Sandrei's POV
"Hoy, Panget! Saglit lang naman!" sigaw ko nang lagpasan lang ako ng Gelo na 'yon habang hila-hila niya ang kapatid niya. Ako ang nagdala sa kaniya rito tapos iiwan lang ako ng gago na 'yon? Hindi man lang nag-thank you na iniligtas ko sa kamatayan ang kapatid niya.
Hinabol ko pa rin sila dahil balak kong magpalibre kay Gelo. Tinulungan ko naman sila, eh. Hindi naman siguro masamang humingi ng kahit french fries lang.
"Alam mo, dahil lahat 'to sa'yo! Bakit kasi ang pangit mo kuya?! Gusto ko si Ella! Gustong-gusto ko pero ayaw nila sa 'kin dahil sa'yo!" rinig kong sigaw ni Joseph kay Gelo nang makita ko sila sa harapan ng mismo nilang bahay.
Tinalikuran ni Joseph si Gelo na parang hindi ito mas matanda sa kaniya. Kumunot naman ang noo ko. Ang sama kasi niya sa kuya niya. Buti nga hindi siya pinabayaan. Alam ko namang pangit si Gelo, lahat naman alam na iyon. Pero alam din naman ng halos lahat dito sa amin na mabait siyang tao, anak, at kapatid. Mukhang nasobrahan yata sa kapal ng mukha ang bunso niyang kapatid.
Yumuko lang si Gelo kaya naisipan ko siyang lapitan at kalabitin. "Uy, ayos ka lang ba?"
Laging sinasabi ng mga tao rito na basagulera raw ako at titibo-tibo na totoo naman pero may pake ako sa mga taong nasa paligid ko. At higit sa lahat, hindi ko pa naiisipang humithit kahit gaano pa kahirap ang buhay ko.
"Okay lang," Nag-angat siya ng tingin sa akin at nagpakita ng isang walang gana at pilit na ngiti. "Salamat pala ulit. Kung hindi mo ako tinawag, baka nasa ospital na ngayon 'yong kapatid ko. Dagdag gastos na naman."
"Ang sama ng ugali ng kapatid mo," nakakunot noo kong usal. "Hindi ka naman niya kailangang pagsalitaan ng gano'n. Kuya ka pa rin niya. Bigla ko tuloy naisip na baka ampon lang siya dahil hindi mo siya kaugali."
Tumawa ng pagak ang lalaki sa harap ko. "Baka ako 'yong ampon. Si Mama kahit pa lagpas singkwenta na, may asim pa at balak pang ligawan ng barangay captain. Tapos 'yong kapatid ko naman, ang gwapo. Habulin na ng babae kahit noong bata pa lang siya. Pati ang Papa ko, kahit sa mga litrato niya noon, matikas talaga siya. Ewan ko lang kung bakit ako nasama. Para akong butil ng asin sa gitna ng mga asukal."
"Lalim naman ng hugot mo, Panget," Tinapik ko ang balikat niya. "Isipin mo na lang kahit wala kang katiting na kagwapuhan, hindi mo naman kaugali ang kapatid mo. Pangit ka lang pero mabuti kang tao. Ayos na ayos 'yon, 'no."
Nakita kong mas gumaan ang pakiramdam niya dahil ngumiti siya. "Sige na, umuwi ka na. Salamat sa oras. Pasensya na sa mga nakita o narinig mo."
Saka ko lang naalala na magpapalibre ako ng french fries nang makapasok na siya sa loob ng bahay nila. Napakamot na lang ako sa ulo ko saka ko naisipang umuwi. Sa bahay na hindi mo man lang matatawag na bahay.
Dumiretso ako sa sikat na bar dito sa amin. Konting lakad lang iyon. Walang nakakaalam na roon ako nakatira. Ang akala ng iba pumupunta ako sa bar para uminom, makapaglasing, at makahanap ng pwedeng landiin. Porque may mga babae ring umaaligid sa 'kin, naghahanap na ako agad ng lalandiin?
Pumasok na ko sa loob ng mausok, maingay, at magulong bar. Lagpas ala syete na rin kasi ng gabi at patuloy ang pagdagsa ng mga tao rito. Walang mga prostitute rito. Puro mga dancer lang na pwede lang kunin ng mga manonood kung papayag 'yong mismong dancer. Kapag may dancer o waitress na binastos dito, pumuputok na agad 'yong ugat sa mga braso ng mga bouncer.
Ito ang naging tahanan ko simula ng umalis ako sa amin. Ayaw ko sa uri ng pamumuhay ng mga magulang ko. Dalawampung taon kong tiniis iyon at masasabi kong mas masaya ako ngayon. Nakaalis na ako sa poder nila. Nakawala na ko sa hawla na nagkukulong sa dati kong buhay.
May umampon sa akin dito. Sa totoo lang, dito sa mismong bar na ito nagsimula ang bago kong buhay. Naging waitress ako rito tapos nagustuhan ako ng manager na si Mamang Lucilla. Bakla siya at Lorencio ang tunay niyang pangalan. Sobrang laki ng pasasalamat ko dahil kinupkop niya ako. Limang taon na ako sa pangangalaga niya.
Hindi naman talaga ako titibo-tibo. Nasanay lang siguro. Kikay din ako noon. Nagnanais na magsuot ng gown at dress. Madalas din akong maglagay ng mga kolorete sa mukha. Pero mas pinili kong maging astang lalaki para hindi mabastos dito sa bar. Nababastos pa rin ako ng mga sadyang tarantado pero hindi na ako takot na sapakin sila.
Pinuntahan ko si Mamang Lucilla sa opisina niya. Manager lang siya rito pero parang siya na ang may-ari. 70% ng kita ng bar ang napupunta sa kaniya. Tsino kasi ang may-ari nitong bar na isang beses lang kung bumisita rito kada buwan. Parang nabagot lang 'yong may-ari nitong bar kaya niya tinayo pero hindi naman binibigyan ng lubos na pansin.
"Mamang, nakauwi na po ako," sabi ko nang buksan ang pinto ng opisina nito. Nakatutok ito sa calculator habang nagsusulat sa papel. Halatang nagkukuwenta ng mga gastusin. "Kumain na po ba kayo?"
Kahit gaano pa man kagaspang ang pakikitungo ko sa ibang tao lalo na sa mga siga, hindi ko makalilimutang igalang ang taong kumupkop sa akin at nag-aalaga sa akin ngayon. Hinahayaan niya akong gawin ang mga gusto ko. Basta huwag lang daw akong magpapabuntis saka magpapakulong.
"Kumusta ang pasada mo kanina, Drei?" tanong ni Mamang sa akin matapos kong humalik sa pisngi niya. "Naghapunan na ako. May tira pa sa binili kong barbecue sa kusina. Kumain ka na lang kung nagugutom ka."
Inabot ko ang limang daang piso na kinita ko sa pamamasada kanina. Nabawas na roon ang boundary pati na rin ang pang-meryenda ko kanina. Hindi ko nga alam kung bakit napagtripan kong mangutang ng bente kay Gelo kaninang umaga. Malaki naman ang ibinibigay sa akin palagi ni Mamang.
"Nako, huwag mo ng ibigay sa akin 'yan, 'nak," Ngumiti ito sa kaniya.
Laging gumagaan ang pakiramdam ko kapag tinatawag niya akong anak. Ang sarap sa pakiramdam. Gumaganda ang mood ko. Pero pansin ko na mukhang problemado ngayon si Mamang. Parang may bumabagabag sa kaniya.
"Mamang, may problema po ba? May nanggulo po ba rito kanina?"
"Wala, anak," Bumuntong hininga si Mamang saka hinawakan ang kamay ko. "Nahihirapan lang akong kumuha ng mga bagong dancer dito sa bar. Gusto ko na ng mga bago dahil parang nagsasawa na ang mga tao sa mga dancer natin. 'Yong iba pa s kanila, puro may mga anak na."
Nginitian ko si Mamang saka yumakap sa kaniya. "Mahuhulas po ang beauty ninyo kapag nag-iisip kayo ng sobra. Magiging maayos din po iyan. Saka ng mga tao rito, hindi marunong tumanggi sa tawag ng alak at pulutan."
Gelo's POV
Nang pumasok na ako sa loob ng bahay matapos ang saglit na pakikipag-usap kay Sandra, medyo gumaan na ang pakiramdam ko kahit pa nasaktan talaga ako sa mga narinig ko. Hindi ko maiwasang ma-insecure. Parang nawala bigla lahat ng tapang ko na humarap sa maraming tao kahit pa pangit ako. Ang sakit lang, haha.
Nakita ko si Mama na nililinis ang sugat sa mukha ng kapatid ko. Mukhang nabangasan ang makinis niyang mukha na sana mayroon din ako.
"Ano na namang ginawa mo, Joseph? Uuwi ka na lang tapos may ganiyan ka pa sa mukha. Nako, ikaw na bata ka! Intindihin mo nga muna 'yang pag-aaral mo kaysa 'yang pakikipagbasag-ulo. Mahiya ka naman sa kuya mo!" singhal ni Mama kay Joseph.
Tahimik lang ako na pumasok sa loob ng kwarto namin. Umupo na lang ako sa kama ko saka inilabas ang laptop ko upang matapos ko na ang financial report na kailangan bukas. Ayaw kong magkaroon ng bad record sa trabaho. Ayaw ko ring masabihan na tamad kaya hangga't maaari, gagawin ko lahat ng kaya ko.
Nakalimutan ko na pa lang kumain pero hindi ko na lang inintindi. Nawalan na ako ng gana. Gusto ko lang na matulog ng maaga dahil may pasok pa ako bukas.
Bumukas ang pinto ng kwarto. Nakita ko si Joseph na may dalang plato na may kanin at fried chicken. Mukhang iyon 'yong binili ko kanina.
Tiningnan ko lang siya sandali at binalik ko na rin agad ang tingin ko sa screen ng laptop ko. Nakuha niya lang ang atensyon ko nang magsalita siya.
"Kuya, sorry sa mga nasabi ko kanina."
TinTalim
BINABASA MO ANG
Ugly Love of Us (Completed)
RomanceA man and a woman with different personalities, views in life, attitude and appearance. An ugly softie and a harsh lady. What will be the ending of this common story? Or is it really common?