Kabanata 10

61 2 0
                                    

SA HALIP na maghintay ng oras upang bumalik ang lakas niya, nauwi lang rin siyang laylay ang katawan.

"Huwag mo nang gagawin ulit iyon." pati ang tinig ay nanghihina.

"Kung gano'y huwag mo akong hamunin ng laro." ngumisi ito.

Sinamaan niya lang ng tingin si Marcus. "Hindi ka patas!"

Talagang pinabayaan siya nito na magtiis sa ganoong sitwasyon. Sadyang pinaglaruan siya nito at ikinatutuwang hindi siya makagalaw. Pinanuod lamang siya nito na mahirapan.

"Saan ka na naman nanggaling kahapon, Heshia?"

Sumasabay siya ngayon sa hapag kung saan naroon din ang kanyang maestro Quan. Natigilan siya sa tanong na iyon. Awtomatikong nanumbalik sa kanya ang sitwasyon na nangyari kahapon sa malawak na bukirin.

"Namasyal lang." maikling sagot niya.

"Kasama ang Prinsepe." hindi iyon tanong. Kun'di may kasiguraduhang konbiksyon.

Hindi na niya iyon sinagot gayong totoo naman iyon at hindi niya maitatanggi.

At isa pa, kasabay niya si Marcus sa pagdating sa palasyo kahapon. Nakasakay pareho sa Pegasus kaya bilang lamang ang hindi nakakaalam na kasama niya ang Prinsepe. Wala naman siyang pakialam doon.

"Ipapaalala ko sa iyo. Nananatili ka dito sa palasyo, hindi upang mapalapit sa Prinsepe. Kun'di para sa iyong tungkulin." pamimigay ng paalala ng kanyang maestro.

Napabuntong hininga na lamang si Heshia. Parati niya rin iyong pinapaalala sa kanyang sarili. Bukas ang isip niya sa bagay na iyon. Hindi siya narito para kay Marcus, nananatili siya rito sa palasyo para sa nalalapit na kanyang responsibilidad. Sa ganoon ay mas mapapadali para sa kanyang paglilingkuran ang makatanggap ng kautusan o lathala hinggil sa nararapat na gawin sa kanilang kaharian.

"Pareho kayong matigas ang ulo. Hindi ba't napagsabihan na kayo na hangga't maaga pa, itigil n'yo na ang inyong relasyon?"

Nag-isang linya ang labi ni Heshia. Nagmula iyon sa pinuno ng konseho na kasabay nila ngayon sa hapag. Alam nilang lahat ang relasyon ni Marcus at Heshia, hindi na lingid sa kanila iyon. Kaya katulad ng Hari, sila rin ay hindi sang-ayon sa kanilang dalawa. Paulit-ulit na nilang pinagsabihan ang nakatakdang Arden, gayundin ang nakatakdang Hari. Ngunit ang mga salita nila ay patuloy na binabali ng dalawa.

Sapagkat mas matibay ang kanilang koneksyon kaysa sa mga salitang iyon. Hindi nila basta maaaring i-utos na itigil ang kanilang relasyon ni Marcus sapagkat hindi laro ang kanilang ginagawa.

"Huwag ninyo akong pagkaisahan. Hindi pa naman ako Arden, ah? At hindi pa Hari si Marcus." wika niya sa pinakamahinahon at hindi apektadong paraan.

"Magiging Arden ka na. At kahit hindi pa Hari si Marcus, may puting apoy pa rin siya."

Napabuga na lamang ng hangin si Heshia.
Alam na niya kung saan na naman patungo ang usaping iyon. Paulit-ulit nalang na sinasabi na ang kanilang kapangyarihan ay hindi maaaring magkalapit o magsama. Pati na rin ang batas ng Alteria ay nasaulo na niya, na ang pinuno at Arden ay hindi puwedeng magkarelasyon.

Palagay niya ay napakaraming hadlang sa kanila ni Marcus. Hindi lamang ang dalawang dahilan na iyon ang humihila sa kanila upang maghiwalay, kun'di pati na rin ang mga taong nakapalibot sa kanila. Ngunit kahit na gano'y hindi sila nagpa-apekto. Isinawalang bahala ang mga hadlang at salita ng mga tao.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon