NAKAHINGA NG maluwag ang karamihan sa nasisilayan, ang iba ay hindi makaahon sa paghanga kung paano nakarating si Katherin sa loob ng mga ugat at baging. Napakaraming tinik at mga nakasusugat pang ugat subalit payapa siya at wala man lang kahit isang galos sa balat.
Liban sa hindi pa nahihilom na sugat sa kanyang pisngi. Agad na dinaluhan ni Eowyn ang kapatid at hinaplos ang mukha nitong dinadapuan din ng mga paru-paro.
"Erin.." hinagod niya ang buhok na kumalat sa pisngi ni Erin. Nanlambot si Eowyn nang makita ang medyo mahabang sugat sa gitna mismo ng pisngi nito.
"Kapatid ko, gising na.." marahang pinilantik ni Eowyn ang mga daliri at naglabas iyon ng makikinang na alikabok, tila hangin itong dumampi sa sugat ni Katherin at unti-unti ay nagdikit ang nakaawang na sugat.
"Ayos na ang lahat. Wala ka nang sugat." malamya pa niyang sabi at hinaplos ang pisngi ni Erin.
Tiningala niya si Moyu. Alam na ng ginoo ang pahiwatig kaya lumuhod ito upang maingat na i-angat si Katherin.
"Nangyari muli." pabuntong hiningang sabi ni Moyu at tuluyang binuhat si Katherin.
Inalis ni Eowyn ang tunika na ipinatong sa kanya ni Gustave kanina at tinabing iyon sa katawan ni Katherin. Nagawi pa ang tingin ni Eowyn sa kaliwa kung saan nakita niya ang pasulong na Prinsepe sa kinaroroonan nila. Napabuntong hininga siya.
"Doon na sa loob, Moyu." tipid niyang sabi bago pa makalapit si Prinsepe Marcus sa kanila.
"Maayos lang ba siya?" tanong ni Gustave.
Tango ang tanging sagot ni Eowyn at tila kay bigat ng pakiramdam, tinignan niya ang ginoo.
"Salamat sa iyong ginawa. Aasikasuhin ko muna si Erin at... at gagamutin ko din ang iyong sugat." tipid siyang ngumiti kay Gustave na nakatitig sa mukha niya.
"Ayos lang."
Luminya ang labi ni Eowyn at ramdam ang malapit na presensya ng Prinsepe sa kanila. Itutulak na niya sana si Moyu upang umabante nang marinig nila ang sinabi nito.
"Ibigay mo siya sa akin." kay Moyu ito nakatingin.
Gustong hadlangan iyon ni Eowyn ngunit ngayon ay naubos ang lakas ng loob niya matapos nang mga sinabi ni Prinsepe Marcus sa kanya kanina. Pakiramdam niya, wala siyang laban kung iyon na ang ginamit upang atakihin siya. Pakiramdam niya'y sobrang hina niya at lalo siyang nagsisisi, nanliliit sa sarili. Kulang nalang ay maisip niyang isa siyang taksil dahil sa ugnayan niya kay Ismael.
"Nahihimbing na siya. Baka magising pa at maligalig kung ikaw ang makita." si Gustave ang sumagot. Tila handa sa pangalawang sigwa ang dalawa sa loob ng araw na ito.
Ngunit si Prinsepe Marcus ay tinimpi ang sarili at walang pakialam dito, lumapit ito kay Moyu at kahit ayaw ibigay ng ginoo si Erin ay pilit nitong kinukuha.
"Hayaan mo na akong pasanin siya, mahal na Prinsepe." Ani Moyu.
Mahigpit ang kunot ng noo ni Prinsepe Marcus at hindi nakinig. Nais talaga nitong kunin si Katherin.
"Ama.." naalimpungatan si Erin sa kalagitnaan ng pagkuha ni Prinsepe Marcus sa kanya. Natigilan ito at napatitig sa mukha ni Katherin. "P-patawad po.." nanghihina nitong usal habang nakapikit.
Tuluyang nakuha ng Prinsepe si Katherin kay Moyu at tinitigan ang mukha nito. Nahihimbing pa si Erin ngunit nagsasalita na tila nananaginip.
"Si Eowyn po?"
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasiShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...