NAKATULALA SI Heshia habang nagninilay nilay sa loob ng isang silid aklatan ng palasyo. Prente pang nakadantay ang kanyang mga paa sa ibabaw ng mesa, nakasandal ang likod sa silya, at kinakagat ang isang daliri niya.
Ito lang ang tanging lugar na mapayapa sa kanya sa loob ng palasyo kaya komportable siya. Tahimik at siya lang ang tao kaya malaya rin siyang mag-isip isip. Wala rin siyang pagkaka-abalahan ngayong araw sapagkat binigyan siya ni Haring Mavrigall ng panahon upang ipahinga ang sarili sa pagsisiyasat.
Nais niyang mapag-isa kaya dito niya minabuting pumunta. Tiyak na hindi siya makikita ni Lumnus na walang ibang ginawa kun'di ang kulitin at tuksuin siya.
At sa sukat ng palasyo ng Alteria, hindi imposible na lumipas ang isang buong araw nang hindi sila nagkikita ni Marcus at ng kahit sino pang naghatid sa kanya ng malalim na pag-iisip ngayon. Ayaw niya rin talagang makita si Marcus. Ngayon.
Ngunit ang tahimik na araw na kanyang pinakaaasam ay nabuwag nang mayroong pumitik malapit sa kanyang mukha.
"Masarap ba ang iyong daliri?"
Matunog ang singasing ni Heshia nang sumambulat ang mukha ni Lumnus sa tapat niya. Dala ang ngiti nitong hanggang tainga, na kahit ang mga mata ay ngumingiti kaya nawawala. Umirap siya at hindi ito pinansin.
Sa lawig ng palasyong ito ay talaga nga namang susulpot at susulpot si Lumnus kung nasaan siya!
"Masarap ba ang iyong daliri?" muli nitong tanong at nakatingin sa daliri na kinakagat ni Heshia.
"Oo. Gusto mong tikman?" sarkastiko niyang sabi at umirap muli.
Lumawak ang ngiti ni Lumnus. Kinuha nito ang kamay niyang iyon.
"Sige ba." anito at nilapitan sa bibig ang kamay ni Heshia.
Samantalang namilog ang mga mata ng binibining Arden at kalauna'y nagngingitngit na hinila pabalik ang kanyang kamay. Tumawa si Lumnus sa kanyang reaksyon.
"Ugok ka talaga!" ngitngit niya at sinamaan ito ng tingin. "Bakit ba narito ka? Namamayapa akong mag-isa ngunit sumulpot kang muli na animo'y kabute!" asik na niya dahil nagambala na siya ng tuluyan sa maliwanag na presensya ni Lumnus.
Ang pala-ngiti at pala-tawang ginoo ay naupo sa silya na nasa tapat niya.
"Malay ko bang narito ka," Hindi napapalis ang ngiti nito. "Ngunit kay gandang umaga. Ikaw ang aking nakikita."
Sumingasing lang muli si Heshia. Sira na ang mapayapang araw na pinakaaasam niya. Mabuti pa yatang nagtungo siya sa Yosei at doon ay walang mang-aabala sa kanya.
"Wala naman sana akong balak pumunta dito. Hinahanap nga kita kanina pa. Kaya lang.." gumalaw ang leeg ni Lumnus upang lumingon kung saan.
Kunot noo at kuryoso, sinundan ni Heshia ang tinitignan nito. Hindi kalayuan sa kanila ay natanaw niya ang binibining abala sa paghahanap ng aklat sa ibang salansanan. Hindi niya naramdaman kanina ang pagpasok nito at ni Lumnus.
Nakatagilid si Eowyn mula sa gawi nila at mayroon nang tatlong patong na aklat sa kaliwa nitong braso ngunit naghahanap pa ng idadagdag.
"Bakit siya?" nababagot niyang inalis kay Eowyn ang tingin.
"Babantayan ko."
"Tss!" sobrang tulis ng singasing ni Heshia at hindi niya rin alam kung bakit.
At dahil sa sobrang tahimik ng buong silid aklatan, nagsilbi itong ingay kaya napalingon si Eowyn sa kanila. Bumalik din ito sa pinagkakaabalahan kalaunan.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasyShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...