Kabanata 66

40 1 4
                                    

ISANG MAGANIT na gabi ang nagdaan. Lumipas ang piging nang normal sa paningin ng mga panauhin subalit hamon para sa mga taong nakakaalam ng katotohanan.

"Pakidala ang mga iyan sa karwahe." utos ni Eowyn sa mga lalaking taga-silbi na naroon sa loob. Buhat ng mga ito ang mga kahon lulan ang mga kagamitan.

Naroon siya sa pintuan nang maglakbay ang kanyang mata tungo sa kama. Bumuntong hininga siya nang makita si Katherin na tahimik na kaupo roon subalit may tatlong paru-paro sa palad na hinihimas nito. Ramdam niya ang lungkot ng kanyang kapatid nang lapitan niya.

"Kapatid ko.."

"Hmm?" nakanguso si Katherin, nakatuon sa mga nilalang sa palad.

Naupo siya sa tabi nito at inakbayan. Tinitigan niya ang gilid ng mukha ni Katherin.

"Nailabas na ang lahat ng iyong gamit. Halika na."

Hindi nakaligta kay Eowyn na kahit naglalaro si Katherin ng paru-paro ay tumitingkad ang mga nito sa luha. Suminghot ito at ngumiti kalaunan.

"Uuwi na ako. Babalik na tayo sa Peryvell, Eowyn!" magiliw nitong bigkas subalit iba ang pahiwatig ng lumuluhang mata. "Nangungulila na ako sa aking hardin. Tiyak, pati ang ating mga kaibigang diwata at ang aking mga alaga, sabik na sabik na sa akin!" dagdag nito at tumayo na halos magtatalon.

Nanlambot lalo si Eowyn sa nakikita. Nasasaktan ang kapatid niya. Nalulungkot ito at nalulumbay. Hindi sa kanilang tahanan, kun'di sa maiiwan nito dito sa palasyo.

Malamyos siyang tumayo at puno ng simpatyang pinahid ang namamasang pisngi ni Katherin. Nakangiti ang labi nito subalit masahol pa sa lungkot ang nararamdaman ng puso.

"Magiging maayos din ang lahat. Mapapawi rin iyan, kapatid ko." malumanay niyang sinabi at ngumiti. Kumibot ang labi ni Katherin na idinaan nito sa pagnguso. Niyakap niya ito at hinalikan sa noo. "Halika na, uuwi na tayo..."

"U-uuwi na tayo.."

Marahan siyang tumango. Ngumuso si Erin at nilapit ang mukha sa kanyang leeg.

Nang bumaon na ang mukha nito sa kanyang balikat, nanghina ang loob ni Eowyn. Sapagkat may hikbi nang namutawi mula kay Katherin. Nalulungkot siya at nagdaramdam gaya ng dinaramdam nito. Nasasaktan siya na ganito ang kinahantungan ng mahal niyang Erin. Nabibigo ito sa ginoong una nitong binigyan ng atensyon at damdamin. Katulad niya...

Hinintay niya munang tumahan si Erin bago sila lumabas nang magkayakap. Uuwi na sila sa Peryvell. Akala niya'y siya lang, subalit kasama na si Katherin. Hindi alam ni Eowyn kung siya ba ay matutuwa na babalik na sila sa kanilang tahanan.

Dapat ay masaya siya, sila. Subalit babaunin pala nila ang kanya-kanyang pait at kirot na dulot ng pag-ibig.

Marahil ay ganito talaga ang buhay. Bibigyan at bibigyan sila ng mga aral, pagsubok na kailangan nilang maranasan.

"Paalam, Salem." kumaway si Katherin sa nakalinyang taga-silbi na nag-aabang sa pasilyo. Nginitian niya ito. Samantalang tila nalulungkot ang binibini habang sila ay paalis.

"S-sana ay mapagsilbihan pa kita, Prinsesa."

Ngumiti siya at umiling, "Salamat sa iyong mabuting paglilingkod. Subalit hindi na ako babalik pa."

Yumuko agad ito dahil tila naluluha. "Mag-iingat po kayo palagi, Prinsesa."

Nakalabas sila sa pasilyo ng kanyang silid. Nasa palad pa rin niya ang kanina pang hawak na paru-paro. Babaunin niya ito hanggang sa Peryvell nang sa gano'y may maganda naman siyang nakuha sa palasyong ito.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon