MARIIN NIYANG IPINIKIT ang mata kasabay ng pagkuyom ng kamao habang hinihintay ang isang bagay na lumapat sa kanya. Dumaing siya nang humagupit ang latigo sa kanyang likod. Hindi niya agad naramdaman ang sakit, ngunit bumilang ng segundo nang unti-unti nang lumapat sa kanyang balat ang hapdi dala ng malakas na pagkakahampas.
Nakagat niya ang ibabang labi upang hindi maglabas ng palahaw nang maulit pa iyon ng ilang beses. Napakahapdi ng balat niya sa likod. Hindi man ito makita ay batid niyang punong-puno na ito ng latay at galos.
"Kung ako lang ang iyong sinuway ay mapapalampas ko. Kung ako lang ang iyong tinakasan ay mapagbibigyan ko."
Nakagat niya ang ibabang labi dahil sa tuloy-tuloy na hagupit ng latigo. Pakiramdam niya'y may maliliit iyon na tinik at dumidikit iyon sa balat niya tapos ay biglaang hihilain.
Iwinaksi niya ang nararamdamang sakit at pinilit na patatagin ang ekspresyon ng kanyang mukha. Malugod niyang tinatanggap ang parusang ito sapagkat siya ay nakagawa ng pagsusuway sa kanyang maestro. Matapos ang tatlo pang malakas na magkakasunod na hampas ay napaluhod na siya. Pawisan at humahangos kahit na ang ginawa niya lang naman ay tumayo ng ilang minuto.
"Bigyan mo ako ng pampalubag loob upang hindi ako lubusang magalit sa iyo, Heshia."
Naipikit niya ang kanyang mga mata. Ang hapdi ay pumalibot sa kaibuturan niya kaya hindi niya magawang tugunan ang mga salita ni Quan. Naglakad ito tungo sa kanyang harapan, naramdaman niya iyon ngunit nanatili siyang nakapikit.
"Ano't naging suwail ka?" bigkas nito sa mahinahon na paraan.
Ang dahilan kaya niya pinarusahan si Heshia ay dahil hindi niya ito nakita sa palasyo ng Alteria noong oras na dapat ay ipapasa na niya ang kanyang kapangyarihan. Nabigo siya at gayundin ang konseho sapagkat hindi natuloy ang dapat na mangyari noong oras na iyon. Kaya ngayon ay iginagawad niya kay Heshia ang parusa dahil sa ginawa nitong pagsusuway.
"Patawad." ang siyang sinabi niya nang magmulat ng mata.
Walang emosyon ang mukha at sa pamamagitan lamang ng malalim na paghinga niya inilalabas ang kanyang daing sa mga natamo.
"Naging suwail ka dahil lamang sa pag-ibig? Hindi dahil isang Prinsepe si Marcus ay maaari niyo nang gawin ang lahat ng inyong nais. Pinagsabihan na kita, Heshia." panenermon nito sa binibini na nakatulala lamang sa sahig na kanyang kinaluluhuran.
Alam niya ang kanyang pagkukulang at pagkakamali, dalawa sila ni Marcus na sumuway sa konseho. At lalo na sa Hari. At ang kanilang ginawa ay isa nang malaking kasalanan.
Hindi lang pisikal na parusa ang kanyang natanggap, kun'di panunuligsa sa kanyang inasal. Tinanggap niya ang lahat ng iyon ng malugod. Ngunit ang damdamin niya'y hindi nila mapipigilan at mapaparusahan. Hindi siya sumumbat o dinepensahan ang sarili sapagkat nais niyang maitama ang pagkakamali niya. Buo na ang desisyon niya noong araw na iyon ngunit umalis pa rin siya.
"Ano ba ang dapat kong gawin sa iyo? Magiging Arden ka, Heshia. Ngunit ngayon pa lamang ay naging iresponsable ka na hindi pa man naililipat sa iyo ang marka. Nag-usap na tayong dalawa tungkol dito. Malaki ang tiwala ko sa iyo, ang konseho at lalo na ng Hari! Umaasa kaming lahat. Ngunit wala pa man ay nabigo mo na kami." muling pagbibigay ni Quan ng kanyang tuligsa.
Tahimik naman siyang nakikinig, pumapasok sa isip niya ang mga sinasabi ni Quan. Seryosong usapin ito dahil may kinalaman ito sa kaharian lalo na sa magiging tungkulin niya sa hinaharap. Hindi ito ang oras upang sagutin niya o barahin si Quan.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasyShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...