Bago umuwi ang mga miyembro ng kooperatiba na naghulog para sa buwan ngayon ng Mayo, tumungo ang iba sa lamay sa tahanan ng mga Espirito. Walang naiwang barya sa bulsa ng mga naghulog kung kaya wala man silang maibigay na abuloy sa namayapang si Milagros Espirito. Naisip ng iba na sa mga susunod na araw na lang pumunta at baka sakaling may maiabot silang kwarta. Sa ngayon ay naupo sila sa mga silya at inabutan ng isang tasang kape at isang pirasong pandesal na malamig na.
Dumalaw rin si Selyo sa patay at doon nakita niya ang humuhikbi na si Mang Terio sa tabi ng kabaong yari sa apitong na gawa ng sepulturero. Katulad ng ibang naninirahan sa Brgy. Maliwanag, kapos sila sa pera at hindi kayang bumili ng kabaong. Pagtitinda ng mga woodcrafts yari sa iba't-ibang punongkahoy tulad ng mulawin, yakal, apitong, kamagong, mahogany at narra. Sa totoo lang marami ang iligal na namumutol ng puno lalo na ang puno ng narra. Pero hindi masisi ng mga tao doon ang gawain ng iba dahil sa hirap ng buhay.
Hindi maintindihan ng mga tao na nakatira doon kung bakit Maliwanag ang pangalan ng kanilang lugar kahit na malabo ang nakikita nilang kinabukasan para sa mga susunod na mga henerasyon. Hindi alintana ni Selyo ang hirap ng pamumuhay dahil alam niyang maiiahon ni Domino ang ama at ang sarili sa hirap, gayundin ang mga kasitio niya na sa edukasyon na lang umaasa upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
"Nakikiramay ako Mang Terio," bati ni Selyo habang hinahaplos ang buto't balat na likuran ng sepulturero.
"Salamat Cecillo, pero alam mo matagal ko nang pinaghahandaan ang araw na ito dahil nga naniniwala ako na ang kamatayan ay hindi dapat kinakatakutan sa halip ay pinaghahandaan ito. Parte ang kamatayan ng buhay ng bawat nilalang maging halaman, hayop man o tao. Inihanda ko ang sarili ko at tanggap na ito ng isip ko pero hindi ng puso. Siya na lang ang pamilya ko simula noong nawala ang aking anak na hindi na bumalik."
"Kapit lang Mang Terio. Hindi ka nag-iisa, magkakapamilya tayo dito. Ito sandaang piso tanggapin mo," pagmamabuting loob ni Selyo
"Salamat. Talagang kung ano ang puno, siya rin ang bunga. Naalala ko sa'yo ang iyong ama na bukas palad sa tao. Sayang lang at hindi siya nakasundo ng mga Villafranca, lalong-lalo na si Don Rafael na nagnanais makuha ang ating mga lupain sa hindi malamang dahilan."
"Kalimutan nyo na si Don Rafael. Ang mahalaga ay tinigilan na niya ang panggugulo hindi ba?"
"Sana nga, sana nga lang at natauhan na yung matandang hukluban na yun at baka isilid ko siya sa mga ginagawa kong mga kabaong," nanggigigil na sabi ni Mang Terio.
Sa tabi ng labi ni Milagros, nakalagay ang mga santo, si Jesus at Birheng Maria na nililok ni Mang Terio. Hindi lang sepulturero si Mang Terio, isa rin siyang kilalang manlililok sa buong bayan ng Daanghari. Siya ang gumagawa ng mga estatwa ng mga anghel sa sementeryo. Habang wala siyang nililinis na nitso, sa sementeryo niya nililikha ang kanyang mga obrang yari sa bato o kaya kahoy. Halos mapuno ang kanilang bahay ng mga nilikha niya na hindi niya mabenta dahil wala naman sa kanilang lugar na makakabili ng mga iyon. Maibebenta niya lamang yun sa siyudad ng Felicidad, kapital ng kanilang lalawigan kung saan marami ang mga bumibili ng iba't ibang sining.
Tumayo si Mang Terio at pumasok sa loob ng silid. Paglabas ng matanda ay daladala nito ang dalawang obra. Ito pala ang mga imahen ng kanyang kapatid na si Milagros at ang anak na si Marcos.
"Siguro magkaedad lang kayo ni Marcos, sigurado rin may pamilya at anak na siya. Noong nakatira pa kami sa bayan ng Felicidad, may hindi kami napagkasunduan at yun ang dahilan kung bakit siya lumayas at hindi na nagpahanap," naluluhang sabi ni Mang Terio.
Inilapag ni Mang Terio ang mga imahen sa may aparador at may kinuha. Ito pala ay isang lumang chessboard na si Mang Terio din ang gumawa, yari sa narra ang mga piyesa at ang pinaglalaruan ay yari sa apitong.

BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Misteri / Thriller"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...