Chapter 20: Kanlungan

1.1K 46 8
                                    

Chapter 20

Kanlungan

Hindi malaman ni Kuntan ang gagawin habang lulan ng mahabang bangkang magtatawid sa kanila sa Sinagbato.  Yakap-yakap ni Alab ang asawa habang nakasandal ito sa kanyang bisig at masayang pinagmamasdan ang ilog.  Sa kabilang dako nama'y sinlamig ng tubig-ilog ang turingan nina Amila at Ka Ulan.  Sabay ikinasal ni Molavi ang dalawang pares, ilang linggo matapos ang matagumpay na Panimalus.  Sino'ng mag-aakalang nabihag ng Babaylan ang pinakamabangis nilang pangulo sa Sinagbato?  At kung ituring nito si Ulan ay masahol pa sa alipin.  Kinakausap lamang nito ang Alamid kung kinakailangan.  Lihim na pinagmasdan ni Kuntan si Ulan.  Malayo ang tingin nito, wari'y iniiwasang makita ang lampungan nina Alab at Lin-aw.  Panaka-naka'y sinusulyapan niya ang bagong kabiyak, at nahuhuli ni Kuntan ang ngiting sumisilay sa labi ng Alamid.  Alam niya ang pakiramdam na ito, dahil siya ri'y kasalukuyang umiibig sa babaeng kay hirap abutin.  Siniko niya ang patpating katabi.  Kagaya niya'y tahimik lang si Sumiklab.

"Handa ka na ba'ng magsanay?"  Pabiro niyang tanong sa bata.  Sinalubong siya nito ng  seryosong tingin.

"Opo."

"Maligayang pagdating sa Sinagbato,"  ani Ka Ulan nang marating nila ang isla.  Kaagad ginala ng mga babae ang paningin sa bago nilang tirahan, ang bantog na isla ng mga Alamid.  Lumapit si Sumiklab sa nakatatandang mandirigma.

"Magmula ngayo'y kayo na ang ituturing kong ama, Ka Ulan."   Napatda ang lahat sa narinig.  "Sana'y matuwa po kayo sa akin."

Napangiti si Ka Ulan sa huling sinabi ng bata.  Inabot niya ang kamay ni Sumiklab at inakay itong lumakad sa tabi niya.  Nahuli niya ang ngiting ipinukol ni Lin-aw sa kanya... at ang kakaibang titig mula sa Babaylan.

"Alab,"  tawag pansin ni Kuntan sa pinsan.  Kitang-kita niya ang pagbabago sa anyo ng kapwa Alamid.  Ang totoo'y abo-langit ang inggit na nararamdaman niya ngayon kay Alab.  "Natatandaan mo pa ba'ng sinabi mo noong kasing-gulang pa tayo ni Sumiklab at namimingwit sa ilog?"  Natawa si Alab, napailing-iling sa alaala.

"Bakit, ano'ng sabi niya?"  Si Lin-aw ang sumabat nang tabihan sa paglalakad ang asawa.

"Ibig niyang maging mahusay na Alamid at pakakasalan ang pinakamagandang Pugot sa buong Makiyas," sagot ni Kuntan.  Muli silang nagkatawanan.

"Kaya lang, may isang kilos-lalaking dilag ang dumating sa Makiyas at kinulit ako."

"Ikaw ang nagdala sa akin sa Makiyas," siko ni Lin-aw sa Alamid.

"At hindi-hindi ko pinagsisisihan iyon."  Puno ng pagmamahal ang tinging ipinukol ni Alab sa kabiyak.

 Lihim na pinisil ni Lin-aw ang bisig ng Alamid, at sinuklian niya ito ng mapagmahal na ngiti.

Wakas ....  4/29/15

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon