhan sa iyo pero hinihintay na ako ni Don Rafael sa istasyon.”
“Saan? Sa Daanghari? At ano naman ang gagawin ng isang Don Rafael sa istasyon ng pulis?”
“Mauna na ako.”Tumayo na si Atty. Chavez at binuksan ang pinto pero bago pa makalabas, may pahabol pa ang punongguro, “Nagbalik na siya...”
“Sino ang nagbalik?”
BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Misteri / Thriller"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...