Kabanata 28

1K 44 24
                                    

Kabanata 28
Manila

Kung mahirap ang naging buhay ko sa iloilo, masasabi kong mas mahirap ang buhay dito sa Maynila, pero sa tatlong taong paninirahan ko rito ay nasanay na rin ako sa hirap ng pamumuhay dito.

Magulo ang maynila. Mas ramdam mo ang hirap ng buhay dito, mausok, maingay. At kung hihilata ka lang at hindi kakayod ay mamamatay ka sa gutom, lahat ng bagay ay kailangan mong pagpaguran, dumiskarte ka kung gusto mo pang mabuhay.

Sa iloilo noon, manguha ka lang ng kamoteng tanim ng kapitbahay niyo, o kaya naman ay mamitas ng mga gulay sa isang maliit na taniman sa bakuran o kaya ay sa mga bukid, makakakain ka na, maitatawid mo na ang sarili mo sa gutom, hindi tulad sa maynila, walang libre, lahat may salaping katumbas, lahat kailangan mong paghirapan.

Mapanglamang ang marami sa mga tagarito sa maynila, kadalasan sa mga ginugulangan nila ay iyon pang mga bagong salta, mga probinsyano't probinsyanang nagbabakasakaling sa maynila giginhawa ang buhay nila.

Maunlad ang Maynila, totoo iyon, pero hindi lahat ng mga pinipiling makipagsapalaran dito ay umaasenso at nagtatagumpay sa buhay, ang ilan ay mas lalong nagigipit, kaya sa patalim kumakapit.

Awa naman ng diyos ay naging maayos  ang kalagayan ko rito sa maynila. Hindi ko masasabing umasenso ako, pero nagkaroon ako ng maayos na trabaho, na kahit papaano ay kumikita ako sa marangal na paraan, nakakakain ng tatlo o higit pa sa isang araw, nakakapagtabi ng kaunting pera, hindi tulad sa iba na sa sobrang kapos ay pinipili na lamang gumawa ng hindi maganda para lamang kumita, at malamanan ang kumakalam na sikmura.

"Dahlia, kumain ka na muna. Nagluto ako ng sinigang na bangus, saluhan mo kami habang mainit pa ang sabaw," yaya sa akin ni tiya Celia.

Napangiti ako sa alok ng butihing tiyahin ni Rodora, at hindi na rin ako tumanggi sa kanya dahil alam kong wala rin naman akong aabutang makakain kapag umuwi ako sa apartment.

Tuwing susuweldo ako ay dumadaan ako rito kanila Rodora dahil hindi ko nakakalimutang bigyan ng isang box ng donut si tiya Celia, sa ganoong paraan man lamang ay masuklian ko ang tulong na ginawa niya sa akin noon, paborito kasi niya ang donut.

Samantala, wala pa rin ipinagbago ang tiya Sally ko, dalawang taon na rin siya rito sa maynila, sumunod sa akin dahil ang sabi niya ay maghahanap din daw siya ng trabaho rito, pero napakapihikan ng tiya sa trabaho, napakabilis niyang umayaw kapag may maliliit na bagay siyang hindi niya nagugustuhan, sa huli ay magkakalahating taon na siyang walang trabaho ngayon at nag-aadik na naman ito sa sugal, ngunit kahit papaano ay may iba pa siyang pinagkakaabalahan, kaya malimit lang itong humingi sa akin ng pera. Nagpapataya ng ending ang tiya. Iyong tataya ka at pipili ng dalawang number na sa palagay mo ay magiging score sa final score ng laro sa PBA, minsan ay nagbebenta rin ito ng mga gamit na pinabebenta sa kanya ng mga classmate niya sa tongits.

"Dalhan mo na rin ang tiya Sally mo, marami naman itong niluto ko," ani tiya Celia habang kumakain kami. 

"Hindi na po, alam niyo naman na masyadong hard working ang tiya Sally," sarcastic na sabi ko habang nakafocus sa kinakain. "Ang sarap mo talagang magluto ng sinigang, tiya Celia."

"Aba, nambola pa. Kumain ka ng kumain, ang payat mo na,"

"Tiya, ganyan talaga ang katawan ng isang modelo na, beauty queen pa," tila nagmamalaking sabi ni Rodora.

Bahagya naman akong napangiti. "Hindi rin,  sadyang gumugulong na rin kasi ako sa dami ng tao araw-araw sa store,"

"Kaya bumawi ka sa pagkain, alagaan mo ang sarili mo dahil mahirap magkasakit ngayon, baka iyong iniipon mo ng ilang buwan, magamit mo lang ng isang araw sa pagpapagamot, gusto mo iyon?"

Warmer Than The Sun (Pan De Azucar Series #2) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon