Chapter 9
Friends
Nagmamadaling binuksan ni Hope ang pinto ng booth. Basta niya na lamang ako itinulak papasok kaya muntikan pa akong nadapa. Nilakasan ko rin ang loob dahil sa binabalak na pagharap sa takot na gusto ko ng lagpasan. Mabuti na lamang at hindi gaanong madilim dahil sa patay-sinding ilaw at mga nakasinding kandelabra sa bawat sulok ng silid.
Tahimik ang paligid. Tanging ingay lang ng malakas na muling pagsara ng pinto ang narinig ko. Nagsimula na akong maglakad upang makahanap ng puwesto bilang isang White Lady. Isinabay ko na rin ang pagsuyod ng tingin habang nagbabakasakaling makita si Sir Mendez. Alam kong pahirapan ang paghahanap ko sa kanya dahil sa dami ng mga malignong karakter na nagkalat. Malaki rin kasi ang espasyo ng silid.
Nang makarating sa isang sulok kung saan mayroong isang props na balon ay huminto na ako. Naisip ko na mainam itong puwesto ng isang White Lady. Tumayo ako nang deretso at ginulo ang buhok para in character kumbaga. Makalipas ang ilang minuto ay muling nagbukas ang pinto at pumasok ang grupo ng mga babaeng estudyante. Matinis na tilian at sigawan ang umalingawngaw sa buong booth. Nagsimula ng magtrabaho sa pamamagitan ng pananakot ang mga maligno.
Marahil na siguro sa takot ay may mga ibang estudyante na nakikipagsabunutan na sa mga maligno. Gusto ko sanang matawa sa hitsura ng manananggal namin na nakikipagbuno na sa isang babaeng estudyante. Umayos ako at inalala ang dapat na gawin at iasta.
Napatingin ako sa gilid nang makaramdam ng presensiya na bigla na lang tumabi sa akin. Bahagyang nanlaki ang mata ko nang makitang si Sir Mendez ito na isang bampira nga ang costume. Sa paningin ko ay nagmumukha siyang laid-back na version ni Dracula sa suot na black fit shirt at ripped black jeans. Naglagay lamang siya ng signature na vampire cape sa kanyang likod.
"Hey," pagbati niya sa malalim na boses.
Nakatunganga lang ako habang nakatitig sa kanyang napakaputlang mukha na may bahid ng kaonting daplis ng dugo sa gilid ng kanyang mapulang labi.
"Nasaan na 'yong infamous na moustache?" unang mga salitang nasambit ko may masabi lang. "Dracula ka 'di ba?"
"Modern version," sagot niya sabay ngisi na nakapaglantad sa kanyang pekeng pangil. "Bampira pa rin naman."
Hindi na ako muling nakapagtanong pa dahil mas umingay pa ang tilian ng mga estudyanteng nasa loob ng booth. Nang ibaling ang tingin sa kanila ay saka ko pa lamang nakita na palapit na pala sila sa puwesto namin ni Sir Mendez. Doon na ako naghinala na baka si Sir ang dahilan nito.
Sinulyapan ko ang guro at nakita ang tila ba ay naiinip niyang hitsura. Kalmado siyang nakasandal lamang sa may pader na may bungo sa magkabilang gilid habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng nasa harap na niya. Kung umasta siya ay parang wala namang pilit sa kanyang parte ngunit hindi naman ito nakabawas sa excitement na ipinapakita ng mga estudyante.
Nang makalabas na ang maiingay na schoolmates ay nakapagpahinga rin kami pansamantala.
"Okay lang ba sa'yo na nandito ka kahit na medyo madilim?" si Sir.
Hindi na ako nagtaka pa kung bakit niya naisip ito. Marahil naalala na naman niya ang nangyari noong huli kaming nagsama sa iisang silid.
"Opo. I'm trying to face one of my fears now." Sa tingin ko ay dalawang fears yata ang hinaharap ko ngayon. Fear of the dark and fear of him.
Muli kaming binalot ng katahimikan kaya naging awkward na naman ang atmospera naming dalawa.
Tumikhim ako at muli siyang pasimpleng sinulyapan.
"A-Akala ko po ba ayaw niyong maging Dracula? Bakit nagbago ang isip niyo, Sir?"
Banayad siyang napatingala sa kisame. Nadepina nito ang leeg niya kaya klarong-klaro ko ang hubog ng kanyang Adam's apple.
![](https://img.wattpad.com/cover/251237407-288-k655617.jpg)
BINABASA MO ANG
The Accused Mistress
Romance(Delilah Series # 2) "Is it true that you were your own stepfather's mistress?" Alam ko na kailangan kong depensahan ang sarili ko. I look at the few people who are seated inside the trial court. Sa mga mata nila ay nakikita kong hinuhusgahan na nil...