Kabanata 19

2 0 0
                                    

Sa Felicidad, sa isang malawak na subdivision, umuwi na si Altair sa kanilang tirahan¬—Unit no. 13. Hindi na iniinda ni Altair ang pag-iisip sa malas na numero ng bahay, ang mahalaga ay may tirahan. Lumipat lang sina Altair dito sa Felicidad mula sa Maynila matapos makabili ang ama na si Dante ng mga lupain mula sa mga Villafranca.
Mahaba na ang kasaysayan ng ugnayan ng mga Villafranca at De Zuñiga. Ang mga ninuno ng bawat angkan ay may malalim na pagkakaibigan labas ang negosyo. Pero noong mga nakaraang taon, tila ba nagkalamat na ang ugnayan ng dalawa at negosyo na lang at nagkokonekta sa dalawang pamilya. Dati nagpapalitan sila ng mga papuri at mga imbitasyon sa mga salu-salo, ngayon ay salapi at mga ari-arian na lang ang kanilang pinagpapalitan—purong negosyo lang.
Sumalubong sa binata ang amang paralisado na nakaupo sa wheelchair. Nakaratay na ito sa upuan matapos magkasira sa gulugod nito sa bandang baba na hindi malinawa ang pinagmulan. Paralisado ang ibabang parte ng katawan ni Dante mula sa baywang hanggang sa mga daliri sa paa.
"Bakit ka nagtagal? Hindi ba kanina pa dapat nakauwi?" tanong ni Dante.
"Sinamahan ko lang mga kaibigan ko."
"May mga kaibigan na pala," sabi ni Dante. "Mahirap magtiwala sa panahon ngayon anak at mga panahong ito, tanging sarili mo lang ang mapapagkatiwalaan mo."
"Alam ko pa, lagi kong isinasaisip yan. Pero hahayaan na lang ba nating hadlangan ng ating pangamba at takot ang ating pagtitiwala sa kapwa."
"Huwag mong kalimutan kung paano nalikha yang peklat mo sa mukha na laging nagpapaalala sa atin ng malagim na sinapit ng iyong mama. Tandaan mo yan! Dahil sa akala kong kaibigan, nasira ang buhay ko, ang buhay natin! Kahit nakaupo lang ako dito sa wheelchair, nagawa kong lumaban para sa inyo. Buti ka nga ganyan lang ang dinanas mo, ang iyong mama wala na."
Namuo ang luha sa mga mata ni Altair. "Hi..hindi lang kayo ang nagdadamdam papa, ako rin naman."
Nagpatuloy sa paglalakad si Altair at pumasok sa kanyang kwarto. Hindi pa rin lubos na humihilom ang mas malalim na peklat sa puso ng binata sa pagkawala ng ina. Sinasabi niya lagi sa ama na hindi lang siya ang nawalan.
Humiga siya sa malambot na kutson at napabuntong-hininga. Pinunasan ng kanyang kamay ang luha sa kanyang mata. Ang pagkamatay ng ina ang nagdulot sa kanya ng paghahangad na makaranas ng pag-aalaga mula isang babae bilang larawan sa ina. Nagugustuhan nila sa isang babae ay mga katangian ng kanyang ina—maaalahanin, maalaga at maunawain kaya naman hindi niya maunawaan kung bakit nagustuhan niya si Cattaleya.
Habang nakatingin sa kisame at nakapatay ang ilaw, inaalala niya ang malagim na araw na sinugatan siya sa labas at mas mahapdi sa loob. Kinakapa nila ang peklat sa mukha at sa kanyang nanariwa ang alala kahit bata pa siya. Kaya ganoon na lang ang pagtrato ng ama sa kanya, siya ang itinuturong may dahil. Sinanggahan ng kanyang ina ang patalim na sa kanya dapat tatarak. Ang mga sumunod na pangyayari ay malabo at naramdaman na lang niya ang likidong tumutulo sa kaliwang pisngi.  Sa kanyang murang isipan, naukit ang karahasan ng tao sa kapwa.
Kahit hirap kumilos, minamaniobra niya ang wheelchair patungo sa kanyang kwarto. Malungkot at kahit minsan ay hindi naging masaya ang kanilang bagong tahanan, matapos ang pag-atake sa kanila noong nasa Maynila pa sila. Dahil sa nangyari, nahirapan si Dante na magtiwala sa ibang tao, lalong-lalo na sa negosyo. Hanggang ngayon ay nasisisi pa rin niya sa anak ang pagkawala ng pinakamamahal na asawa at kaya ganoon ang trato niya sa anak. Kahit mahal niya ito, pumapantay lang ang pagkamuhi niya rito.
Sa loob ng madilim na silid, nakasabit sa dingding at litrato nilang mag-asawa, kasama ang mga ngiting matagal ng kumupas. Lumapit siya sa tulugan at hinimas ang malambot na higaan. Sana ay hindi na lang ako sumapi sa kanila. Nang mawalan ako ng silbi sa kanila, ganito ang ibinalik nila sa akin. Darating din ang araw ng paniningil at kakalusin ko sila.
Lumalalim na ang gabi at mag-aalas otso na. Dumungaw sa may bintana si Altair at tumingin sa malawak na kalangitian na tila ba karagatang napapalamutian ng maniningning na perlas. Napakadaming tala na sinasabing mas madami pa kaysa sa mga butil ng buhangin sa buong dalampasigan ng daigdig. Alam niya ang mga ngalan ng mga constellation o grupo ng mga bituin dahil sa mga aralin nila sa astronomy noong sekondarya. Inisa-isa niya ang mga constellation na malinaw na malinaw na nakikita dahil mababa ang polusyon ng hangin kumpara sa mga lungsod tulad ng Maynila at dagdag pa rito ang maaliwalas na panahon. Someday I will meet a black hole.
Kahit lumipat ng bahay, dala-dala ni Altair sa paglipat ang mga kagamitan niya sa martial arts tulad ng ilang punching bag, boxing gloves, sa fencing tulad ng épée, foil at kasuotan, kanyang uniporme sa karate, tsako at ang kanyang pinakaiingatang pares ng arnis na yari sa kamagong na ipinasapasa sa bawat henerasyon ng De Zuñiga. Nasa dugo na nila ang pagiging bihasa sa pakikipaglaban, mula sa kanyang ama, lolo, ama ng kanyang lolo at lolo ng kanyang lolo. Ang kamagong ang kanilang pinakakaingatang yaman ng kanilang angkan.
Alam ni Altair na kahit naging tutok sa negosyo noong mga nakaraang taon, hindi pa rin kumukupas ang galing nito sapagkat ito ang nagsanay sa kanya. Naalala niya bigla noong ipinagtanggol siya ng ama gamit ang arnis matapos sanggahan siya ng ina. Simula noong napapunta si Dante sa wheelchair, hindi na siya nakapag-eensayo at unti-unting humina ang pangangatawan nito.
Dahil sa pag-eensayo, naging disiplinado siya at natututong magpasensiya upang makaiwas sa gulo. Pero minsan ay hindi siya nakapagpigil at nakipagbanatan siya sa isang pangkat ng mga lalaki na humarang sa kanya. Napatumba niya lahat ito nang hindi man lamang pinagpawisan. Kinatakutan siya ng mga gangster sa kanilang lugar sa Maynila at umugong ang kanyang ngalan at siya ay binansagang—Scarface.


Sa bahay ng mga Vergara, bahay na wala na ring ilaw na tahanan, nakapagligpit na ng pinagkainan sina Selyo matapos ang munting salo-salo para sa pagkapasok ni Domino sa YES. Nakauwi na rin si Newton sa kanilang tahanan matapos makikain.
Nakaharap ngayon si Domino sa litrato ng ina sa dingding. "Nay, kung narito lang sana kayo. Alam ko po namang binabantayan niyo pa rin kami ni tatay kung saan man kayo naroroon."
Hanggang tainga ang ngiti ng ina sa larawan at napapagaan nito ang loob ng anak. Mas masaya kung nandito kayo. Ang litrato ay kinunan sa paaralan ng Daanghari Elementary School noong mga araw ng mga dakilang guro. Naalala ni Domino na maliit na siya noon at kumain sila sa labas kasama ang tatay niya. Silang tatlo, masayang kumakain dahil magkakasama. Iyon na pala ang huling beses na kakain sa labas, sumunod na linggo, namatay sa aksidente ang kanyang nanay.
Ang pinakamahalagang aral na iniwan ng kanyang nanay ay ang pagmamahal sa edukasyon. Ang ina ang nagturo kay Domino ng kahalagahan ng edukasyon. Katulad ng ibang bata, ang nanay niya ang una naging guro at nakadiskubre sa kanyang pambihirang talino. Naalala pa niya ang laging payo ng ina— Ang pagkatuto ang magpapalaya sa tao mula madilim na kahapon.
Iilan lang ang mga sandaling pinagsamahan nilang dalawa dahil sa maagang paglisan ng ina pero naging sandali rin ang kanyang kalungkutan sapagkat pinili ni Domino na magpatuloy sa buhay at baunin ang masasayang alaala kasama ang ina sa kanyang puso. Kaya sa halip pagkalungkot sa kawalan at pagkatuwa sa pag-alaala ang kanyang ginagawa.
Bihira mapag-usapan ni Domino at ng kanyang tatay ang kanyang ina sa ngayon, pero nananatili sa kanilang mga puso. Hindi na rin gusto ni Selyo na muling maghanap ng mapapangasawa kahit sang-ayon dito ang anak. Si Aling Lambing na Batanguenang bagong dating sa lugar nila ang napipisil ni Domino bilang bagong nanay pero syempre nasa tatay niya ang huling pasya.
Parehong pinatibay ng panahon matapos mawalay sa kanilang ina. Ang isa ay naalala pa rin ang trahedya nangyari sa kanila kaya naman ganoon na lang ang kanyang pagnanais na makadama ng pag-aalaga mula sa isang babae upang mapunan ang espasyo sa puso habang ang isa naman ay punong-puno ng pagmamahal ng kaniyang mga magulang kaya nag-uumapaw ang puso nito sa ligaya sa kabila ng pagkawalay sa kanyang ina.

Sa bahay na malapit lang sa kapitolyo, buo ang haligi at ang ilaw ng tahanan pero hindi ramdam ng mga anak na nakasilong ang kanilang presensya.
Nasa loob ng kanyang studio si Scarlet at nasa kalagitnaan na ng bagong obra. Sa may salas, nakaupo ang bunsong kapatid na babae habang nanonood ng telebisyon habang ang lalaking kapatid ay nasa loob ng kanyang kwarto at naglalaro ng online games sa cellphone dahil malakas daw ang signal doon ng kanyang network.
Mamasa-masa pa ang mga kamay ni Scarlet habang nagpipinta dahil kakatapos lamang niya maghugas ng mga pinggan ng kanilang pinagkainan ng hapunan. Mabilis lang naman siyang nakatapos sa paghuhugas dahil mga kubyertos, tatlong baso, isang malaking mangkok, kaserola at kanilang tatlong platong pinagkainan ang kanyang hinugasan.
Katulad ng kanyang inaasahan, nasa ibang lugar ang kanyang mga magulang dahil sa negosyo. Sa pakiwari nga ni Scarlet sa kanya-kanyang opisina nakatira ang mga magulang at sa bahay nila ito nagbabakasyon. Magaling na kapag nakatagal ng isang linggo ang mga magulang at himala kapag naka isang buwan.
Pagod na rin ang mga kapatid sa paliwanag ng ama at ina nito na parang sirang-plaka—Para sa inyo rin naman itong aming pinaghihirapan.
Sabi nga ng bunso na may edad na sampu, plano ata ng mga magulang niya na mapasama sa listahan ng mga mayayaman. Tatatlo lang naman silang magkakapatid pero parang dalawang dosena silang binubuhay ng mga limpak-limpak na kwartang kinikita ng mga magulang. Ang kapatid naman na lalaki na may edad na labing-apat ay masaya na kapag nabibigyan ng bagong gadgets o sapatos pero nararamdam pa rin ng pagsabik sa kanyang mommy at daddy.
Isang suliranin ng mga batang Manalo ay kapag may mga pagpupulong sa paaralan tulad ng mga PTA Meeting kung saan kailangan ang pagdalo ng magulang. Hagilap dito, hagilap doon ng maaaring dumalo para sa magkakapatid. Minsan ay tito, tita, lola, lolo o kahit sinong mayayayang kamag-anak na nasa hustong edad na. Kapag minalas-malas, sila lang ang walang representante lalo na sa mga araw ng pagkilala sa katapusan ng pasukan. Kahit sino na lang kakilala ang naakyat ng entablado upang isa sa kanila ay samahan.
Dahil sa kawalan ng presenya ng magulang sa tahanang sementado, naging bato na rin ang puso para sa mga tagapagkalinga na laging winiwika na para lang sa kinabukasan ang lahat ng ito.
Kung mayroon mang positibo itong naging dulot ay marahil ang pagiging independente at sumasalalay sa sarili sa kanya-kanyang pamamaraan. Walang silang mga yaya, atsay, katulong o ano pa man kaya si bunso na ang naglalaba ng kanyang sarili mga damit habang ang mga damit ng kanyang kuya at ate Scarlet ay mismong si Scarlet ang naglalaba. Kanya-kanya rin siya ng pagpaplantsa at may schedule ng paghuhugas ng mga pinggan. Halinhinan din silang maglinis at mag-ayos ng bahay na labis-labis pa para sa kanilang tatlo. Sa pagluluto, tanging si Scarlet lang ang maaasahan dahil baka raw masayang lang ang mga rekado kapag ang mga mas batang kapatid ang gumawa.
Ang mga kapitbahay ay takang-taka kung bakit sa yaman ng pamilya Manalo ay wala silang katulong. Sabi ng iba ay kuripot ang pamilya, sabi ng iba ay masyado raw matapobre ang mga bata kaya nangingilag ang mga katulong na magtrabaho dito at mayroon namang nagsasabi na naghihirap na ang pamilya at tinakasan na sina Scarlet ng mga magulang. Pero ang totoo, sa kabila ng salapi at bigay-luho, ayaw nina Ginoo at Ginang Manalo na maging maluho o palaasa ang mga anak kaya nagpasya sila na huwag magkaroon ng yaya ang mga bata. May plano nga rin ang mag-asawa na lahat ng mga anak kapag nakapagtapos ng elementarya ay patitirahin sa boarding house malapit sa eskwelahan at buwan-buwan padalhan ng panustos pero hindi ito natuloy.
Naniniwala si Scarlet sa sariling kakayahan. Kaya akong mabuhay ng aking sining. Hindi ko kailangan ng salapi, hindi yun anyo ng pag-ibig. Mas nais ko ay pag-aaruga ng magulang hindi pera.
Tiningnan niya ang bagong obra at lumingon sa isang malaking kanbas sa likod—The Last Sucker. Pero hindi tulad ng mga naunang likhang-sining na tumatalakay sa mga kontemporaryong isyu, ang kanyang bagong gawa ay may positibong elemento at labis na tinatamaan sa larawang nakikita—isang masayang pamilya na nasa isang bahay-kubo. "Simple...Mahirap...Pero masaya. Simpleng pamilya na kahit walang salapi at ang tanging yaman ay ang bawat isa, iyan ang pamilya, pamilyang wala ko."
Kahit basa pa ang bagong pinta, niyakap niya ito. Pamilyang sana ay mayroon ako. Tumatangis ang pintor ng tahimik sa loob ng kanyang makulay na studio na siyang tahanan ng mga kulay ng kanyang mundo. Humalo ang malulungkot na luha sa pintura sa obra at mukhang nawala ito sa ayos. Bumalik na kayo. Pakiusap.

Domino Effect: Child of DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon