Kabanata 22

40 1 0
                                    

NAMAGITAN ANG katahimikan sa kanila. Nagtititgan ang kanilang mata at tinatantiya ang sinasabi ng bawat isa. Si Heshia ang naunang nag-iwas sapagkat hindi niya magagawang isa-isip ng lubos ang sinabi ni Marcus kung nakatitig siya sa malamig nitong mata.

"Anong... anong sinasabi mo?" nagtataka niyang tanong bagaman malinaw para sa kanya ang sinabi nito.

"Ipasa mo na ang marka." paglilinaw ni Marcus sa nasabi na kanina.

Nangunot ang noo ni Heshia sa narinig na mungkahi.

"Marcus, batid mo namang hindi ito laruan na maaari kong ipasa na lamang. Kailangan ko ng panahon, at isa pa, hawak ko ang aking panata sa iyong Ama, sa konseho at kay maestro.." tinitimpi niya ang sarili sa kanyang mga saad. "Marcus, bakit?" mahinahon niyang tanong at humakbang palapit.

"Tawagin mo na akong makasarili. Subalit iyon lang ang nakikita kong paraan, Heshia. Oras na hindi ka na Arden, wala na tayong problema." seryoso nitong giit.

Nanlambot ang ekspresyon ni Heshia sa nasisilayang emosyon sa mukha ng kasintahan. Hinahanap niya dito ang Marcus na may maigting na paninindigan, 'yung Marcus na responsable sa bawat desisyon na nililikha. Subalit hindi iyon makita ni Heshia ngayon.

Ang siyang malinaw para sa kanya ay ang siglaw ng pag-aalala ni Marcus para sa kanilang relasyon.

"Hindi iyon ganoon kadali, batid natin iyon. Alam mo namang nag-uumpisa pa lamang ako sa tungkuling ito at wala pa akong napapatunayan bilang isang Arden." pahayag ni Heshia. "Lahat ay kailangan ng mahabang panahon lalo na sa ganitong desisyon."

"Kailangan ko ang iyong desisyon ngayon." walang pasubaling bigkas ni Marcus.

Umawang ang labi ni Heshia. Iniisip na inaatake na naman ng kakaibang wisyo ang utak ng kasintahan. Subalit batid niyang hindi ito basta wisyo ng taglay nitong kasupladuhan. Mayroong iba.

"Marcus, naman. Ano ba ang nangyayari sa 'yo?" nanlulumo niyang tanong dahil sa nanlulumo na rin talaga ang kanyang loob.

Ang makitang may siglaw ng pag-aalinlangan sa mata ni Marcus ay naghahatid sa kanya ng hindi pa nauuwing pagkabigo.

Hinahati ni Marcus ang kanyang kalooban. Minamahal na niya ang kanyang tungkulin at nasisiyahan siya sa pagtugon ng responsibilidad bilang Arden. At isa pa, si Quan ay buong buo na ang tiwala sa kanya na lubusan na niyang tutugunan ang posisyong ito.

"Maayos naman lahat sa atin, hindi ba?" hinawakan niya ang isang kamay ni Marcus.

Nakatitig rin ito sa kanya.

"Sa ngayon. Subalit hindi ko na alam sa mga parating na panahon." mahina ring bigkas ng Prinsepe.

Wala mang tiyak na kahulugan ay pakiramdam ni Heshia nilukot na ang kanyang puso. Tila alam na niya kung ano ang destinasyon ng mga sinabi ni Marcus.

"Hindi madali ang bagay na ito. Kailangan ko ng panahon."

"Naiinip ako."

Sumiwang muli ang bibig niya sa narinig. Umiling-iling si Heshia.

"H-huwag ka namang ganyan. Binibigyan mo ako ng pagkabahala."

Hindi niya maunawaan. Batid nilang dalawa ang bagay na ito. Batid niya na nauunawaan nila pareho ito. Dalawa pa nga silang nagpasya sa paglilipat ng marka sa kanya. Kaya ngayon ay hindi maunawaan ni Heshia kung bakit lumiliko si Marcus.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon