Prologue: Pagsasanib sa Iwata

1.5K 67 3
                                    

Iwata, Makiyas

Gabi

 

 Tahimik ngunit puno ng tensiyon ang isinasagawang pagpupulong ng dalawang pangkat.  Nagkasundo ang magkabilang panig na itabi ang kani-kanilang mga armas bago pa man nagsimula ang lihim na pulong.  Ang lahat ay tensiyonado, hindi lamang sa paligid ngunit maging sa isa't isa.  Ang mga mandirigma'y nanggaling sa magkalabang tribu bago pa man sila nagkasundong magpulong laban sa iisang kaaway.

"Ang aming angkan ang may pinakamaraming kasapi sa apat ng angkan ng Pugot-ulo, Datu Lapinig."  Pagmamalaki ni Datu Sumandig.  Ang angkang Gamo-gamo ang kanyang tinutukoy at totoong sila nga ang may pinakamaraming kasapi.  Dapat sana'y sila ngayon ang may hawak sa sentro ng Makiyas ng siya namang balwarte ng angkang Lilay-an, ang may pinakamaliit ngunit makapangyarihang kasapi.  Sa kanila pinipili ang mamumuno sa buong tribu ng Pugot-ulo at sa buong lupain ng Makiyas.  Bagay na labis ikinasama ng loob ni Sumandig.

"Hindi lamang sa dami ng kasapi nasusukat ang digmaang matagumpay.  Mahalaga rin ang kakayahan ng bawat mandirigma.  Kapag kinalaban mo ang angkan ng Lilay-an, para mo na ring kinalaban ang buong tribu, hindi ba?"  Paalala ni Datu Lapinig sa kaharap.

"Maaaring tama ka, Datu.  Ngunit kapag nagkasundo tayo ngayon, malaki ang mababawas sa kanilang sandatahan.  Ang ating mga mandirigma'y malawak na ang karanasan sa pakikipaglaban."  Hindi pa rin nasisiraan ng loob ang datu.  "ibig kong mabura sa pamumuno ang angkan ng Lilay-an."

"Huwag mong kalimutang handa silang ipagtanggol ng Alamid."  Natawa si Sumandig sa narinig.  Halatang atubili pa ring makipagkasundo sa kanila ang mga Tangian.

"Kaya mahalaga sa atin ang kasunduang ito, Datu Lapinig.  Mabibilang lamang ang Alamid kung ikukumpara sa ating pinagsanib ng lakas.  Alam kong matagal mo nang nais mapasakamay ang Makiyas, Datu.  Alam kong gusto mong makuha ang aming mga mina para sa mga dayuhang mangangalakal, hindi ba?"  Matagal bago nakasagot si Lapinig.

"Bakit mo ito ginagawa sa iyong tribu, Datu Sumandig?"

"Panahon na para malaman nilang lahat na ang Angkang Gamo-gamo ang karapat-dapat na maghari sa buong Makiyas."  Pasigaw na sumang-ayon ang mga kasama ni Sumandig.  "Ang kasunduang ito ang magsisilbing hakbang para sa pagbabago.  Kapag naagaw ko na ang pamunuan sa kamay ni Molavi, marami akong babaguhin sa Makiyas.  Ikaw ang kauna-unahang makakatikim ng pagbabagong ito, Datu Lapinig.  Hindi na mahihirapan pang magmina ng ginto at pilak ang sinumang Tangian kapag napasaakin na ang pamumuno."  Bahagyang napawi ang alinlangan sa mga mata ni Lapinig at napalitan ng makahulugang kislap.  Lihim namang nagbunyi si Sumandig.  Ilang saglit na lang at papayag na ang datu ng Tangian sa pagsasanib.  Nahuli na niya ang kahinaan ng kausap.

"Maaasahan ko ba ang iyong pangako, Sumandig?"

"Magtiwala ka, Datu."

"Nakita mo ba ang mga mukha nila kanina?"  Natatawang tanong ni Sumandig sa kanyang kanang-kamay na kawal.  Tumango lamang si Kubilus habang ninanamnam ang alak na gawa sa tubo.  "Kulang na lang ay tumulo ang laway ng Tangian sa huwad kong pangako."

"Ibig niyo bang sabihi'y wala kayong balak paminahin sila sa Makiyas?"

"Bakit ko naman gagawin iyon?  Kapag napasaakin na ang buong Makiyas, sila naman ang sasalakayayin natin at aagawan ng lupain!"

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon