Eowyn
PANINDIGAN MO ITO, EOWYN.
Iyon ang mga salitang umalingawngaw sa aking isip sa mga sandaling lumapat na ang aking mga paa sa batuhan. Napakalakas ng pintig ng aking puso, kumakabog na animo'y tinakbo ko mula sa aming kastilyo hanggang dito. Ang kaba ay hindi mawawala, nanginginig ang mga tuhod at hindi na magawa pang lumikha ng isang hakbang.
Determinado akong rn mdito sa kabila ng katotohanang mapanganib na ang buhay na kinagagalawan ko. Ngunit kahit bukas ang aking isip sa nakaambang kapahamakan sumuong pa din ako sa kagustuhan ko.
Sinabi ko rin sa Prinsepe na hindi ako gagawa ng bagay na ipag-aalala muli ni Katherin at ni Ama, subalit narito ako, naging suwail muli tulad noong una. Sinunod kong muli ang simbuyo ng aking loob upang pumunta, parang noon... upang katagpuin siya.
Si Ismael.
Hindi nga ako nagkakamali ng hinuha. Narito siya. Sa harap ko. Nakatayo, nakapamulsa at madilim ang presensya na akin nang kinamulatan. Ilang ulit akong lumunok, ilang ulit akong nangatog. Nanlalamig ang aking katawan at namumutil na ang pawis sa aking noo at sa mukha kong namumutla. Natatakot ako sa kanya. Ngunit alam ko na kailangan kong gumawa ng hakbang para sa sarili ko.
"Eowyn.." marahang lumabas ang tinig sa labi ni Ismael.
Hindi siya kumukurap sa pagtitig sa akin. Tila ba inasahan na talaga niya na pupunta talaga ako dito kahit pa kinamumuhian ko siya.
"Babalik ka na sa akin?" masuyo niyang tanong at lumamlam ang kanyang mga mata.
Mahaba ang buhok ni Ismael, parang kay Moyu. Ngunit ang kanya ay nakapusod ang kalahati at mayroong humaharang sa kaliwa niyang mata. Nabigyang diin ang taglay niyang kakisigan sa ganoong ayos at tunay talaga na napaka-amo ng kanyang mukha. Subalit kabaliktaran niyon ang kanyang kaluluwa.
Nagtitigan kami at hindi ako natinag sa aking kinatatayuan nang humakbang siya. Alam kong wala akong panlaban sa kanya. Naisin man niya akong dukutin muli, at dalhin sa Harrenhal ay wala akong magagawa upang pumalag.
Bawat paglapit niya'y katumbas ng panghihina ng aking mga tuhod. Nanlalambot ako at gustong maghumiyaw sa papalapit niyang presensya ngunit wala akong karapatang gawin iyon.
Ginusto ko ito kaya nararapat na harapin at tapusin ko. Malalim akong lumunok nang nasa tapat ko na siya. Huminto siya nang mayroong tatlong hakbang ang layo namin sa isa't-isa. Hindi ko inalis ang titig sa kanya dahil ayaw kong mabura kung gaano ko siya isinusumpa sa mga panahong lumipas hanggang ngayon.
Siya ang ugat kung bakit ako nagdurusa at namimighati. Siya ang dahilan kung bakit nasasaktan si Gustave at nagda-dalamhati. Kinapu-puotan ko siya. Ng masidhi.
"Kaarawan ko ngayon. Naaalala mo at ikinaliligaya ko ito.." marahan niya muling sinabi at bahagyang ngumiti.
Na tila ba hindi niya sinira ang buhay ko at ng taong dapat ay kapiling ko.
"Naaalala ko pa ang iyong pangako noon. Sinabi mong pagbibigyan mo kung ano ang hihilingin ko sa iyo dahil kaarawan ko.." humakbang siya ng maliit kasabay ng pagdaan ng kislap sa kanyang mga mata na tila ba nasisiyahan siya.
Naalarma ang kabuuan ko dahil unti-unti na siyang lumalapit at nararamdaman kong muli ang pamilyar na hilakbot at pangamba sa kanyang presensya. Ngunit gaano man nangibabaw ang aking takot at kahinaan ay pinanatili kong matatag ang aking sarili sa harap niya.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasyShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...