Kabanata 1

292 8 1
                                    

ABALA ANG lahat ng tao sa loob ng palasyo. Kanya-kanyang gawain ang nakatalaga sa bawat taga-silbi at tauhan ng Hari. Pinupuno ng mga grandiyosong dekorasyon ang pangunahing bulwagan para sa magaganap na piging sa araw na iyon. Sinisigurong walang paltas at pintas sa kanyang elegante at maharlikang kastilyo.

Ang malalaking plorera ay maayos na nakahanay sa bawat gilid ng interyor. Ang bulaklak sa mga ito ay hinabol ng mga paru-paro at maliliit na diwata, dahilan kung bakit nagkaroon pa ng karagdagang ganda ang bulwagan.

Ang mga babaeng taga-silbi na inatasan ng Hari upang tunguhin ang silid ng Prinsepe ay nagmamadaling maglakad dala ang nakahandang kasuotan para dito. Nang marating ang tapat ng silid ay nagkatinginan pa ang tatlong taga-silbi. Tila nagda-dalawang isip na kumatok at abalahin ang tao sa loob.

"Ikaw na ang kumatok." usal ng isa, na awtomatikong tinanggihan ng kausap.

"Bakit ako? Ikaw na nga 'yang malapit, e." mapaghahalataan sa tinig ng isa ang maigting na pag-alma.

"Ikaw na, ako na nga ang gumawa kahapon."

"Siya nalang. Masakit ang mga kamay ko." pagdadahilan muli nito.

Ang isang nasa likod ay nanlaki ang mata nang sa kanya ibaling ang gawain. Marahas itong umiling.

"A-ayaw ko nga. Nakikita ninyong hawak ko ang kanyang tunika. Mamaya ay mahulog pa ito at marumihan." pangangatwiran nito.

Sa kanilang mukha ay talagang mababakas ang labis na pag-aalangan na katukin ang nasa loob. Sapagkat batid nila na hindi magugustuhan ng nilalang na naroon ang maabala. Ang pagkatok sa malaki at kambal na pintong ito ay napakalaking hamon para sa kanila.

Tila ba sasalubungin sila ng isang dragon na nanlilisik ang mga mata at bubugahan sila ng apoy hanggang sila ay maging abo. O 'di kaya ay may lilipad na punyal tungo sa kanila na agad kikitil sa kanilang buhay. Kung hindi man ay tatamaan sila ng kulog at kidlat, sapagkat ang taong nasa loob ay isang delubyo para sa kanila, delubyong lubos na masama ang loob na maaaring magpatalsik sa kanila.

"Sige na. Kailangan na niyang tumungo sa hapag bago pa mauna ang Hari." lahat sila ay napapalunok.

Ang intimidasyon ay binabalot ang kanilang katawan. Ilang sandali pa ay nagkaroon ng karampot na lakas ng loob ang isang taga-silbi. Nanginginig at namamawis ang noo niyang inangat ang isang kamao sa pinto.

Ngunit bago iyon ay nag-aalangan pa siyang tumingin sa mga kasama, na katulad niya'y namumutla.

Pikit mata at humugot ng malalim na hininga. Kagat-labi at nag-uumpisa nang manalangin sa mga bathala. Na sana'y sa unang pagkakataon ay magkaroon ng habag sa mga oras na iyon at mabilis na dulugin ang kanilang dalangin.

Tila binawian ito ng hininga nang makalikha ng tatlong magkakasunod na tunog sa pinto. Sa isip nito'y tila nakagawa ng isang malaking pagkakamali at nais na nitong kumaripas ng takbo. Nagkatinginan silang muli, sapagkat lumipas ang ilang sandali ay walang tumugon.

"U-ulitin mo.."

"Ano? Ayaw ko na. Kayo naman."

Hindi na nito nais pang makagawa ng ikalalagay niya sa kapahamakan kaya umatras na ito at pumalikod. Sa ginawa nitong iyon ay tila nalagay sa bingit ng kamatayan ang kanyang buhay.

"Sige na." utos nito sa kasamahan.

Ang isa naman ay panay ang kalikot sa mga daliri bago tumapat sa pinto.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon