CHAPTER 3
UNANG PANIMALUS
Hindi pa pumuputok ang araw ay nasa daan na ang pangkat ni Molavi. Mabilis ngunit maingat ang kanilang mga galaw, gaya ng isang alamid[1]. Bilang pinuno ng Panimalus, nangunguna si Molavi sa pagpasok nila sa bayan ng Iwata, may pinturang itim ang kanyang mukha't katawan maliban na lamang sa natatabunan ng salawal. Kumikislap sa maputlang sinag ng araw ang kanyang bagong hasang palakol at hindi pa man nag-uumpisa ang laba'y nagbubunyi na ang kanyang kalooban sa tagumpay na inaasam. Nag-aabang na ang grupo ni Sumandig nang bumungad sila sa sentro ng Iwata, halatang naghanda rin ang mga ito sa gaganaping Panimalus. Tiyak ni Molavi'ng hindi magpapagapi sa kanila ang tusong pinuno ng Gamo-gamo, bagkus winalang-bahala pa nito ang batas ng Panimalus. Nang makita niya ang mayabang na ngiti ni Sumandig ay kaagad sumiklab ang galit sa dibdib ni Molavi.
"Sugurin sila!" Patakbong nilang nilusob ang mga Gamo-gamo ngunit sa kalagitnaa'y humudyat si Sumandig at naglabasan ang iba pang mandirigmang nagtatago sa mga bahay-bahay na nakapaligid sa kanila. Sa isang iglap ay napalibutan ang grupo nina Molavi. Napalinga-linga ang Datu at nakita niya ang iba pang grupong nakaantabay sa mataas na bahagi ng Iwata. Ang mga umanib kay Sumandig! "Huh!" Hindi nila kakayanin ang ganito karaming kawal. Humalakhak si Sumandig at humudyat sa kanyang mga kasama.
"Ubusin sila!"
Kunot-noong pinagmamasdan ni Amihan ang labanang nagaanap sa ibaba ng Iwata. Madugo ang Panimalus lalo pa't kapwa Pugot ang magkalaban. Lihim niyang isinusumpa ang pandarayang ginawa ni Sumandig. Ang Panimalus ay sagradong digmaan, sinusunod maging ng mga gatpuno at babaylan. Dapat sana'y tinatanggap ni Sumandig ang paghihiganti sa kanila ng grupo ni Molavi. Sa ngayo'y sila ang nakalalamang laban sa naglunsad ng Panimalus. Nagkuyumos ang mga palad ni Amihan at naisin man niyang lisanin ang kinatatayua'y hindi niya magawang suwayin ang Datu Lapinig na masayang pinanonood ang away. Binulag ng matinding pagnanasa sa mina ang kanyang pinuno at masama ang loob ng binata sa pagwawalang-bahala ni Lapinig sa kanyang babala.
Maya-maya'y naramdaman ni Amihan ang kamay ng kapatid, pisil-pisil ang kanyang braso. Nilinga niya si Lin-aw at bakas sa anyo nito ang galit sa nakikitang labanan.
"Mandaraya silang lahat!" Paanas na wika ng dalaga. Iilan sa kanilang mga kasama ang nakarinig at natawa sa kanyang sinabi.
"Manahimik ka riyan at manood." Suway ni Amihan sa kapatid. Hindi nagtagal, tapos na ang Panimalus at halata kung sino ang nanalo. Nakangising itinulak ni Sumandig ang duguang katawan ni Molavi papalayo sa kanya matapos hugutin mula sa katawan nito ang kanyang sundang. Agad namang sumaklolo sa kanya ang matatapat na alagad at dahan-dahang inalalayan ang Gatpuno ng Makiyas. Ang ilan sa kanila'y sugatan rin.
"Ano pa ang mukhang ihaharap ninyo sa Makiyas?" Pahabol-kantiyaw ni Sumandig habang tanaw ang papalayong kalalakihan. Nagbunyi ang mga Gamo-gamo at nagsimulang sumayaw habang pinupugutan ng ulo ang nasawing mga kalaban.
"Hah!" Maging si Lapinig ay napatalon rin sa tuwa. "Ang magiting na si Molavi! Natalo rin sa wakas! Nakita mo na, Amihan?"
"Gaya ng sabi ninyo, Datu, hindi pa ito ang totoong labanan." Tanging wika ng binata.
Hindi pa nakakawala sa kanilang hawla ang Alamid[2].
"Makikianib tayo sa kanila?" Hindi makapaniwala si Lin-aw habang pababa na sila sa Iwata sa paanyaya ni Sumandig. "Hindi nila sinunod ang batas ng Panimalus at di sila lumalaban ng patas."
![](https://img.wattpad.com/cover/28342494-288-k421642.jpg)
BINABASA MO ANG
ALAB
Historical FictionPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...