Chapter 10

10 3 0
                                    

Cindy's POV

"Ayaw ko talagang sumama. Kayo na lang," pagtanggi ko sa alok nila Delilah. "Gusto ko lang talagang matulog. Day off ko kasi bukas."

"KJ mo naman," sabi ni Rinrin.  "Girls night out lang, gano'n. Malay mo makahanap pa tayo ng jojowain doon. Jusko, junior high school pa ko no'ng huling beses akong lumandi."

"Weh?" natatawang sabi ni Yuna.

"Alis na tayo," sabi ni Delilah. "Next time na lang natin isama si Cindy. Saka kung girls night out, sana kasama rin natin si Manager Ceriano. Tara na, mauubusan na tayo ng boys!"

Nagpaalam na ako sa kanila. Mahilig talaga sila sa mga gala at sa mga party. I don't like socializing although it's really needed in our job, in this world. Parang araw-araw akong nakikipaglaban sa public anxiety ko. Nakakamangha dahil kinakaya ko naman. I just don't like being around so many people. I don't like to be in the crowd. Kaya ang day off ko ay mapupuno na naman ng movie marathon at stress eating na hindi naman ako pinapataba.

Naglakad na lang ako pauwi. Malapit lang naman. Nagtitipid pa rin ako kahit may kalakihan ang sahod namin. Syempre may mga bonus pa at kahit wala naman akong binubuhay na pamilya, hindi ko alam kung may biglang emergency na dadating kaya mabuti na 'yong handa at sigurado.

Nakarating na ako sa tapat ng apartment building kung saan ako umuupa. Matagal na ko rito. Mura lang ang upa at mabait pa ang landlady.

Nabungaran ko ang landlady sa kusina nito. Mukhang naghahanda na siya ng dinner. "Good evening, Aling Tessy."

"Cindy?" Narinig kong may nagsalita sa likod ko kaya napalingon agad ako roon. Nanlaki ang mga mata ko. Teka, bakit siya nandito?! Sinusundan niya ba ko? Pero day off niya ngayon, 'di ba?

I tried to compose myself. Ano ba 'to, hindi ako makapagsalita ng maayos. Kinakabahan ako at nasasabik sa hindi ko malamang dahilan. He's here. He is an unexpected guest. Bakit? "G-Gelo?"

He smiled at me and I just felt a sudden chill on my bones. He is just wearing plain walking shorts and white shirt. Ang linis-linis niya laging tingnan. At ang itsura niya, parang ang bango niya lagi. Minsan naamoy ko na ang gamit niyang perfume.

"Dito ka rin ba nangungupahan?" he asked. "Kakalipat ko lang dito kaninang umaga. Hindi ko inaasahan na nandito ka rin pala. Good to see you."

Naiilang akong ngumiti. "Ibig sabihin ang kwarto mo ay doon sa..." Napahinto ako. Napatitig ako sa mukha niya. Ang bakante lang namang kwarto rito ay ang katabi kong kwarto. Nasa may dulo iyon at kahapon lang umalis ang dating may-ari. "M-Magkatabi pala tayo ng kwarto."

"Ate Cindy!" Nabaling ang tingin ko sa tumawag sa akin. Nakita ko si Lala. Siya 'yong call center agent na nakatira rin sa tabi ng kwarto ko. Dalawang taon lang ang tanda ko sa kaniya pero ate pa rin ang turing niya sa akin. "Buti naman at hindi mo naisipang mag-overtime ngayon."

"Ganda na naman natin ngayon, Mamsh Cindy," Nakita ko si Keyla na ang totoong pangalan ay Caloy. Bakla siya pero magaling na make-up artist. Nagpapaayos ako sa kaniya minsan dahil wala talaga akong alam sa mga kolorete sa mukha. Lipstick at foundation lang ang kaya ko.

Nagsiupuan na kami sa may dining table. Tuwing Biyernes kasi ay sabay-sabay kaming naghahapunan. Nakaugalian na. Si Aling Tessy ang nagluluto. Napansin kong wala si Gardo at Mayumi. Si Gardo ay isang pulis at si Mayumi naman ay isang receptionist. Sa pagkakaalam ko ilang buwan na silang nagde-date.

"Kung hinahanap niyo sila Gardo, nag-date sila ni Mayumi," sabi ni Aling Tessy bago patayin ang kalan. "Huwag na kayong magtataka kung may marinig man kayong kumakalampag mamaya."

Bahagya kaming natawa sa biro ni Aling Tessy. Napatingin ulit ako kay Gelo. Tinutulungan niya si Aling Tessy sa pag-aayos ng lamesa. Mukhang close na siya agad kila Keyla at Lala.

Natuwa ako nang makita ang mga niluto ni Aling Tessy. Afritada iyon at Fried Chicken. Minsan lang magluto si Aling Tessy para sa aming lahat. Tuwing Biyernes lang pero siguradong masarap iyon.

Nagkukuwentuhan kaming lahat tungkol sa mga nangyari sa amin ngayong araw. Si Keyla ang mga pinaka maraming kuwento. Nagrereklamo siya tungkol sa mga costumer niya sa kasal kanina. Ang likot daw tapos ang arte-arte pa hindi naman maganda.

Si Lala ang nagprisintang maghugas ng pinggan. Buong araw daw kasi siyang tulog. Hindi siya makakatulog agad kung hindi siya magpapagod. Nagpaalam na ako kay Aling Tessy na aakyat na ako. Hindi pa kasi ako nakakapagbihis. Baka mangamoy na ako.

Nailang agad ako nang magkasabay kami ni Gelo sa pag-akyat ng hagdan. Baka maamoy niya ang pinaghalong amoy ng polusyon, pawis, at kung ano-ano pa. Nakakahiya iyon!

Napaatras ako nang humarap siya sa akin nang makaakyat na kami sa ikatlong palapag. Nakatingin siya sa akin habang nakangiti. "Natutuwa talaga ako na magkasama pala tayo rito. Kung gusto mo, pwede ba tayong sabay pumasok sa Monday?"

Napayuko ako dahil hindi ko kayang tagalan ang pagtingin sa kaniya. Ang sabi nila, pangit daw si Gelo. Pangit kaya ako naiilang. Pero hindi gano'n ang pakiramdam ko. Kakaiba palagi kapag nasa paligid siya. Ilang beses ko ng sinubukan siyang i-approach dahil gusto kong makasiguro tungkol sa kakaibang pakiramdam. Mukhang ito na ang tamang oras.

"Sige," tipid kong sagot bago ako pumasok sa kwarto ko. Napayapa ako nang isara ko na ang pinto.

Sandrei's POV

"Whoo! Hayop na balakang 'yan! Igiling mo pa!" Isa lang 'yan sa mga narinig ko na sigaw habang sumasayaw ako sa maliit na entablado rito sa bar namin. Maliit na naman ang suot ko ngunit hindi mawawala ang maskara ko sa mukha. Ilang beses na kong pinilit ng mga customer na alisin ko ang maskara pero ayaw ko. Nahihiya ako. Nahihiya akong makita nila ang mukha sa likod ng katawang kinababaliwan nila.

Kahit nakamaskara naman ako, linalagyan pa rin ako ng make-up. Siguro umaasa si Mamang na kapag handa na ako, aalisin ko na ang maskara. Sinasabi niya sa akin na maging proud ako sa ganda ko. Wala naman akong pake sa ganda ko o sa mukha ko. Ayaw ko lang makita ng mga tagarito na 'yong sigang palaging may kaaway ay lumalambot bigla kapag dancer na sa bar. Wala namang masama sa pagsayaw pero nahihiya pa rin ako. At the same time, natatakot din sa sasabihin ng iba.

Nakahanap naman na talaga si Mamang ng ibang mga dancer. Sumasayaw na rin sila simula kahapon. Pwede na akong tumigil pero nasasayangan ako sa kikitain. Basta hindi ko aalisin ang maskara ko. Minsan kasi sumasagi rin sa isip ko na paano kaya kung si Gelo ang makakita sa akin habang sumasayaw? Anong magiging reaksyon niya? Magagalingan kaya siya? Kagaya ba ng iba ay huhubaran din niya ba ako sa isip niya? Sisigaw din ba siya ng malalaswa habang nakapako ang mga mata sa katawan ko?

Naligo na ako nang makapasok na ako sa kwarto. Kinuskos ko ng mabuti ang balat ko. Masakit sa balat pero parang may dumi ako na hindi maalis-alis. Dumi na wala naman talaga roon pero pakiramdam ko'y nandoon.

Bumuntong hininga ako saka nagpunas at nagbihis. Lunes ngayong araw. Sinabi ko kay Mamang na hindi muna ako sasayaw mamayang gabi. Ilang linggo na rin akong sunod-sunod na sumasayaw. Gusto ko ng pahinga. Hindi, kailangan ko ng pahinga.

Lumabas ako ng bar gamit ang pinto sa may likuran. Pupuntahan ko muna ang mga tropa kong tricycle driver dahil nasa trabaho nga pala ngayong araw si Gelo. Ang tagal na naming magkakilala pero hindi man lang namin alam ang number ng isa't-isa. Wala tuloy kaming contact. Teka, bakit kanina ko pa ba iniisip si Gelo? Linibre lang ako ng ice cream tapos nagkaganito na ako. Saka nasabihan lang ako na pwede ko siyang bisitahin kapag kailangan ko ng kausap, bibisitahin ko na agad.

Ang close na pala namin ni Gelo. Ilang beses na kaming gumala pero hindi ko alam kung ano kami. Paano nga ba kung kahit magkaibigan ay hindi ko mailagay para ilarawan kaming dalawa?

TinTalim

Ugly Love of Us (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon