Chapter 10: Pinagpala

716 51 3
                                    

CHAPTER 10

PINAGPALA

 

Pakiramdam ni Alab ay may humihila sa kumot niya habang nakahiga siya sa kanyang papag.  Pilit niya itong inaagaw ngunit mas malakas ang hatak ng katunggali sa kumot.  Napabalikwas ang binata at agad bumaba sa kanyang higaan.  Kahit madilim ang paligid ay alam niyang hindi siya nag-iisa.

"Magpakita ka," angil ng binata.  Maya-maya nga'y naaninag na niya ang mga dilaw na mata sa isang sulok ng silid.  Nang masanay ang kanyang mga mata sa dilim ay lumantad ang totoong anyo ng hayop sa kanyang silid.  Isang alamid, nakahiga sa sahig habang nilalaro ang kanyang buntot at katabi nito'y isang matipunong lalaking nakaluhod ang isang tuhod sa sahig.  Dahan-dahan itong tumayo at napansin ni Alab ang napakahaba nitong buhok, hanggang talampakan at nakapungos.  Walang pang-itaas na suot ang panauhin niya at nakapulang salawal ito ng mahaba.  Napalunok si Alab at unti-unting hinugot sa ilalim ng kanyang unan ang palakol.

Papaano nakapasok sa Sinagbato ang lalaking ito nang hindi namin namamalayan?

Ngumisi ang lalaki, labas ang mga pangil. 

Isa ring Alamid!

"Sino ka?"  Anang binata sabay tutok ng kanyang sandata.  Natawa ang kaharap.

"Hindi uubra sa akin ang hinagiban mo, bata."  Sa isang kumpas nga'y tumilapon ang palakol.  Napalunok si Alab.  Naramdaman kaagad niya ang kakaibang lakas na unti-unting nilalabas ng lalaki.  Umungol ang alamid sa tabi nito.  "Sa tingin mo ba'y karapat-dapat kang maging Alamid?"

"Uh..."  Nawalan ng boses si Alab nang magpalit-anyo ang kausap.  Biglang nag-init ang kanyang katawan at naghabaan ang mga kuko.  Nagpapalit-anyo rin siya!  "Anong...?"

"Halika rito."  Hindi na nagawang tumanggi ng mandirigma dahil sa isang iglap lang ay nasa labas na sila ng kanyang kubo, sa may kakahuyan at malayo sa iba pang kubo.  Gulilat na napalinga-linga si Alab, hindi makapaniwalang ganoon kabilis nilang nilisan ang kubo.  "Ngayon, ipakit amo sa aking karapat-dapat kang piliin!" 

At bago pa makahuma ang binata'y sumugod na ang lalaki gamit ang kanyang matutulis na kuko.  Sa huling sandali'y nakaiwas si Alab at gumanti ng unday gamit rin ang kanyang mahahabang kuko.  Tumawa ng malakas ang kanyang kaaway.  Nagpalitan sila ng unday, nagtagisan ng lakas at bilis sa kanilang kakayahan.  Ngunit di naglao'y batid pa rin ni Alab na mas malakas ang kanyang kalaban, bagkus, marami na siyang natamong sugat sa katawan habang patuloy lamang siyang kinukutya ng lalaki.

"Hindi mo ginagamit ang pakiramdam mo, hangal!"  Isang sipa at lumipad si Alab, tapos bumagsak ang katawan sa lupa.  Napaaringking siya sa sakit ngunit pinilit makatayo.  Sinakmal siya nito sa leeg.  "Sumuko ka na.  Hindi mo ako kayang talunin!"  Sinakal na siya nito.

"Aahhh..."  Unti-unti'y nauubusan na siya ng hininga.  Papaano kung nautas siya ngayong gabi?  Hindi na niya masasaksihan ang huling pagsasanay ni Kuntan.  Hindi na niya makikita ang kinikilalang magulang, at si Aristan.  Maging ang dating babaylan.  Hindi na niya makikilala ang sanggol na iluluwal ni Tanglao.  Hindi na rin sila magkikita ni Ligao at Matanglawin.  Kapag namatay siya ngayo'y tiyak niyang marami pa siyang maiiwang responsabilidad dito sa lupa.  Ibig niyang makita si Lin-aw habang sinasanay ni Amila sa digmaan... "Hindi!"  Nagkaroon siya ng lakas para humulagpos sa mga kamay ng kaaway at iunday ang matatalim na kuko sa dibdib ng lalaki.  "Akin ang ulo mo!"

"Argh..."  Nagulat ang kaaway sa lakas na ipinamalas ni Alab.  Napayuko siya sa kanyang dibdib, kung saan nakabaon ang mga kuko ng mandirigma at patuloy na ibinabaon.  Nagpalit-anyo ito nang hugutin ni Alab ang kanyang kuko.  Natawa ang kalaban.  Maya-maya'y naghihilom na ang sugat nito sa dibdib.

"Bathala..."  napausal ang Alamid sa kanyang nasaksihan.  Napaatras siya nang lumapit ito.

"Huwag kang matakot, binata.  Tapos na ang pagsubok at ikaw ay nagwagi."  Wala na ang bangis sa anyo ng lalaki.

"Ano'ng nangyayari, lakan?"

"Isa ka nang tunay na Alamid.  At bilang alagad ko, inaasahan kong gagamitin mo ang iyong kakayahan sa makatarungang paraan."  Tumalikod ang lalaki.

"Sandali, sino ka ba, lakan?"

"Raka!"  Tinawag nito ang alagang alamid.  "Tayo na.  Paalam, Alab."  Hindi pa man nakakahuma ang binata'y nawala na sa kanyang paningin ang mga panauhin.  Pagod na napaluhod sa lupa si Alab, pilit inaalala kung sino ang lalaki.  Matagal bago niya naisip kung sino... at napahugot-hininga siya nang maalala ang itsura ng Diyos ng Digmaan na nakaiskulto sa loob ng kubo ni Ulan.

Si Gurama-un!

"Huh!"  Napabalikwas si Alab mula sa pagkakahiga at nilinga ang paligid ng silid.  Siya lamang ang naroon, humihingal at hapong-hapo ang katawan.

Ah, isang panaginip ang lahat.  Pakiramdam niya'y totoong lahat ng naganap na away sa labas ng kanyang kubo.  Tuluyan siyang tumayo at nabigla sa panghihina ng kanyang tuhod.  Tuloy-tuloy siya sa kusina, nagsindi ng sulo at pagbaba sa batalan ay naghilamos ng tubig.  Nagulat siya nang mapansing nagkakulay ang tubig na pinambanlaw niya.

Dugo!

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon