Kabanata 8

1 1 0
                                    

Tinagtagan ng posas at ipiniit na sa loob ng bilangguan si Don Rafael. Kailanman hindi niya inasam na madama ang lamig ng rehas at ng sahig sa kulungan lalo na’t pinakaiingatan niya ang kanyang pangalan pero kailangan niyang gawin ang lahat ng mga nangyari kanina dahil sa ito ang hiningi ng tadhana. Matagal na naghintay si Don Rafael para sa kanyang abogado upang maayos ang kanyang nagawang gusot.

Mula sa kalaliman ng gabi, sa labas ng istasyon, natanaw niya ang pag-asa, ang sinasabing kaibigan—si Atty. Wesley Chavez. Wala man lang kaba o anumang emosyon ang makikita sa mukha ng tinatawag na Kampanilla. Hindi na ito lumapit sa amo, bagkus, diniretso niya ang opisina ng hepe at makaraan ng ilang minuto ay nagbaba ng kautusan ang hepe upang palayain si Don Rafael.

Ganun mismo ang inaasahan ng mga pulis sa paghuli nila sa mayaman at maimpluwensiyang Don. Sa halip na napako ang tingin kay Don Rafael, nabunton ang inis ng kapulisan sa misteryosong abogado. Ang alam lang niya bar topnotcher ang Kampanilla at alipores siya ng Don Rafael. Hindi ito taga-Daanghari kaya lalong umaapaw ang paghihinala ng pulis, lalo na ni Guererro na hindi gagawa ng mabuti ang abogado na yan. Kung minsan nga, ito ay tinatawag nilang ‘abogago’ pero palihim ang pagbigkas nito dahil baka mapikon ang laging nakangiti na abogado at sampahan sila ng kasong libelo.

Sa halip na sumakay sa sariling kotse, sumakay si Don Rafael sa kotse ng sinasabing kaibigan at inutusan sina Tonyo na bumalik na sa bahay. Malaki naman ang tiwala ni Don Rafael kay Atty. Chavez sa usaping legal kaya hindi na rin siya nangamba sa antas ng kahusayan ni Atty. Chavez sa likod ng manibela. Umugong ang makina ng itim na kotse na mistulang naglalaho kapag nasa dilim kung saan ang tanging liwanag lamang ay ang mga ilaw nito sa harap.

Umuwi na sina Tonyo at ang guwardiya, habang sina Don Rafael ay nagtungo na sa Villafranca Building kung saan matatagpuan ang opisina ng abogado. Mukhang mahalaga nga ang pag-uusapan ng dalawa dahil sa halip na sa telepono na lang mag-usap at magsalitaan, harapan at sa opisina na pa ni Atty. Chavez.

“Hindi na ba makakapaghintay yan?”

“Hindi na Wesley, dahil sa mga pangyayari, maaaring isunod na nila ako.”

“Mag-iingat ka kumpadre. Kaya pala ganun na lang ang pagmamadali ng ipapagawa mo.”

“Oo nga, oo nga...”

Makalipas ng ilang oras, nakarating na rin sila sa gusali ng mga Villafranca. Madalim ang paligid pero matatanaw ang mga guwardiya na araw-gabing nagbabantay upang maiwasan ang mga taong nais manira o magnakaw sa gusali. Sa kalaliman ng gabi, namumukadkad ang liwanag ng gusali na may dalawampung palapag. Bente-kwatro oras nagtratrabaho ang mga kawani ng kompanya kaya bukas pa rin ang mga ilaw. Sa laki ba naman ng sinusweldo ng mga empleyado, sinong hindi magsisipag sa trabaho lalo na kung ang pinaglilingkurang pangalan ay naging pamantayan na ng kapangyarihan sa bansa.

Pagpasok nila, agad na sumalubong ang mga bati ng magandang gabi mula sa mga tauhan niya. Sa ilalim ng malamlam na liwanag, binagtas nila ang malawak na pasilyo at tinungo ang elevator. Pumasok sina Don Rafael at Atty. Chavez sa loob at pinindot ng abogado ang mga numerong 1 at 5.

Nang makarating sa ikalabinglimang palapag, kumanan sila at dumiretso hanggang marating nila ang pinto na may nakalagay na karatula.

Office of Atty. Wesley A. Chavez
Legal Counsel of Villafranca Inc.

Pumasok sila sa silid at binuksan ang ilaw. Umupo si Don Rafael sa harap ng lamesa ng abogado na puno ng mga samut saring mga papeles, dokumento at mga portfolio na maayos na nakasalansan. Tinungo ni Atty. Chavez ang aparador at mula sa mga nakapatas na folder, kinuha ang isa. Mula sa mga gamit sa mesa, mga dokumento sa aparador at mga gamit sa opisina, masasabi na ang abogado ay isang organisadong tao.

Umupo sa kanyang trono si Atty. Chavez at inilapag ang mga papeles na nilalaman ng kinuhang folder. Mula sa mga papel, may kinuha si Atty. Chavez at iniabot ito kay Don Rafael.

Domino Effect: Child of DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon