Mga puti at itim na damit at kahong may laman na matagal nang nawala, yan ang makikita ngayon sa Simbahang Bato sa Pulanglupa.
“Sa alabok nagmula, sa alabok din nagbabalik. Mga kapatid ipanalangin natin ang kapayapaan ang kaluluwa ni Milagros na nawa’y hanguin ng mga anghel tungo sa kaharian ng Diyos Ama. Huwag natin damdamin ang kanyang paglisan sapagkat siya’y namatay at mabubuhay muli ng walang hanggang sa tahanan ni Kristo.”
Binasbasan ng paring si Fr. Sebastian ng banal na tubig ang kabaong ni Aling Milagros at pagkatapos, ang mga nagsidalo naman ang nagbendisyon. Mayroong tumatangis at mayroon namang walang luha ngunit saloob ay nalulungkot para sa namayapa na ang kabutihan sa kanyang kanayon ay walang maliw. Para sa kanila, hindi lang si Mang Arterio ang kapamilya nito, pati silang mga taga-Maliwanag.
Nang matapos ang pagbabasbas, dinala na ang katawan patungo sa huling hantungan—sa mismong sementeryo kung saan nagsesepulturero ang kanyang kapatid, pero wala si Mang Terio para magdalamhati at mamaalam o kaya mag-ayos ng paglilibingan ng kapatid. Habang naglalakad ang mga taong sinlungkot ng makulimlim na langit na nasa ibabaw nila at buhat-buhat ang ataul, sinasabayan ng mga malumanay at malulungkot na awiting nagpapaalam. Walang burial service na kinuha ang mga tao para tumulong kaya isang lumang speaker na may gulong ang ipinarada upang bigyang musika ang mg nararamdaman ang mga tao.
Tangan ng nakaputing kamiseta na si Selyo ang isang kalapati, simbolo ng kapayapaan, hindi lamang para sa kaluluwa ng namayapa pati na rin ang kapayaan sa bayan nila at ang hustisyang mailap para sa dinanaas ni Mang Terio. Walang luha ang namumuo sa mga mata ni Selyo pero kalungkutan ang naiipon sa kanyang makitid na dibdib bilang pag-alaala sa matanda na tumulong sa kanyang pamilya noong lumisan ang kanyang kabiyak.
Ang libingan na pagdadalhan ay ilang metro lang mula sa bahay nina Mang Terio at abot-tanaw naman sa bintana ng payak na tahanan ng mga Vergara. Ang libingan na naging pangalawang tahanan ng sepulturero ang magiging bagong tahanan ng kapatid na pinakamamahal. Ang lote ng sementeryo ay dating pagmamay-ari ni ng mga Villafranca pero ibigay ni Don Enrico III ang titulo nitong ilang metro kuwadradong lupa sa mga taga-Maliwanag.
Ang sementeryo din ang naging himlayan ng mapagkumbabang Don Enrico III na pinagtataka ng mga tao at ng kanyang pamilya dahil sa isang simple sementeryo lang ito nagpalagak ayon sa kanyang huling habilin at dahil gusto ng pamilya na maging mas maganda ang kanyang libingan, pinagawan nila ito ng malaking musuleyo na sinlaki ng isang ordinaryong bahay.
Ang malapit na kumare ni Aling Milagros na si Aling Luz ay kanina pang naiyak mula pa kaninang madaling araw noong inihahanda ang paglilibing. Hindi mapigilan ni Aling Luz ang mga luhang singbigat ng nararamdaman. Bitbit niya ang isang basket ng bulaklak na ihahandog mamaya.
Ang mga nagbubuhat ng mabigat na ataul na ginawa ni Mang Terio ay sina Kapitan Gildo, Crisostomo, Elias at si Mang Enteng. May kabigatan ang kahoy na kabaong at kanina pang nangangawit ang magkapatid pero hindi naman sila nagrereklamo, kusang-loob silang tumulong sa pagbuhat hanggang marating na ang mismong hukay na paglalagayan kay Aling Milagros.
Bumaba ang ilang kalalakihan sa hukay upang alalayan ang pagbababa ng kabaong na sinuportahan ng mga lubid at nang mailapag, tinagtag ang mga tali at umakyat ang mga lalaki. Bago tabunan ng malamig na lupa, kumuha ang mga dumalo ng bulalak mula sa sisidlang dala ni Aling Luz at inihagis sa hukay. Pagkatapos, kinuha ng mga kalalakihan ang mga pala at tinabunan na ng lupa ni Aling Milagros. Sa huli, pinalipad ni Selyo ang kalapati ay lumipad ito tungo sa liwanag na tumatagos sa makulimlim na ulap.
Ang mga nauna ng bumalik na mga tao ay nagsilab ng mga kahoy upang magkaapoy na kailangan upang magpagpag at hindi kumapit sa kanila ang kaluluwa ng namatay. Lumiban sa namumula at nagbabagang apoy sina Kapitan, Crisostomo, Elias, Mang Enteng, Aling Luz, Selyo at ang iba pang tao. Matapos magpagpag, umuwi na ang mga mamamayan at wala ng pakain dahil kapos na sa pera ang mga tumulong.
Si Don Rafael ay kasalukuyang naglalakad sa maputi at mahabang pasilyo ng ikalawang palapag na may maraming mga pinto. Marami siyang nakakasalubong at nakakasabay na mga nakaputing damit na abala sa mga gawain sa loob ng gusali. Tanging ingay lang ng kanyang bastong may agila na natama sa sahig ang maririnig sa pasilyo kung saan ang mga kwarto ay naglalaman ng mga taong namamahinga at nagpapagaling. Tumigil siya sa harap ng isang kwarto at pinayagan siya ng mga bantay na pumasok. Sa loob nakaratay ang kaibigang napapaligiran ng mga medikal na aparatos at malaking tangke ng oyxgen. Isinara niya ang pinto at lumapit sa higaan.
“Arterio,” tawag ni Don Rafael habang lumalapit. “Hindi ko alam kung bakit nais mong gawin ko yung mga ginawa ko noong nakaraan. Hindi ko mabatid kung ano ang plano mo at bakit ka gustong ipapatay. Alam mong hindi ako makakatanggi kapag humingi ka sa’kin ng pabor kaya naman kunwaring nag-away tayo at babarilin kita pero hindi ko magawa kaya isinala ko. Ang ating naging sarswela kapanipaniwala kaso may bumaril sayo, buti na lang hindi ka napuruhan. Napadaan ako saglit sa libing ng kapatid mo, nakakalungkot lang hindi ka makakadalo.”
Beep...Beep...Beep
Tunog ng electrocardiograph ang maririnig na tugon sa pananalita ni Don Rafael na hindi niya alam kung naririnig ng kausap.
Kailan ka magigising kaibigan? Kailan mo mabibigyan linaw ang mga nangyayari? Tumingin siya Don Rafael sa ECG at kahit hindi eksperto ay sa tingin niya’y normal ang tibok ng puso ni Arterio. Alam ni Rafael na matagal ng may butas ang puso ni Arterio at dahil sa kanyang ama, napaoperahan si Mang Arterio.
Kahit ang tanging liwanag ng kwarto ay isang fluorescent lamp, maaliwalas ang loob at hindi mararamdaman ang malungkot na kapaligiran. Lungkot sa paglisan ng pamilya at lungkot sa kawalan ng hustisya ang lumulukob sa katawan ni Mang Arterio na hindi pa rin tiyak kung kailan sisiklaban ng buhay at malay. May pag-aalinglangan din kung sa muling pagmulat ba ng mga mata ni Mang Arterio ay makikita pa niya ang kasiyahan sa mundo na kumakaway sa kanyang kahapis-hapis na kalagayan.
“Arterio, ang kapalaran natin bilang mga ama ay kaylupit. Ikaw nilayasan ni Marcos at ako... hindi kilalanin ni Alfredo. Bakit masaklap ang ating mga pagiging ama? Bakit nga ba?!”
Inangat ni Don Rafael ang kanyang kulubot na kamay at ipinunas sa mga luhang tigang sa pagmamahal sa anak na kinamumuhian siya.
“Kailangan nating tatagan ang ating mga sarili kaibigan sapagkat hindi pa dumarating ang pinakamalaking laban sa ating mga buhay. Hanggang sa muli kaibigan...paalam.”
Lumabas na sa kwarto si Don Rafael na hindi pa rin matanggap ang kalagayan ng kanyang kaibigan. Kahit na may pag-aalinlangan kung kakausapin ba siya, pupuntahan niya ang makakatulong sa paglutas ng kaso ni Mang Arterio—si Insp. Alfredo Guererro.

BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Mysterie / Thriller"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...