NAGKALAT ANG mga kagamitan sa gitna ng pamilihan ng bayan ng Clavein. Sa halip na naghahanap-buhay ang mga mamamayan ay inililigpit nila ang kanya-kanyang kalat na lumatag sa sahig. May mga kariton na nawarak, ang mga gulay ay sabog gayundin ang mga prutas na paninda ng mga tao.
Ang ibang poste ng kubol ay nabali na at bumigay na animo'y sinalanta ng unos. Hindi maipinta ngayon ang kalagayan ng pamilihan kaya kaliwa't kanan ang kilos ng mga tao upang iligpit ang mga kalat.
"Bakit nangyari ang ganitong sitwasyon?" bumaba si Heshia mula sa pagkakalulan sa kabayo. Seryosong ekspresyon ang nakaguhit sa kanyang mukha nang ilibot niya ang tingin sa pamilihan ng lungsod.
"Tila nagdaan sa unos ang kinalabasan. Nakapagtataka." si Khion na tulad niya'y ikinalat ang pananaw sa paligid.
Nagtungo siya dito para lamang sana samahan si Khion na mamili ng mga sangkap sa naisipan nitong lulutuin ngayong araw. Nais nitong ipagluto si Brandon at pinilit siyang sumama kaya wala siyang nagawa. Subalit pareho silang nagulat sa nadatnang sitwasyon.
Nilapitan ni Heshia ang isang ale na kasalukuyang dinadampot ang mapupulang mansanas na gumulong sa puting niyebe. May hawak itong malaking buslo at doon iniipon ang mga prutas. Tumulong siyang pulutin ang mga iyon gayong nakikita niyang nahihirapan sa pagyuko ang matanda. Si Khion ay ganoon din ang ginawa.
"Salamat, iha." garalgal ang boses ng matanda sa pagsalita. Mas marami na ang puting buhok nito kaysa sa itim at kulubot na rin ang balat.
"Ano hong nangyari dito?" agad niyang tinanong nang buhatin ang buslo upang itabi sa matandang nakaupo.
Tinignan niya ang mukha ng matanda na nanginginig ang mga kamay. Balisa ito.
"Ginang, anong nangyari dito?" ulit niya gayong hindi ito sumagot.
"Mabilis daw ang pangyayari. Tila isa ngang unos." satinig ni Khion matapos rin magtanong sa ibang naroon. Lumapit nalang ito sa tabi ni Heshia. "Kailangan itong makarating agad kay Heneral."
Saglit na tinignan ni Heshia ang binibini bago balingan ulit ang matanda. Ang pagtataka ay nakapinta pa rin sa kanyang mukha. Ano ang maituturing na unos ng mga taong ito?
"Ginang, sino ho ang may gawa nito?" mahinahon niyang tanong subalit seryoso.
Nag-angat ng tingin sa kanya ang matanda at bahagyang ngumiti.
"Hindi ko kilala..." ang siyang tugon nito. "Marami sila." dugtong nito at yumuko.
Kumunot ang noo ni Heshia.
"Marami?" si Khion, "May mga mahika kayo, bakit hindi ninyo ginamit?" may pagtataka nitong segunda.
Tahimik naman si Heshia na nakatitig sa mga nagkalat na kagamitan.
"Karamihan sa amin ay matatanda na. Hindi na namin kayang lumaban pa. Lalo't may taglay silang lakas." may bahid ng lungkot ang mukha ng matanda at nilagay sa kandungan ang kanyang buslo. "Nais ko lamang magtinda. Subalit may mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng iba."
"Mandarambong ba?" malamig na tinanong ni Heshia iyon.
Tumingin sa kanya ang matanda. Hindi iyon sumagot at iniwas agad ang tingin sa kanya.
"Ipaalam natin ito kay Heneral Y'er nang sa gano'y mabigyan ng maiging pagsiyasat. Tiyak na ipahahanap niya agad ang mga taong iyon." konbiksyon ni Khion.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasíaShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...