Kabanata 11

54 2 0
                                    

"HANDA KA na ba?" iyon ang bungad na tanong ni Marcus kinabukasan sa araw na iyon.

Nakatunghay si Heshia sa larawan ng kanyang lolo na naging Arden. Doon niya kinukuha ang lakas at tibay ng loob upang panatagin ang sarili sa magaganap na paglilipat ng kapangyarihan sa araw na iyon. Blangko lamang ang kanyang mukha, hindi maipinta ang reaksyon. Ngunit sa loob niya'y labis na ang kanyang pagsusumamo na sana ay hindi niya pagsisihan ang kanyang desisyon.

Kahit na walang reaksyon ang mukha nito, batid ni Marcus kung ano ang nararamdaman ngayon ni Heshia. Silang dalawa na ang nagdesisyon sa bagay na ito, kaya pareho at magkasama nilang haharapin kung ano man ang magiging bunga oras na maging ganap nang Arden si Heshia.

"Kinakabahan ako." ang kanyang naging tugon.

"Kinakabahan ka, Heshia?" sarkastiko pang komento ni Marcus sa kanyang naging tugon.

Dahil doon ay inirapan ito ni Heshia, "Hindi na ito biro, Marcus. Mabigat na responsibilad ang kahaharapin ko oras na mailipat na sa akin ang tatak ng Arden." mahinahon at may pagse-seryoso niya namang lathala.

"Kahit na gaano pa iyon kabigat, makakaya mo iyong buhatin. May tiwala ako sa iyo. Ikaw si Heshia, hindi ba?" saka ngumiti si Marcus sa kanya. Pinapagaan ang loob niya.

Tuloy ay napatingin siya dito. Nang nakita ang ngiti ng kanyang kasintahan ay tila nabawasan nga ang kanyang duda. Ngunit daglian din iyong tinumbasan ng isa pang pangamba.

"Ngunit paano tayo?" doon na dinapuan ng emosyon ang mukha niya.

Natatakot sapagkat malaki na ang kanyang responsibilidad, at kaakibat niyon ay ang matinding pagtanggap sa mga panuntunan ng kaharian.

Agad na nabasa ni Marcus ang lungkot na bumalatay sa abuhing mata ni Heshia. Bumuntong hininga siya at hinawakan ang pisngi ng kasintahan.

"Huwag mong isipin na maaapektuhan ang ating relasyon. Magiging maayos ang lahat sa atin, pangako 'yan." saka niya muling ginawaran ng matamis na ngiti si Heshia.

Kaya sa halip na malamon siya ng pangamba, ginantihan niya na lamang ng ngiti si Marcus at hindi mapigilang yakapin ang kasintahan. Sa kalagitnaan ng pampalubag loob ay ang paglapit sa kanila ni Quan. Napailing ang Arden sa nasisilayang sitwasyon ng dalawa. Kahit na ganoon, hindi niya rin maiwasang hindi makaramdam ng lungkot para kay Heshia.

"Hindi n'yo naman siguro binabalak na muling tumakas." sabi niya nang malapitan ang mga ito.

Humiwalay si Heshia kay Marcus at sinulyapan ang kanyang maestro.

"Kung mangyari iyon, hindi na pagtakas ang maitatawag doon." Sabi naman ni Marcus.

"Ano kung ganoon?" prenteng tanong ni Quan.

Ang Prinsepe naman ay nagbaba ng tingin kay Heshia, saka niya iyon inakbayan at nginitian.

"Pagtatanan." aniya.

Doon ay nasamid si Heshia at napangiwing inalis ang braso ni Marcus sa kanyang balikat. Natawa rin si Quan sa sinabi nito at napailing.

"Pagtatanan? Itatanan mo ang babaeng tulad ni Heshia?" nanunudyo nitong sinabi, nakatingin kay Heshia kaya nakatanggap ito ng irap mula sa binibini.

Muling inakbayan ni Prinsepe Marcus si Heshia, "Oo naman." kaswal at seryoso niyang sagot.

"Wala sa bokabularyo ng isang maharlika ang salitang pagtatanan, Marcus. May kaharian kang paninindigan at pagtutuonan." seryoso rin namang komento ni Heshia.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon