Kabanata 67.3

33 2 2
                                    

Heshia

AYAW KO PA mang umalis ay nangingibabaw ang aking inis. Matapos makapagsabi kay Brandon na aalis na ako'y dumiretso ako sa aking kabayo. Tinanaw ko pa ang matayog na tore na inaakyat ni Lumnus. Mas matayog pa iyon sa pader sapagkat naroon ang mga nagmamasid sa kabilang bahagi.

Handa ako sa galit ng Hari at konseho pagbalik. Lumabag ako sa kanyang kautusan. Umaksyon ako ng walang pahintulot. Subalit malalampasan ko naman iyon. Nakasakay na ako sa aking kabayo at inumpisahan itong palakarin. Diretso na akong uuwi sa palasyo at hindi na ako magpapaalam kay Khion. Ibinilin ko naman kay Brandon na sabihin niya dito na umalis na ako.

Ilang hakbang pa lamang ang aking narating mula sa kampo nang makaramdam ako ng pagyanig sa lupa. Kumunot ang aking noo nang maulit ito hanggang sa tila lumilindol na.

Ngunit labis labis ang panlalamig ng aking katawan nang umihip ang malalakas na tambuli ng mga tao sa tore upang ihudyat na mayroong parating mula sa kabila.

At higit kong ikinagambala nang bigla na lamang humiyaw ang mga kawal na nasa isang tore maging ang mga nasa kampo. Nagkaroon pa ng mas malakas na dagundong at sa pagkakataong ito ay mayroong nang higanteng kamao ang tumagos mula sa pader.

"Umalis kayo riyan! Takbo!"

"Lumayo kayo sa kampo!"

"May atake, humanda kayo!"

Sa layo ko'y dinig na dinig ko pa ang kanilang malalakas na hiyawan. Nanlaki ang aking mga mata at mabilis kong pinalitan sa lila. Doon ay nakita ko mula sa kabila ang isang napakalaking halimaw na Cyclops na muling sinuntok ang pader dahilan kaya nawarak ito at umulan ng naglalakihang tipak ng bato sa kampo.

"Hindi.."

Nilabas ko ang aking mga pakpak at ang Meihr. Marahas akong lumipad pabalik roon ngunit natigilan sapagkat kitang-kita ko kung paano babagsak ang isang tore sa isang suntok lamang ng cyclopes. Ang mga kawal ay masyadong maliit upang iwasan ang mga higanteng bato lalo na ang malaking tore.

Higit kong ikinabahala na ang toreng pabagsak ngayon ay ang inakyat kanina ni Lumnus!

Mabilis akong rumagasa at hinawi ang kapangyarihan ng Meihr upang lumikha ng pananggalang sa buong kampo upang hindi ito mabagsakan ng tore. Muntik pa akong mahuli.

May mga nahulog nang mga kawal sa tore at ang iba roon ay pilit na kumakapit. Dumaing ako sapagkat napakabigat ng pakiramdam, para bang ako ang nadaganan sapagkat sinasalo ko ito ng aking kapangyarihan.

Tinignan ko ang mga tao sa ibaba, nakakairita na mas inuna pa nila akong panuorin at hangaan sa halip na lumayo!

"Mga lintek! Lumayo na kayo!" angil ko sa gitna ng paghihirap na pigilan ang tore.

Hindi ko ito magawang bitawan sapagkat bukod sa mababagsakan ang mga tao sa ibaba, ay mapapahamak rin ang mga taong nasa loob pa ng tore.

Naroon si Lumnus.

Kaya kahit nahihirapan ay pinilit ko itong tatagan upang hindi sila mahulog. Wala muna akong pakialam sa dalawang higanteng halimaw na tuluyan nang nakapasok at inaatake ngayon ng mga kawal.

Subalit napakalaki ng mga ito at hindi uubra ang kahit daan daan pang palaso at sibat ang bumaon dito. Gamitan man din nila ng kanilang mahika ay tiyak na hindi agad nila ito mapapatumba.

"Sila ang tulungan mo, Heshia!"

Tumingala ako at nakita si Lumnus na nakadungaw sa durungawan ng tore. Nakakapit siya ng mahigpit.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon