Eowyn
PINILI KONG mapag-isa matapos dumating ng Prinsepe at ni Heshia. Gayong si Katherin ay hindi na ako nabalikan pa magmula nang magkita sila ni Prinsepe Marcus. Hinayaan ko na lang, sapagkat batid ko ang dinaramdam ng puso ng aking kakambal.
Iniibig niya ang Prinsepe at nakikita ko na umuusbong pa ang kanyang nararamdaman. Ganoon din naman ang Prinsepe pagdating sa kanya, subalit ang inaalala ko lamang ang ay ang kinatatakutan ni Katherin oras na malaman ni Prinsepe Marcus na nagkaroon ng lamat ang aming mukha.
Umaasa ako sa malawak niyang karunungan. Na hindi siya bumabase sa wangis upang gustuhin ang aking kapatid. Gaano man karikit, gaano man kainosente at sensitibo si Katherin, sana'y hindi iyon ang kanyang batayan.
Ang pagtatangi sa panlabas na anyo ay hindi pag-ibig. Sapagkat ang pisikal na anyo ay napapawi, naglalaho at paglilipasan ng panahon. Subalit ang pagtatangi na wagas at totoo, ano man ang anyo at pisikal na katauhan mo--kung ang kaluluwa at pagkatao niya ang iyong ginusto, iyon ang tunay na pag-ibig.
Hindi mata, kun'di puso ang magdidikta. Sapagkat ang pagmamahal ay malalim, masidhi at hindi nito kinakailangan ng rason, bagkus ay damdamin, atensyon at mananatili ano man ang pagdaanan ng isang relasyon.
Narito ako sa aming silid aralan at abala sa pagtitig sa aking mga nilikhang lunas. Partikular sa lunas na kasalukuyan ko pa ring pino-proseso, ang lunas sa sugat na magmumula sa itim na apoy. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko ito matatapos. Gayong ang isang sangkap nito'y hindi ko mabatid. Dugo. Ngunit anong uri ng dugo?
Sino o anong nilalang ang nagtataglay ng katangi-tanging dugo?
Bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Lady Caelia. Ngiti ang agad na pasalubong niya. Tinignan niya ang aking hawak na botelya habang siya'y lumalapit.
"Kumusta ang iyong pakiramdam?" nasa tabi ko na siya at tinitigan ako.
Luminya ang aking labi at bahagyang umiling. Sapagkat ang totoo, hindi ko alam. Hindi ko alam kung maayos na ba ako, hindi ko alam kung panatag na ba ako, hindi ko alam kung kung ano... ang tanging alam ko'y nawawala pa rin ako.. naliligaw.. mapanglaw.. nagnanais na umuwi.
Hindi ko maramdaman ang sigla ng aking buhay. Kahit napaliligiran ako ng aking pamilya at mga kaibigan, kahit nasa tabi ko si Erin na hinahatiran ako ng kaligayahan.. wala pa rin.
Namamanhid ako.. may kulang.. hindi ko alam kung ano.
Naramdaman ko na lang na hinawakan ni Lady Caelia ang aking kamay at hinaplos ang singsing na ibinigay niya sa akin. Itong singsing na nagtataglay ng mahika ni Ina.
"Kaunting tiis na lang, iha." malumanay na aniya. "Magiging wasto ang lahat. Babalik ka kung saan ka nagmula. Sa puntong ito, oras na makaahon ka na ay mas magiging malakas ka pa at matatag, tatag na hindi inaasahan ng iba."
Nanghihina kong inangat ang tingin sa mukha ni Lady Caelia. Siya ang aming guro na nagturo ng aming mga kinakailangang matutunan sa buhay at sa mundo. Lahat ng aking karunungan ay mula sa kanyang impluwensiya, nagsilbi rin siyang ikalawang Ina namin ni Katherin sapagkat hindi niya lamang kami ginagabayan sa buhay, kun'di inaalagaan at inaagapay.
"Bakit.. b-bakit kay hirap kong malimutan ang aking pighati? Tinutulungan ninyo akong umahon.. s-subalit napakabigat. Hindi ko kayang i-angat ang aking sarili na tila ba.. t-tila ba sugatan ang aking puso at nanghihina.. walang kakayahan.." ang tinig kong paos ay lalo pang nabasag dahil sa muling pagbugso ng emosyon.
BINABASA MO ANG
The Untold Era
FantasíaShe's a warrior, not a princess. She held the sword, no crown on her head. She was destined to fly, not to sit on a throne. An armour hugged her body, Not a gown of a fragile lady. Weakness is not her taste, rage is her. Always. No one dared to come...