Chapter 17
Pagbabago
Binisita kami ni Lolo sa condo nang lumuwas siya ng Maynila para sa birthday ni Papa. Hindi ito ang unang beses na nagkita sila ni Lake ng personal. Ipinakilala ko na rin sila sa isa't-isa noong halos isang taon na kaming magkarelasyon ni Lake.
Umuwi ako ng mansiyon para sa birthday celebration ni Papa at nanatili rito ng dalawang araw dahil na rin sa kahilingan niya. Mahirap din naman sa akin ang bumukod at ang malayo sa kanya dahil nakasanayan ko na silang makasama ni Mommy sa iisang bahay. Kaya lang ang tensiyon ng relasyon namin ni Mommy simula noong huli naming pagtatalo ang nag-udyok din sa akin na bumukod.
"Gusto mo bang bigyan kita ulit ng sisiw?" si Lolo habang nasa balkonahe kami at umiinom ng kape.
Ngumiti ako at inilapag sa mesa ang tasa.
"Lo, hindi niyo na po mapapalitan si Pepe."
Mahina siyang natawa at dahil dito ay nadepina ang kulubot sa kanyang noo. Purong kulay puti na rin ang kanyang manipis na buhok. Ginapangan ako ng lungkot. Tumatanda na nga ang lolo ko.
"Hindi pa rin ba kayo nagkakaayos ng Mommy mo?"tanong niya matapos ang ilang sandali na pagiging tahimik.
Niyapos ko ang sarili dahil sa lamig ng simoy ng hangin. Masyado pa kasing maaga.
"Nag-uusap naman po kami. Kapag nga lang nandiyan si Papa."
Tumango siya at muling uminom ng kanyang kape. Inilapag niya itong muli sa mesa at napatanaw siya sa malayo.
"Alam kong minsan, masyadong perfectionist iyang si Valena pero lagi mong iisipan na ina mo pa rin siya, JC. Walang ina na maghahangad na mapasama ang kanyang anak," mahinahon niyang pangangaral.
Yumuko ako at tinitigan ang mga daliri. Pinagmasdan ko ang singsing na bigay ni Lake.
"Hindi ko naman po 'yan kinakalimutan, Lo." Bumuntonghininga ako at pagod siyang nginitian. "Minsan lang talaga, masyado na niyang minamaliit ang isang tao..."
Tiningnan niya ako. "Ano bang sabi ni Lake sa'yo?"
"Na hayaan ko na lang daw si Mommy. Na dapat respetuhin ko pa rin siya. Kilala niyo naman po si Lake."
Ngumiti siya na para bang inasahan na niya ito.
"Hindi na ba talaga siya mag-aabogado?"
Nagkibit ako ng balikat. "Siguro nga. Ewan ko lang. Iniiwasan ko na rin po kasing banggitin ang bagay na 'yan. Ayokong mauwi na naman sa pagtatalo."
"Dismayado ka ba sa desisyon niya, JC?"
Pansamantala akong natigilan dahil sa naging tanong niya. Si Lolo lang talaga ang may kakayanang magtanong sa akin nang ganito na nagpapaalala sa akin na magpakatotoo sa sariling saloobin.
Marahan akong tumango at malungkot siyang tiningnan. "Medyo po."
Sa kabila ng pagiging matapat ko at pag-amin sa totoong nararamdaman ay hindi ako hinusgahan ni Lolo. Puno pa rin ng pang-unawa ang kanyang mga mata.
"Naisip ko na rin 'yan. Kilala kita. Noon pa man, achiever ka na. At siguro maski ayaw mong ikumpara kita sa nanay mo, hindi ko maiiwasan. Masyado kayong magkatulad lalo na sa mga ambisyon sa buhay."
BINABASA MO ANG
The Accused Mistress
Romance(Delilah Series # 2) "Is it true that you were your own stepfather's mistress?" Alam ko na kailangan kong depensahan ang sarili ko. I look at the few people who are seated inside the trial court. Sa mga mata nila ay nakikita kong hinuhusgahan na nil...