PAALALA: ANG MGA SUSUNOD NA KAGANAPAN AY MAAARING MAGTAGLAY NG SENSITIBONG EKSENA. IGINIGIIT NG MAY AKDA NA MAGING BUKAS ANG ISIPAN NG MGA MAMBABASA.Heshia
TINAPOS KO ANG buhay ni Lamagre.
Lahat ng galit, hinagpis, pangungulila at panaghoy na aking pinanghawakan dulot ng pagkawala ni tanda ay aking napakawalan sa isang beses na pagtarak ng Meihr sa katawan ng babaeng nagsadlak sa kanya. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon, na kahit hindi paghihiganti ang layunin ko ay sadyang nakaguhit na sa aking mga palad na tatapusin ko talaga ang babaeng ito ano man ang mangyari.
"Hangad ko ang iyong walang hanggang pagdurusa." madilim kong nginisian si Lamagre nang sandaling magkalapit kami sapagkat literal na binaon ko sa katawan niya ang buong Meihr. "Baunin mo ang aking salita. At kahit isa ka nang kaluluwa, hahabulin ka pa din ng aking espada."
Sumargo ang mas masaganang dugo sa kanyang bibig dahil sa aking ginawa. Bakas pa sa kanyang mukha ang gulat at takot dulot ng hindi niya namalayang pagsaksak ko sa kanya. Mas lalo akong ngumisi, punong-puno ng pagwawagi.
Humahangos kong binawi ang Meihr at pinanuod na lumagapak ang walang buhay na katawan ni Lamagre sa sahig. Dumanak ang mas maraming dugo mula sa kanya at kumalat ito sa sahig.
Naging blangko ang aking mukha subalit hindi matawaran kung anong uri ng kaluguran ang aking kasalukuyang nararamdaman. Sa wakas ay akin nang nakamtan ang matagal kong hinihintay na kabayaran sa nilikha niyang pinsala sa aking buhay.
Naipaghiganti ko na si tanda... nabigyang katarungan ko na ang kanyang pagkawala. Napagbayad ko na ang gumapi sa kanya. Ngunit ang akala ko'y magiging masaya ako dahil sa ginawa ko, na mapapanatag na ako at mabubuhay nang malaya sa dilim ng aking mundo. Hindi pala.
Hindi pala paghihiganti ang magbibigay sa akin ng walang humpay na kasiyahan. Sapagkat walang dulot ang paghihiganti kun'di kadiliman. Napagtanto ko iyon ngayon. Napatay ko man si Lamagre ay hindi nito nabigyang kulay ang mundo kong patlang. Nakaramdam man ako ng kaluguran ay naiiba pa rin ang kasiyahan. Naiiba pa rin ang buhay na aking inaasam.
Noong nawala sa akin si tanda ay akala ko'y nakalayon na ang buhay ko sa pagpaslang, akala ko'y ang tanging nakaguhit sa kapalaran ko ay ipaghiganti siya. Ngunit hindi pa rin pala ako payapa. May kapanatagan man ay hindi pa rin sapat upang maramdaman ko ang tunay na layunin ng aking buhay.
Nauunawaan ko na si Lumnus noong mga oras na nagagalit siya dahil sa hangad kong paghihiganti. Tama siya. Wala ngang kapayapaan sa poot at galit.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga at saglit kong ipinikit ang mga mata. Nakita ko ang imahe ni tanda na nakangiti sa harap ko. Gumuhit sa labi ko ang isang ngiti kasabay kung paano paligiran ng luha ang aking mga mata.
"Hindi dito magtatapos ang iyong layunin, Heshia."
Narinig ko ang tinig niya sa aking isip na sinabi ang mga katagang iyon. Lumunok ako at pinigilan ang pag-iinit ng aking mga mata dahil sa emosyon. Tumango ako sa kanya kahit alam kong isa na lamang siyang ilusyon.
"Pagbubutihin ko pa, tanda."
Minulat ko ang mga mata upang ibalik ang sarili sa reyalidad. Agad na nagtama ang mga mata namin ni Lumnus na nakita kung paano ko tinapos si Lamagre. Tinanguan niya ako bago siya bumalik sa gulo.
Nasa gitna pa rin kami ng laban kaya dapat kong ituon ang sarili. Tinignan ko ang walang buhay na katawan ni Lamagre bago ko nilapitan si Haring Mavrigall upang siya'y protektahan o tulungan. Sapagkat katuos niya ngayon ang Hari ng Harrenhal at ang isa pang Tervion na may itim na apoy din.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasyShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...