Chapter 12

14 3 0
                                    

Sandrei's POV

Napupuyos ang damdamin ko habang naglalakad  pauwi. Ayaw kong makipag-usap sa kahit na sino. Lukot na lukot ang mukha ko habang naglalakad. Bakit pa ba kasi ako pumunta rito? Dapat natulog na lang ako sa may bar dahil sasayaw pa ko mamaya pero pumunta pa rin ako rito. Naghintay pa rin ng halos dalawang oras sa Gelo na yon na hindi naman gwapo. Hmph!

Padabog kong sinara ang pinto ng kwarto ko saka humiga sa kama. Yumakap lang ako sa unan at nag-isip. Ang ganda no'ng babaeng kasama ni Gelo. Ang tangkad pa. Lumipat lang yata siya para mapalapit doon, eh.

Pero bakit ba ko naiinis? Bakit ko 'yon iniisip ng husto? Normal lang naman siguro 'yon. Baka liniligawan 'yon ni Gelo. Baka gusto rin siya no'ng babae. Puta, tuwang-tuwa pa 'yong babae habang nakikipag-usap. Ang hinhin pa no'ng babae. Siya na! Siya na! Wala naman akong dapat ikainis! Pero nakakainis pa rin!

Tumayo ako saka nagbihis. Amoy pawis na ko kaya nagpalit na muna ako. Lumabas ako at hinanap ang mga tropa kong malalaki ang katawan pero laging unang natutumba pagdating sa inuman. Mag-aaya ako na uminom. Hindi naman ako sasayaw mamayang gabi kaya okay lang kahit malasing ako.

"Inchong!" pagtawag ko sa lalaking walang pang-itaas at tadtad ng mga tattoo ang katawan. Construction worker siya at lasinggero pero laging sinusundo ng asawa niya sa inuman. Kung 'yong iba ay nananakit ng asawa kapag nakainom, si Inchong naman ang sinasaktan ng asawa niya kapag nakainom siya. Under kumbaga.

"Magpapainom ka, Drei?" tanong nito. "Pinayagan akong uminom ni misis ngayon. Ilang bote ba?"

Natawa ako. "Wala pa kong sinasabi tapos alam mo na agad? Tawagin mo muna sila Pareng Romar. Matagal na ring hindi nakakalaklak 'yong mga 'yon."

May bar kami pero mas gusto kong uminom sa gilid ng kalsada. Matawag man akong lasinggera, siga, o kaya basagulera ay wala akong pake. Iyang mga tsismosa na 'yan, sa tsismis lang magaling. Tapos makikita mo 'yong mga anak nila ay maagang nabubuntis o kaya kapag mga bata pa anak nila, makikita mong nagkakawkaw sa may kanal. Puro tsismis kasi ang inaatupag. Hindi yata nila alam 'yong 'mind your own business' na sinasabi. Saka kilala ko ang sarili ko. Ayos na 'yon.

Sila na ang kumuha ng upuan tutal ako naman ang manlilibre ng alak. Sila na rin ang bumili ng pulutan. Sa bar namin may sisig at adobong paa ng manok para sa pulutan tapos dito ay nagtitiyaga ako sa junk foods. Iba rin talaga utak ko.

"Drei, sama natin 'tong pamangkin ko," sabi ni Inchong. "Kaedad mo lang 'to. Sa Maynila nagtatrabaho pero bumibisita sa amin dito. Si Jojo nga pala mga pare."

Umupo sa tabi ko 'yong Jojo. Inabutan ko siya ng bagong bukas na bote ng beer. "Malakas ka bang uminom o gagawin mo lang na meryenda 'yong pulutan? Sabihin mo na agad para bibigyan na lang kita ng perang pang-meryenda."

Ibang-iba ang ugali ko sa harap ng mga tropa ko. Sa harap ng mga kapitbahay. Sa harap ni Gelo. Magkakaiba 'yon. Kahit sa harap ni Mamang. Natatandaan ko noon ang sinabi ng teacher ko. Hindi ka raw makikilala ng mga tao kung hindi mo ipapakilala ang totoong ikaw. Napapaisip na lang tuloy ako kung kilala ko ba talaga ang sarili ko o nabubulag na ako ng iba't-ibang klase  ng pakikitungo sa ibang tao.

"Malakas naman akong uminom," Kinuha niya ang bote pero naramdaman ko ang pasimple niyang paghaplos sa kamay ko. "Ikaw? Mukhang malakas kang uminom. Baka pwedeng uminom tayo minsan ng tayo lang."

Tumingin ako kila Inchong. Nagkukuwentuhan sila nila Pareng Romar. Tawa nang tawa ang mga gunggong. Inimiran ko lang si Jojo. "Kung malakas nga 'yong tawag sa nakakaubos ng lagpas sampung bote, baka nga malakas ako. Isa pang hawak mo sa 'kin, babasagin ko 'tong bote sa ulo mo saka ko ipapalamon sa'yo."

Tumahimik na siya. Mukhang natakot. Badtrip ako ngayon kaya huwag siyang makisabay. Murahin na ko't lahat-lahat, huwag lang akong babastusin. Baka basagin ko talaga mukha nito. Minsan talaga, patapon ang ibang mga lalaki kaya nakakainis sila.

Ugly Love of Us (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon