Kabanata 68

41 2 1
                                    

Katherin

"PULANG WATAWAT."

Sumimangot ako at tinatamad nang ibinaba ang hawak na panulat.

"Iyon ay simbolo sa digmaan, Eowyn." giit ko.

Ngumiti ang aking kapatid at tumayo mula sa kanyang sariling mesa upang lumapit sa akin. Mismo, siya ang nagligpit ng aking mga ginamit para sa araw na ito.

Mataman ko siyang tinignan, sapagkat ang aking talaarawan ay kanya ring sininop. Sinadya niya pang basahin ang aking isinulat kaya mabilis ko itong kinuha at tiniklop. Tinaasan niya ako ng kilay.

"Nagkakamali ka. Ang pulang watawat ay hindi lamang sumisimbulo sa digmaan, Erin. Maaari rin nitong ilarawan ang katapangan at kagitingan, maging ng pagwawagi."

Umikot ang mga mata ko sa kanyang mga tinuturan. Sapagkat siya ang nagbukas ng usaping ito dahil lang nakabasa na naman siya ng kung anong libro. Nauunawaan ko naman ang aking kapatid. Sa tuwing nagkakaroon siya ng interes ayon sa mga nabasa niyang aklat, ay bubuksan niya ito sa akin upang aming pag-usapan. Na tila ba nais niyang ibahagi sa akin ang kanyang mga nalaman.

"Kung ganoon, ano naman ang sinisimbulo ng itim na watawat?" nagpangalumbaba ako at pinatong ang siko sa aking maliit na talaarawan. Upang hindi niya ito makuha sapagkat batid kong nais niyang basahin ang nilalaman.

Ngumiti siya kaya napangiti rin ako sapagkat nakatutuwa ang paglitaw ng mga biloy ng kapatid ko. Kinagigiliwan ko iyon ng husto kay Eowyn, at minsan ay kinaiinggitan ko iyon sapagkat naiisip ko na mas magiging magkamukha kaming dalawa kung may biloy rin ako.

"Kadiliman, minsan ay kalungkutan." mahina niyang sagot.

"At ang lila?"

Ngumuso siya at sumusukong lumayo sa aking mesa. Natawa ako sapagkat hindi siya nagtagumpay na ipuslit ang aking talaarawan.

"Karahasan at kalupitan." sagot niya at pinanuod ko siyang bumalik sa kanyang mesa.

Narito kami sa aming silid aralan. Sa loob ng aming mapayapang tahanan. At ginagawa ang mga bagay na aming nakagawian noong maayos pa ang lahat. Noong wala pang gumambala sa aming mapayapang pamumuhay at inosenteng puso.

Sa lahat ng paraan na maaari, nais kong bumalik sa dating ako. Sa Erin na walang muwang sa panlabas na mundo. Iyong Erin na walang inaalala kun'di ang mga bulaklak at paru-paro. Iyon ang aking buhay. Tahimik, malamyos at malayo sa kapahamakan na dulot ng reyalidad. At hangga't maaari, sinisikap kong maging masigla at magiliw upang tabunan ang mapait na karanasan.

Ayaw ko na iyong balikan. Alam ko sa aking sarili na madali ko lang itong malilimutan. Ngayong narito na muli ako sa Peryvell, tiyak na mahahanap kong muli ang malamyos at makulay kong kapalaran. Dito ako nakalaan, dito sa Peryvell, dito ang aking habang buhay na tahanan.

Binaon ko iyon sa aking isip. Na ang mga naging karanasan ko sa palasyo ay iniwan ko roon. Ang sakit at lupit na dulot niya'y hindi ko hinayaang sikilin ako sapagkat ayaw kong mabalot ng pait at galit ang aking busilak na puso. Hindi ko hinayaan ang sarili na pamunuan ng panibugho o ano mang muhi.

Kinalimutan ko.. at patuloy kong kalilimutan ang lahat.

Aamin kong hindi nagiging madali na bumangon muli. Matagal ang pamamalagi ko sa palasyo ng Alteria at namulat ako sa buhay sa loob niyon. Kaya noong nakabalik kami dito sa Peryvell ay hindi ko maiwasang manibago. Napakalaki kasi ng pinagkaiba. Mabigat at masyadong makapangyarihan ang presensya ng palasyo. Samantalang magaan at makulay ang aming kastilyo. Idagdag pa ang mga nakatirang tao.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon