CHAPTER 13
PAKIRAMDAMAN
Makiyas, Makiyas
Masayang sumalubong ang buong mag-anak ni Molavi sa pagdating ng kanyang tagapagmana't pamangkin mula sa Sinagbato.
"Labis mo akong pinasaya, anak. Isa ka nang ganap na kasapi ng Alamid at igagalang ng lahat ang iyong balatay sa dibdib." Tuwang wika ng gatpuno. Nagkatinginan ang magpinsan sa nabanggit na balatay. Ibig matawa ni Alab nang pandilatan siya ng Tagapagmana. Kanina sa kanilang pagtawid sa ilog pauwi ay binalaan na siya nitong huwag ikwento sa mag-anak ang nangyari sa Sinagbato tatlong araw na ang nakalilipas. Nang magsimula ang pagtatatu at nakita ni Kuntan ang mga karayom na inihanda ni Ka Ulan ay hinimatay ang binata at nang mahimasmasa'y kailangan pang gapusin nina Alab sa punongkahoy upang maisagawa ang ritwal. Muntik-muntikan nang dagukan ni Alab ang pinsang namumutla at pinagpapawisan ng todo habang umaaringking sa bawat turok ng karayom.
"Ang anak ko!" May luha ang mga mata ni Alisa nang salubungin ng yakap si Kuntan. "Mabuti na lamang at natapos mo na ang Huling Pagsasanay. Hindi ka ba nasaktan?" Huling-huling ni Alab ang pamumula ng pisngi ng Tagapagmana.
"Inang naman," si Aristan ang sumagot. "Ang mga Alamid ay bumabangis sa dami ng sakit na tinatanggap nila. Matuwa tayo at hindi na lampa ang kapatid ko." May panunuksong tinapik ng dalaga ang balikat ng panganay. "May handaan sa bahay. Alam mo naman si Amang..."
"Kung gayo'y tayo na!" Masayang wika ni Kuntan at sabay-sabay silang tumungo sa malaking bahay. Hindi pa sila nakararating nang sina Amila at Lin-aw naman ang sumalubong. Bagama't walang ngiti sa mga labi'y kitang-kita naman nila ang taos na bati ng Mamamana-u.
"Mabuhay ka, Tagapagmana. Sana'y paunlakan mo kami isa sa mga araw na ito at hamunin sa laban ang aking sinasanay." Gulat na napasinghap si Lin-aw sa kanyang narinig. Maging ang dalawang binata'y hindi kaagad nakaimik sa sinabi ng dating Babaylan.
"Uh...hindi sila magsinlakas, Amila." Puna ni Alab. Nakita niyang namula ang pisngi ng Tangian.
"Mas lalakas si Lin-aw kapag malalakas rin ang kanyang kalaban."
"Amila, saka na yan," tawag-pansin ni Molavi. "Naghihintay ang pagkain sa hapag-kainan." Tumango lamang ang babaylan ngunit nag-iwan ng makahulugang tingin sa lakan.
"Sandali lang," pinigilan ni Alab ang Mamamana-u at hinintay na mauna sa kanilang ang mag-anak ng gatpuno. "Nahihibang ka na ba? Hinahamon mo ang kakayahan ng isang Alamid laban sa bagong-binyag? At babae pa man din?" May galit ang tono ng boses ng Alamid ngunit hindi natinag si Amila at gamit lamang ang kanyang mga mata'y inatasan niyang kalasan ng binata ang kanyang braso. Atubiling sumunod si Alab, asar sa katotohanang mabangis pa rin ang dati niyang kaaway.
"Nakalimutan mo na yata'ng natalo ka ng isang babae noon? Minamaliit mo ang kakayahan ni Lin-aw at minamaliit mo rin ang kakayahan ko, amang. Inaanyayahan rin kitang makasanay si Lin-aw."
"At bakit ko naman gagawin iyon?"
"Dahil ibig kong makita kung kalalakihan lang ang kaya mong talunin o may ibubuga ka rin sa mga babaeng mandirigma." Kumislap ang mata ng babaylan habang nakatiim-bagang naman si Alab. Tumango ito sa kanya bago sumunod sa mga nauna. Nagkatinginan sina Lin-aw at Alab.
"Ang totoo'y wala pa rin akong maipagmamayabang kung ihahambing sa inyo ng lakan, Alab," umpisa ng Tangian. "Ngunit labis kong ikatutuwang matalo at matuto sa inyong mga kamay." Akmang hahabol si Lin-aw kay Amila nang pumihit ang Mamamana-u at harapin siya.
BINABASA MO ANG
ALAB
Historical FictionPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...