Wakas

1.3K 28 37
                                    

WAKAS

"Red! Mag try out ka na kasi!" pangungulit ni Raven.

"Tanga! Paanong magt-try out? E ayaw nga ni Mommy. May sumpa talaga 'tong hika." Sinipa ko ang nadaanan na mga dahon.

"Unless..." Ngumisi sa akin si Jack. "... hindi mo sasabihin. Hindi naman niya malalaman 'yon, dre! At isa pa, mapipigilan ka pa ba ni Tita kapag natanggap ka na?"

Sabay na tumawa ang dalawang matalik kong kaibigan. Umiling ako at kumamot sa ulo. Pinipilit nila akong mag-try out sa volleyball ngayon sa high school. Nag open na kasi ng slots para sa mga first year high school. May experience ako sa elementary dahil player ako noon pero isang taon lang iyon.

Nasaan na ba kasi si Mommy? Sana kasi ay hindi niya ko nalilimutan na bigyan lagi ng baon, para hindi ko na kailangan pa'ng pumunta rito sa MAHS. Hassle!

"Dre, nakikita mo ba 'yong nakikita ko?" bulong ni Raven kay Jack.

Kunot noo ko silang sinundan nang sumilip sila sa covered court ng MAHS. Pinagtinginan pa kami ng mga estudyante dahil iba ang aming uniform.

"Woah! Daming chicks!" namamangha na sabi ni Raven.

"Dre, sabihin mo sa Mommy mo, lagi niyang kalimutan 'yong baon mo para lagi tayo rito, ha?" dagdag pa niya.

"Gago!" Tumalon ako para batukan silang dalawa. Nagtawanan kami pagkatapos.

Sumandal ako sa railings, nakatalikod sa pinapanood nila. Kahit kailan ay hindi ako naging interesado sa mga ganiyan. Magte-trese anyos pa lang ako, anong ipang-de-date ko sa babae kung manliligaw ako?

Ang tagal ni Mommy, sarado pa rin ang room niya. Siguro ay may klase sa ibang building. Marami ang nakakilala sa akin at panay ang bati. Wala akong ginawa kundi tumango at ngumiti na parang kandidato.

Napatigil ako sa pagtango nang mahagip ng mga mata ko ang isang babae na naglalakad papunta sa gawi namin. Sa tingin ko ay ka-edad ko lang ito. Kumpleto ang uniform nito sa paglalaro—mula sa ulo hanggang paa. May knee pads pa ito at elbow pads, ang mga daliri ay nakatali ng athletic tape. Seryosong-seryoso itong naglalakad at walang nililingon. Parang galit sa mundo.

Astig.

Napadikit ako kina Raven nang malapit na ito sa amin.

"Ano ba? Baklang Red." Siniko ako ni Raven, nanonood pa rin siguro sila sa mga babae roon sa court.

Halos maputol ang hininga ko nang lumapit siya sa akin, ngunit wala sa akin ang paningin. Hindi pa rin ako humihinga, lalo na nang walang pag-aalinlangan niyang hawiin ang braso ko. Sa isang iglap ay nawala ako sa kaniyang harapan. Ang lakas nito, hindi niya nga ako tiningnan habang ginagawa iyon.

Napahilamos ako sa mukha nang mapagtanto na nakaharang pa lang ako sa entrance!

Tangina, nakakahiya!

Nang makapasok siya nang tuluyan sa loob ng covered court ay nasa kaniya pa rin ang tingin ko. Umawang ang bibig ko nang biglang tumahimik ang mga tao dahil sa pagdating niya. Ang buong team ng volleyball girls ay agad pumila sa kaniyang harapan.

"G-gago, dre! 'Yan ba captain ball nila? Kasing edad lang natin 'yan, e!" si Jack.

"Oo, tanga! 'Di ka talaga updated, hayop ka! Si La Victoria 'yan, ka-batch natin! Matunog na pangalan niyan noong elementary pa lang. Dalawang beses na 'yan nag Palarong Pambansa, e!"

"Tangina mo, ah! Natatanong lang naman ako!"

Sa unang pagkakataon ay nabingi ako sa pagbabangayan ng mga kaibigan ko. Masyado yata akong nahumaling sa babae na 'yon kaya hanggang ngayon ay hindi ko maalis ang tingin ko sa kaniya.

Taming my Ruthless CaptainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon