Kabanata 39

31 1 0
                                    

NAPAKAHINA NG TINIG ni Katherin subalit sa katahimikan ng lugar ay abot dinig iyon ng lahat. Dumaan pa ang mas banayad na katahimikan bago mapasinghap si Lijhen at Amynah. Lahat sila ay nanlalaki ang mga mata, maliban kay Eowyn na nakakunot ang noo at nakatitig sa kapatid niya.

"Erin, anong sinabi mo?" tanong niya upang makasiguro.

Si Katherin ay nakatitig pa rin kay Elvira. Namumutla siya gaya ng pagkaputla ng binibining Rhaegar. Nanginginig ang mga daliri niya nang ituro ang tiyan ni Elvira.

"M-may ano.. E-Eowyn.. naram... naramdaman ko.." nababasag ang boses niya, nakatulala at natatakot na igiit iyon sa ikalawang pagkakataon.

Marahang binalingan ni Eowyn si Elvira. Na halos mawalan ng kulay, napakalalim na ng paghinga ngunit galit na galit pa rin sa kanila. Tinignan niya rin ang tiyan nito.

"Nagdadalang tao ka?" marahang tanong niya.

Nanlalaki ang mga mata ni Elvira. Takot ang rumehistro sa mukha nito at ang mata ay pinangiliran ng luha.

"A-anong... sinisiraan ninyo ako! Paninirang puri ang inyong ginagawa!" nanginig ang boses nito sa takot. At puno ng pangambang tinignan si Prinsepe Marcus na blangko. Umiling-iling si Elvira at hinawakan ang braso nito. "H-hindi iyon totoo, mahal na Prinsepe. Ang mga taong ito ay galit sa akin. Ayaw nila sa akin at hindi nila matanggap na--"

Hinaklit ng Prinsepe ang braso nito palayo sa binibini. Kanina pa ay kay Katherin lamang ito nakatingin.

"Tiyak ka ba sa iyong iginiit?"

Humihikbi siya ng mahina sa takot. Batid niyang totoo ang sinabi niya ngunit nanguna ang pangamba sa kanya na baka magalit ang marami sa kanya.

"Hindi iyon totoo! Ikaw, Katherin, tanggapin mo na hindi ikaw ang napili ng Prinsepe! Huwag mo akong siraan!" palahaw pa ni Elvira at galit na susunggaban ulit si Katherin, kung hindi lang humarang si Prinsepe Marcus at pinanlisikan ito ng tingin.

Nangatal si Elvira at natigilan.

Parang tatakasan ng diwa si Katherin nang lumapit sa kanya ang napakabigat na presensya ni Prinsepe Marcus sa kanya. Sobrang higpit ng kapit niya kay Eowyn dahil sa matinding takot sa puso dito.

"Sumagot ka." ma-awtoridad nitong bigkas. Nangatal sa takot si Katherin na naudyukan pa sa paghikbi.

"U-uwi na tayo, Eowyn." pinaghihila niya ang kapatid. Gusto nang umalis upang takasan ang sitwasyon.

"Totoo ba ang iyong iginiit?" muling tanong ng Prinsepe, mas mariin sa pagkakataong ito.

"E-Eowyn.."

"Tinatanong kita. Oras na hindi ka sumagot ng totoo ay ako ang magpapataw ng parusa sa iyo." titig na titig ang nagbabantang Prinsepe sa mukha niya.

Lumakas ang hikbi niya dahil nakadagdag iyon sa pangamba na nag-uumpisa nang pagharian ang kanyang puso.

"Kung binigkas mo lamang iyon upang siraan ang binibini, parurusahan ka pa rin sa iyong kasinungalingan." giit pa ng Prinsepe.

Tangis niya ang tanging nagsalita para sa kanya. Halos masaktan niya si Eowyn sa sobrang higpit ng kanyang kapit. Galit sa kanya ang Prinsepe dahil roon. At natatakot siya na mas lalo itong magalit oras na ulitin niya pang sabihin iyon.

Si Eowyn ay naliligalig sa kalagayan ng kapatid. Kilala niya ito at talagang hindi na ito magsasalita kung pinangunahan na ng silakbo. Niyakap niya si Katherin upang aluhin. At tinignan ang Prinsepe.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon