Chapter 15 : Taksil

878 51 3
                                    

CHAPTER 15

TAKSIL

 

Nakapangalumbaba si Kuntan sa durungawan[1] ng kanyang silid nang abutan siya roon ni Alab.  Naka-itim na salawal ngayon ang kanyang pinsan at tanging ang nakalugay na buhok ang tumatakip sa dibdib ng nakatatandang Alamid. 

"Bakit mo ako pinatawag?"  Takang tanong ni Alab sa Tagapagmana.  Tumayo si Kuntan at inayang umupo sa bangko ang kinakapatid.  Nang makaupo ang binata'y saka lamang nagsalita si Kuntan.

"May nasagap akong kwento kaninang umaga, igsuon.  May nagtataksil sa ating tribu at kumakampi sa pangkat ni Sumandig." Nagtiim-bagang si Alab, halatang hindi nagustuhan ang narinig.

"Kung ganoo'y magmamanman ako."

Napag-usapan nilang magpinsang huwag munang ipaalam sa lahat ang kanilang nalaman at minabuti nalang na mangalap ng katibayan sa tahimik na paraan.  Habang nakikipagpalitan ng balita si Kuntan sa kanilang mga tiktik ay abala naman si Alab sa pagmamasid sa kapaligiran.  Hinahanapan niya ng kakaibang kilos ang mga taong nakapaligid sa Makiyas.  Pasasaan ba't mahuhuli rin niya ang taksil sa kanilang tribu.  Marahil ay isa itong Gamu-gamong inilagay ni Sumandig sa sentro ng Makiyas upang magmanman sa kanila.  Napadpad si Alab sa masukal na parte ng gubat nang may maulingan siya sa di-kalayuan.  Tahimik niyang tinungo ang pinanggalingan ng tunog habang mahigpit ang hawak sa kanyang ginunting.  Papalapit sa kanya ang pagaspas ng mga paa at tunog ng talahib na hinahawi sa daanan. 

Sige, lumapit ka't maghihintay lang ako... 

Paupong inabangan ng binata ang papalapit.  Nang humawi ang talahib sa kanyang harapa'y akmang uunday ng taga ang Alamid ngunit naunahan siya ng gulat na sigaw.

SApo ni Lin-aw ang dibdib nang makahuma at inip na binalingan si Alab na ngayo'y tinatabi na ang kanyang sandata. Inip rin itong tumingin sa kanya.

"Bakit ka kasi nakahara sa daanan ko?"  Asik ng dalaga.  Nagtaas ng kilay ang tinanong. 

"Nasa Makiyas ka, bihag.  Daanan ko ang dinadaanan mo," paalala ng mandirigma sa kanya.  Natahimik si Lin-aw.  "Bakit ka ba naririto?  Hindi ka naman dating nagsasanay sa parteng ito, ah?"

"Tama ka, Lakan.  Nagsasanay nga ako nang may maulingan ako sa banda rito kaya hinanap ko iyon."

"May nakita ka ba?"  Napalinga-linga si Alab, naging alerto sa kapaligiran at iginala ang paningin.  Umiling lang si Lin-aw at nagsimulang maglakad palayo sa talahiban.  Sumunod si Alab, palinga-linga pa rin.  Narating nila ang malaking puno at doon sila tumigil para magpalilim.

"Bakit parang balisa ka?"  Takang tanong ng dalaga sa kasama.  Napabungtung-hininga si Alab bago sumagot.

"Makinig kang mabuti, Lin-aw," pabulong ang wika ng mandirigma, bagay na ikinaba niya.  "May nakuha kaming balita kanina lang.  May mga tauhan si Sumandig na naririto ngayon sa Makiyas."

"Ha?"  Bakas ang takot sa mukha ni Lin-aw.

"Sa palagay nami'y nagmamanman rin sila sa ating mga kilos at marahil... ipinararating ito kay Sumandig."  Napalunok ang dalaga.

"Kung ganoo'y dapat tayong maghanda sa kanilang pag-atake, Alab."

"Tayo?"  Bahagyang natawa si Alab.  "Nagsasanay ka pa, Lin-aw.  Hindi kita papayagang sumabak sa laban sakaling maglunsad muli ng digmaan si Sumandig."  Si Lin-aw naman ngayon ang natawa sa narinig.

"Hindi mo na ako bihag, Alamid.  Malaya akong magpapasiya sa lahat ng aking gagawin."

"NAsubukan mo na bang makautas ng kalaban?"

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon