Chapter 40: Insecurity and Avoidance

72 8 0
                                    

Nagising ako ng nakasalampak sa sahig sa kwarto ko. Hindi ko man lang namalayang nakatulog na pala ako kakaiyak kagabi. Naka uniform pa rin ako hanggang ngayon. Anong oras na ba? Nakita kong madilim pa rin sa labas ng bintana. Nakabukas pala ito kaya naramdaman ko ang pag ihip ng malamig na hangin na tumatama sa balat ko. Lumapit ako rito para isarado.

Nang isasara ko na ito ay nakita ko naman ang isang familiar na sasakyan sa labas ng bahay namin. Tinitigan ko pa ito ng maigi para makasiguro. Hindi ba umuwi si Justin? Parang sasakyan niya kasi 'yung nasa labas. Siguro kapareho lang ng sa kanya. Kaya ipinagsa walang bahala ko na lang ito at sinara na ang bintana pati na rin ang kurtina.

Kumalam ang aking sikmura. Hindi pa nga pala ako kumakain. Siguro hindi na ako kinatok ni ate Mitch kagabi dahil na rin sa nangyari. Siguro ay may alam na siya. Nagbihis na muna ako ng pambahay at kinuha ang cell phone ko sa kama. Binuksan ko ito. Alas kwatro na pala ng umaga. Ang daming unread messages at missed calls din. Pero hinayaan ko na lang ito at pinatay na. Bumaba na muna ako para makakain. Binuksan ko ang ref kung ano ang pwedeng kainin. Nakita ko ang oatmeal kaya kinuha ko na ito saka nag init ng tubig.

Habang kumakain ako ay may narinig akong humahakbang pababa ng hagdan. Rinig na rinig talaga kapag may tumataas o bumababa sa hagdan ng bahay namin dahil sa tunog ng tsinelas. Siguradong gising na ngayon si ate Mitch para sa pagpasok sa trabaho niya.

"Ang aga mo atang nagising ngayon." ang agad na bungad nito sa akin nang makarating na sa kusina. Kumuha rin ito ng oatmeal saka nilagyan ng gatas at mainit na tubig. Tumabi ito ng upo sa akin saka kumain

"Nagutom kasi ako eh. Hindi pala ako nakakain kagabi." pagdadahilan ko sa kanya. Nailang naman ako ng titigan niya ako sa mata. Alam kong tatanungin niya na ako tungkol sa nangyari kagabi.

"Ano nga pala ang nangyari sa inyo kahapon? Hingi nang hingi sa akin ng sorry si Justin kagabi. Hindi ko naman alam kung ano ang nangyari kaya sabi ko sa kanya na wala naman siyang dapat na ihingi ng sorry sa akin. Na sa'yo dapat siya humingi ng sorry kung may nagawa man siya." natigilan naman ako sa narinig ko. Ginawa pala 'yun ni Justin kagabi. Nakita ko namang nakatingin pa rin sa akin si ate Mitch, hinihintay akong mag kwento sa kanya. Parang gusto ko tuloy ulit umiyak dahil naalala ko na naman 'yung nangyari kahapon.

"Okay ka lang ba?" concern na tanong nito sa akin. Alam kong magsisinungaling ako kapag sinabi kong okay ako at alam kong hindi naman siya maniniwala kaya sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi ako okay.

"Kung ayaw mong sabihin. Ayos lang, naiintindihan ko naman." sabi niya ulit. Siguro kailangan din malaman ni ate Mitch ang nangyari. Huminga lang ako ng malalim at kinuwento ko sa kanya kung ano ang nangyari kahapon. Mataman lang siyang nakikinig sa akin. Pagkatapos kong mag kwento ay hindi ko napigilan na umiyak. Ang sakit pala talaga. Lumapit naman siya sa akin saka niyakap. Pinasandig niya ako sa balikat niya at hinaplos ang likod ko.

"Okay lang 'yan. Okay lang 'yan." paulit-ulit niyang sinasabi sa akin para gumaan ang pakiramdam ko. "Okay lang ang umiyak, iiyak ko lang 'yan." mas lalo tuloy akong naiyak sa kanya. Ngayon lang kami naging ganito ng kapatid ko. "Hindi ko alam kung ano ang nasa side ni Justin kaya wala akong karapatan para husgahan agad siya dahil lang sa nagawa niya. Alam kong mabuti siyang tao. At wala rin ako sa pwesto mo para mag desisyon para sa'yo at sa nararamdaman mo. Nasasaktan ka kaya ganyan ang naging reaksyon mo. Pero nandito lang ako para umalalay at gumabay sa'yo. Ang tanging masasabi ko lang ay palipasin niyo na muna ang araw at pahupain ang galit at sakit saka kayo mag usap. Mahal mo siya 'di ba?" tumango ako sa kanya. Mahal ko si Justin kaya ako nasasaktan sa nasaksihan ko kahapon.

"Mag usap kayo kapag kaya mo na. Okay?" tumango ulit ako sa kanya.

"Salamat, ate." niyakap ko siya. Nahihiya man ay sinabi ko pa rin 'yon sa kanya. Ngumiti lang siya sa akin at hinagod ang likod ko. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil sa kanya.

Into You BxB (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon