Chapter 9
KALAYAAN
Mahalaga ang araw na ito para sa mga Tangian. Sinalubong ng magandang sikat ng araw ang kanilang paglaya.
"Muli akong nagpapasalamat sa iyo, Molavi," ani Datu Lapinig. Tumango ang pinunong Pugot. "Asahan mong wala nang mamamagitang digmaan sa ating mga tribu."
"Mabuti kung ganoon. Maging kaaya-aya nawa ang inyong pagbabalik sa Kalamigo, Datu Lapinig."
"Tayo na, mga kasama!"
Nakaabang si Alab nang mag-umpisang maglakad sina Amihan at Lin-aw.
"Isa kang mahusay na mandirigma, Amihan. Ikinagagalak kong makalaban ka."
"Higit kong ikinararangal makalaban ang isang tunay na Alamid." Tumango sila sa isa't isa at naghawakan ng braso, ang kamayan ng mga mandirigma. Umismid si Lin-aw sa tabi ng kapatid.
"Tandaan mo, Alamid... Ako ang nakasugat sa iyo."
"Papaano ko makakalimutan gayong siguradong magkakapeklat ako sa braso?" Ngumisi sa kanya si Lin-aw.
"Magkikita pa tayong muli, Alab." Anunsiyo ng dalaga, bagay na pinagtakahan ng mandirigma. "Ibig akong sanayin ni Amila sa pakikidigma.."
"Talaga ba'ng hindi ka makikinig sa akin?" Yamot na tanong ng panganay sa kanya. Umirap ang dalaga at muling ibinaling ang tingin sa Alamid.
"Nakapagpasiya na ako. Magpapaalam lamang ako kina Inang bago ako bumalik rito at magsanay."
"Masyado yatang lumaki ang ulo mo ngayong magaan ang loob sa iyo ng dating babaylan." Puna ni Alab. "Naghahanap lamang ng libangan si Amila." Sa narinig ay nagkibit-balikat lang si Lin-aw.
"Sa muli nating pagkikita, Alab." May ngiti ang mga mata ng dalaga sa kanyang pamamaalam. Napailing na lamang si Amihan bago sumunod.
Maya-maya pa'y sina Tanglao naman at Damongligao ang nagpaalam sa Makiyas. Dumating ang iba pang Mamamana-ung susundo sa kanila. Nagyakapan ang mag-ina at si Liksi nama'y nagpasalamat kay Alisa sa mga pagkaing pabaon nito sa kanilang pag-uwi sa Fahiyas.
"Mag-iingat ka, Ligao." Usal ni Kuntan sa nakatatandang pinsan. Niyakap siya nito ng mahigpit.
"Tapusin mo ang pagsasanay sa Sinagbato." Tumango ang huli. Sumunod namang yumakap kay Damongligao sina Aristan at Alisa.
"Dumalaw kayo paminsan-minsan, dalhin niyo si Matanglawin," mangiyak-ngiyak na anyaya ni Alisa sa kinikilalang anak. Panghuling yumakap sa kanya ang bunsong kapatid.
"Mapayapang paglalakbay, igsuon."
"Alagaan mo ang sarili mo, Alab. Ibayong pag-iingat sa iyong kakayahan. Tandaan mo, katatapos pa lang ng iyong parusa."
"Tatandaan ko." Lumapit si Tanglao sa kanya at pinisil ang kamay niya. "Iparating niyo ang kapanganakan ng isang ito," aniya sabay turo sa tiyan ng babaylan.
"Asahan ninyo. Hanggang sa muli. Paalam."
Samantala'y nananatiling nakahawla ang mga Gamo-gamong binihag nila at halatang inggit na inggit sa paglaya ng mga Tangian.
"Alab, kami ba'y balak ring palayain ni Datu?" Anang isa.
"At bakit naman niya gagawin iyon? Kay Sumandig pa rin ang katapatan ninyo, hindi ba? Kung nagawa ninyong ipahamak ang ama ko noon, magagawa niyo pa rin ngayon sa oras na himukin kayong muli ni Sumandig. Huwag na kayong umasa pang magbabalik ang tiwala ng datu sa inyo."
"Makakawala rin kami rito, tandaan mo."
Nakatanaw sa malayo si Kuntan habang tinatawid nilang dalawa ni Alab ang ilog pabalik sa Sinagbato lulan ng bangka. Dapat sana'y masaya ang tagapagmana sa kanyang natuklasang kakayahan ngunit hindi ito nakikita ni Alab sa anyo ng pinsan. Habang tahimik na nagsasagwa'y pinagmamasdan niya si Kuntan. Ilang araw na itong tahimik at ibig mapag-isa. Di nagtagal, hindi na rin natiis ni Alab ang nakabibinging katahimikan at kinumpronta ang kasama.
"Naiwan mo ba sa Makiyas ang dila mo?" May panunukso ang boses ni Alab. Malungkot ang ngiting pinawalan ng lakan. "O baka sa Ipil mo naiwan?"
"May naiwan nga ako roon pero hindi ang dila ko."
"Ano ba talagang nangyayari sa iyo?"
"Nagtapat ako kay Heulii."
"Uh..." Hindi kaagad nakahuma si Alab sa narinig. "Si Heulii?"
"Tinanggihan niya ako," yamot na wika ni Kuntan at inip na binaling ang tingin sa daloy ng ilog.
"Baka naaawa ka lang sa kanya."
"Alam ko kung ano ang pakiramdam nang awa, Alab. Hindi iyon ang nararamdaman ko sa kanya."
"Sa tingin mo ba'y papayag si Ama'ng ipagkasundo ka sa isang manggagaway?"
"Pinipilit niyang magbago at maging mabuti..."
"Iba na lang, Kuntan," mungkahi ni Alab ngunit mapait na ngiti lamang ang sukli sa kanya ng tagapagmana.
Tuwang-tuwa si Ulan sa dalang balita ng magpinsan nang marating nila ang Sinagbato. Hindi niya maiwasang mamangha sa kakayahan ni Kuntan.
"Kahanga-hanga. Ikaw ang kauna-unahang Pugot na nakapagpalit-anyo hindi pa man nagiging ganap na kasapi ng Alamid!"
"Hindi rin po ako makapaniwala, Ka Ulan."
"Marahil ay di mo na kailangang tapusin ang pagsasanay ngayong kaya mo nang magpalit-anyo."
"Tatapusin ko po, Kaka. Kahit napili na po ako ni Gurama-un ay hindi ako magiging ganap na Alamid kung wala ang huling pagsasanay."
"Sige, ikaw ang masusunod. Gayunpama'y natutuwa na ako para sa iyo, amang." Tinapik siya ni Kuntan sa balikat bago tinungo ang sariling kubo upang mapag-isa. Napakamot-ulong luminga si ulan kay Alab. "Bakit parang hindi yata masaya ang diyaske sa kanyang kapangyarihan?"
"Ilang araw na pong bugnutin yan, Kaka. May suliranin sa puso." Napakunot-noo ang tagapagsanay. "May nakilala po kaming babae pagpunta namin sa Nimpalang na siya ngayong napupusuan ng ungas. Kaya lang, tinanggihan siya nito."
"Ano? Bulag ba ang babaeng ito? Ano pa ang hahanapin niya sa manok natin?"
"Kasapi po siya ng angkang Alilawa." Mahinang wika ni Alab. Matagal nanahimik si Ulan, halatang may alam sa nabanggit na angkan.
"Hindi sila nararapat sa isa't isa. Ang Alilawa'y mapinsalang angkan ng mga hukluban at mangkukulam. Wala silang ginawa kundi paglaruan ang buhay ng ibang tao. Mabuti naman at naisip pa nang babae ang kapakanan ni Kuntan at kusa na itong tumanggi."
"Ang totoo'y kinukupkop siya ngayon ng angkang Agapai sa Nimpalang, Kaka. Gustong magbagong buhay ni Heulii at mawala sa kanyang buong pagkatao ang minanang itim na kapangyarihan."
"Kahit ano pa'ng gawin niya'y nakagapos pa rin siya sa kanyang angkan."
BINABASA MO ANG
ALAB
Historical FictionPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...