Kabanata 26

46 1 0
                                    

HUMINTO SI KATHERIN sa narinig. Saka marahan ay inikot niya ang leeg pabalik sa kinaroroonan ng Prinsepe. Ang mukha niya ay blangko na nakatingin sa Prinsepe. Ang luntian niyang mata ay nanliliit, saka dumiin ang paglalapat ng kanyang mga mapupulang labi sa isa't-isa.

"Salbhaheng salita." mahina niyang asik at ginaya ang pamamaraan ng pagtingin sa kanya nito sa kanya. Pailalim at matalim.

"Seryoso ako." giit nito.

Mas lalo lamang naging blangko ang mukha ni Katherin.

"Seryoso din ako kung iuutos kong paulanan ka ng mga uod ngayon din." Sinabi niya sa walang emosyon na paraan. At hindi nakaligta sa mataman niyang tingin, nangunot ang noo ni Prinsepe Marcus at pasimple itong nagtiim bagang.

Matalim niya itong inirapan at tinalikuran. Doon niya pinalis ang blangko niyang mukha at nagbalik sa pagiging mayumi. Ngumuso siya at napangiti. Sino mag-aakala na magagaya niya ang ekspresyon nito? At higit sa lahat, sinong mag-aakala na napagbantaan niya ang Prinsepe sa pamamagitan ng simpleng salita niyang iyon?

Napailing siya at ngingiti-ngiting naglakad palapit sa puno kahit iika-ika. Maingat siyang dumantay sa nakausling ugat upang umangat at maabot ang pangunahing sanga ng puno.

Puno ng pag-iingat na nilapat niya roon ang mga uod. Hinimas-himas niya pa ang mga ito at tinitigan.

"Oras na akyatin niyang muli ang puno, gapangin n'yo siya." binulong niya sa mumunting nilalang.

"Narinig kita."

Bumungisngis siya at nagtakip ng bibig.

"Sinadya ko upang mabalaan ka." aniya at bahagyang nilingon ito sa baba. Inirapan niya ulit at binalik ang atensyon sa mga alaga.

"Walang sino man ang maaaring magbabala o magbanta sa akin. Tandaan mo iyan." mariin nitong bigkas.

Umismid si Katherin na nauwi sa pagnguso. Nagliwanag ang kanyang mukha nang maaninaw sa hagdan ang bumababa na si Eowyn.

"Eowyn!" hindi niya napigilan ang pananabik sa kapatid.

Sumulyap sa kanya si Eowyn at siya ay nginitian.

Dahil doon ay hindi niya napigilan ang pagmamadali. Nais niyang salubungin si Eowyn upang masiguro ang dinaramdam ngayon ng kapatid. Walang habas ang kanyang mga aksyon. Naging mapusok siya sa pagkilos at nalimutang mag-ingat. Kaya dahil sa magaslaw niyang pagkilos upang bumaba ay nadulas muli ang kanyang paa mula sa ugat ng puno!

"Erin!"

Suminghap si Katherin at hindi nakayang ipunin ang bigat upang manatiling nakatayo. Nadulas ang kanyang isang paa at talagang babagsak na siya. Nakagat niya ang labi at mariin na lamang na pumikit, inihanda na niya ang sarili sa muling paglagapak sa sahig. Handa siyang salubungin ang panibagong sakit sa katawan. Nariyan naman si Eowyn upang siya ay lunasan.

Bahala na..

Ngunit ilang sandali siyang nakapikit, wala siyang naramdaman sakit. Hindi siya bumagsak, bagkus ay tila nakalutang siya sa alapaap. May bisig na nakasuporta sa kanya, iniisip niya na si Eowyn ito. Ngunit makupad ang kapatid niya kahit na ito'y tumakbo upang malapitan siya agad!

At isa pa, hindi ganito kalakas at katatag ang mga braso ni Eowyn upang siya ay saluhin.
Dumagudog ang puso ni Katherin. Nagmulat siya para lamang madagdagan ang pagkukumahog ng dibdib niya.

Siya...

Ang mala-dagat na mata. Nakatitig sa kanya. Ang sapirong iyon ay sinusuri ang mga mata niyang esmeralda. Kay gaganda ng mga iyon sa malapitan. Ito na yata ang pinakamagandang pares ng mata na nakita niya, maliban sa mga mata nilang magkapatid.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon