Gelo's POV
Habang naglalakad ako pauwi, parang mas gusto ko na lang na sumalampak sa gitna ng kalsada. Pagod na pagod ang pakiramdam ko. Lalo na ang mga mata ko. Nagugutom na rin ako dahil hindi naman ako nakapag-lunch. Kape pa lang at 'yong almusal ko ang laman ng sikmura ko. Ala singko na ng hapon at kahit pangit ako, gutom na gutom na ako!
"Pangeeeeeeet!"
Lihim akong napairap. Grabeng tinis naman ng boses ng babaeng 'yon kapag sumisigaw. Akala mo may sunog na sa sobrang lakas ng boses nito. Nagulat ako nang may umakbay sa akin. Nang tingnan ko siya ay iyon na naman ang suot niya. Malaking t-shirt at jogging pants. Hindi ba siya naiinitan?
Inalis ko ang pagkakaakbay niya sa akin. "Huwag ka ng umakbay. Akala mo naman ang laki-laki mo," Napansin ko kasing nahihirapan naman siya pero umakbay pa rin. Halata naman na magkalayo ang height namin.
"Tara," Hinatak niya ang braso ko. Wala na akong lakas para pumalag pa. "Ililibre kita dahil mukhang mangangain ka na ng tao sa itsura mo."
Kumunot naman ang noo ko. "Mukha ba kong gutom na gutom?"
Natatawa siyang tumango habang hila-hila pa rin ako. "Pumapangit ka tuloy lalo. Naaasiwa ako sa mukha mo. Saka malaki ang kita ko ngayon kaya ililibre na rin kita. Nakakatamad kayang kumain ng mag-isa."
Tinaasan ko siya ng isang kilay. "So, isasama mo lang talaga ako para may kasama kang kumain?" Binawi ko ang braso ko. "Kumain ka na lang ng mag-isa. Hindi mo kailangang ilibre para may kasama ka. O kaya maghanap ka na lang ng ibang sasama sa'yo. Uuwi na ako."
Naiinis na ang itsura niya nang humarap sa akin. Napadaing ako nang hampasin niya ang braso ko. "Sumama ka na kasi! May sasabihin din ako sa'yo."
Bumuntong hininga na lang ako saka muling nagpahatak sa kaniya. Dinala niya ako sa isang karinderia. Maganda naman doon at malinis. Kaunti lang ang mga kumakain sa mismong tindahan pero marami ang mga nakapila.
"Bagong bukas lang 'tong karinderia. Solid sa sarap mga pagkain dito. Mura pa," sabi niya saka nakipila na rin doon sa mga bumibili.
Tiningnan ko lang siya habang bumibili. Maya-maya ay nakapag-order na siya. Bumalik siya sa puwesto ng table namin saka umupo sa harap ko. "Nag-order ako ng Adobong may pinya saka Sinigang."
"Sandra," Tiningnan niya ako. "Bakit mo nga ako sinama rito?"
Kahit naman hindi ako magmasid masyado, alam kong nakatingin ang mga tao sa amin. Lalo na noong kakapasok pa lang namin. Porque ba pangit ako at maganda si Sandra? Kahit naman kasi parang hindi siya babae kung gumalaw at magsalita ay maganda naman talaga ito. Maputi pa at makinis. Kinulang lang talaga sa height. Ako naman, matangkad nga pangit naman. Ngayon ko lang naisip na nakakahiya rin palang tumabi o mapalapit man lang kay Sandra.
"Gusto ko lang na isama ka kasi sa'yo lang ako komportable," sabi nito kaya napamaang ang tingin ko sa kaniya. "Tipong hindi ko kailangang magmatapang o umastang siga sa harap mo. Kapag kasi iba ang kasama ko, kailangan lagi akong barako kapag gagalaw. Nakakasuya 'yon, 'no."
Buti pa si Sandra. Mukhang hindi siya nahihiyang kasama ako. Kalmado lang siya kung gumalaw. "Ikaw naman ang ililibre ko sa susunod."
Napangiti agad siya. "Aba, syempre hindi ako tatanggi sa grasya."
Dumating na ang order namin makalipas ang ilang minuto. Umuusok pa ng Sinigang nang ilapag iyon sa harap namin. Pati ang mga kanin ay mainit na mainit pa. Maganda rin ang pagkakasaing dahil hindi malabsa. Nagtaka lang ako nang makita kong dalawang serving ng kanin ang nasa plato ko. Gutom ako pero ang dami naman yata masyado nito.
Nakita ko na lang si Sandra na linalantakan na ang Adobo. Sunod-sunod ang pagsubo niya. Parang dumadaan lang sa labi niya ang pagkain tapos nilulunok niya na agad. Hinati ko 'yong isang serving ng kanin saka linagay sa plato niya ang kalahati. "Ang dami masyado. Hindi ko naman kayang ubusin ang ganoon karami."
Hindi niya ako pinansin. Tumayo lang siya saka mukhang may binili ulit. Pagbalik niya ay may hawak na siyang dalawang bote ng soft drinks. May mga straw na iyon at mukhang malamig na malamig.
"Kumain ka na nga. Mauubos ko na 'yong akin tapos ikaw hindi ka pa nakakasubo."
Nagsimula na rin akong kumain. Masarap nga talaga ang pagkain dito. Sakto lang ang asim ng Sinigang. Ginanahan tuloy akong kumain ng husto. Pareho na kami ni Sandra na sunod-sunod ang pagsubo. Na-miss ko tuloy sa tuwing nagluluto noon si Mama. Sa umaga na lang kasi siya madalas magluto. Bumibili na lang kami sa labas ng ulam kapag dinner na kasi nakakalimutan ni Mama.
Napahawak ako sa tiyan ko matapos kumain. Busog na busog ako. Bumili pa nga ako ng isa pang serving ng kanin. Ako na ang bumili dahil nakakahiya na kay Sandra. Simot 'yong laman ng mangkok. Satisfied na ako. Siguradong masarap ang tulog ko mamaya. Kaso, may mga tatapusin pa pala ako, ugh.
"Sarap, 'no?" Ngumiti ng matamis si Sandra. "Sulit na sulit. Baka ito na ang magiging dahilan ng pagtaba mo."
Sinimangutan ko siya. "Hindi naman ako tabain. Saka ang pangit ko na nga tapos tataba pa ako."
Bahagya siyang tumawa. "Alam ko na pangit ka pero wala naman masama sa pagiging mataba. Cute kaya ang matataba. Basta huwag 'yong sobra."
"Bakit hindi na lang ikaw ang magpataba? Ang payat-payat mo, oh. Baka isang buga ka na lang."
Noong una linalayuan ko si Sandra. Siga nga kasi siya at madalas na mapaaway. Pero okay din naman pala siyang kasama at kausap. Nawala yata bigla ang pagod ko sa buong araw ng trabaho. Lulugapa na sana ako kanina. Buti na lang pala at dumating siya.
"Nako, hindi ako pwedeng tumaba," tugon niya.
Nagtaka ako. "Ang dami namang matatabang tricycle driver, ah? Saka sabi mo hindi naman masama kung mataba."
Nakita kong napakurap muna siya ng ilang beses bago sumagot. "H-Hindi na ako namamasada. May bago na kong trabaho. Noong nakaraang araw lang."
Napangiti ako. Mukhang umaayos naman pala ang lagay niya. Saka hindi naman bagay sa kaniya 'yong namamasada palagi. "Good for you! Ano ng trabaho mo? Saan iyon? Baka naman pwede akong bumisita."
Naging malikot ang mga mata niya na mas naging kataka-taka para sa akin. "S-Sa mall lang. Kaso malayo. Kailangan pang bumiyahe. Saka hindi kami pwedeng umalis o maglamyerda kapag oras ng trabaho."
Tumango-tango ako. "Day shift ka ba roon?"
Tumango rin siya pero kakaiba ang pakiramdam ko sa mga naging sagot niya. Umuwi na kami matapos naming makapagpahinaw ng busog. Magsasara na rin kasi ang karinderia. Sulit talaga. Babalik ako rito.
Sabay kaming naglalakad ni Sandra pauwi. Nagkukuwentuhan kami habang naglalakad. Ang weirdo ng mga kuwento niya. Tungkol sa mga kinatatakutan daw ng mga siga sa lugar namin. Halos lahat daw ng mga ito ay takot sa mga asawa. Tumitino bigla kapag nakikita na ang mga misis nila.
Huminto kami sa tapat ng bahay ko. "Salamat ulit sa dinner. Uwi ka na. Dumidilim na masyado. Good night!"
Ngumiti siya at nagulat ako nang hampasin niya ako sa braso. "Ingat ka rin. Sa uulitin. Good night!"Pumasok na ako sa bahay namin saka ko ni-lock ang gate. Bumungad sa akin si Mama at si Joseph na magkatabing nakaupo sa may sala. Seryoso ang mukha ni Mama habang nakayuko lang si Joseph.
Lumapit ako kay Mama saka humalik sa pisngi niya. "Anong meron, Ma? Kumain na po ba kayo?"
Pinaupo ako ni Mama sa harap nila ni Joseph. "Ano po ba kasi iyon?"
Tumikhim si Mama. "May gustong sabihin at ipaliwanag sa'yo ang kapatid mo. Makinig ka muna, Gelo. Kung magagalit ka man, sana maunawaan mo.
Kumunot lang ang noo ko saka ibinaling ang tingin ko sa kapatid ko. Nag-angat siya ng tingin at kitang-kita ko na namumula ang mga mata niya.
Teka, ano bang nangyayari? Bumigat tuloy bigla ang pakiramdam ko. Parang kanina lang ay ang saya ko pa habang kausap si Sandra. Dapat ba hindi na muna ako umuwi?
TinTalim
BINABASA MO ANG
Ugly Love of Us (Completed)
RomanceA man and a woman with different personalities, views in life, attitude and appearance. An ugly softie and a harsh lady. What will be the ending of this common story? Or is it really common?