Chapter 17
Bagsik
Natatawang binali ni Kubilus ang palasong tumusok sa kanyang kaliwang balikat habang hinihintay ang mga taong tumutugis sa kanya. Kanina'y marami silang humahabol sa kanila ni Bungayog, ngunit nadapa ang matanda, nahuli ng mga mandirigma. Alam niyang nasundan pa rin siya ng kalaban, ngunit iilang yapak na lang ang kanyang narinig. Minabuti niyang harapin ang mga ito.
Tahimik na lumantad mula sa hitik na kakahuyan ang dalawang mandirigma, nakatuon sa kanilang hinahabol ang mga sandatang dala. Natawa ng malakas si Kubilus habang sapo ang balikat na dumudugo.
"Kung alam ko lang na kayo ang humahabol sa akin... hindi na sana kayo humihinga ngayon," pagmamaliit ng Gamu-gamo sa dalawa.
"Kung alam ko lang na matagal ka palang mautas, dinagdagan ko pa sana ang mga palasong pinawalan ko sa ere," balik-ganti ni Amila.
"Marami na akong Mamamana-ung napugutan ng ulo, Babaylan. Isasama kita sa kanilang bilang." Hinugot ni Kubilus ang kanyang itak at nakipagtutukan ng armas sa mga babae. Napansin kaagad ni Lin-aw ang maitim na likidong nakabalot sa itak ng kalaban.
"Nagpapatawa ka ngunit walang tumatawa," anang babaylan.
"Ang walang-buhay ninyong katawan ang pagtatawanan ko pagkatapos ng laban."
"Mag-iingat ka, Bae. May lason ang kanyang hinagiban," ani Lin-aw. Saglit na nagtitigan ang tatlo. Pagkuwa'y sabay-sabay silang umunday ng saksak.
"Naaamoy ko ang babaylan," wika ni Ka Ulan habang patakbo nilang sinusuyod ang kagubatang nabanggit ni Mais. Nakapalit-anyo silang dalawa upang mabilis na mahanap ang kababaihang humabol kay Kubilus. Itinuro niya ang direksyon sa kapwa Alamid.
"Magmadali tayo, Kaka!"
Humihingal na ang tatlong nagpapalitan ng unday habang patuloy ang labanan.
Nanghihina na si Amila dahil matagal na rin siyang hindi nakasali sa digmaan matapos siyang ipagkasundo kay Molavi. Itinatago rin niya ang natamong sugat mula sa itak ni Kubilus.
Nanghihina na si Lin-aw. Malakas ang kalaban kahit pa may sugat ito. Nangangalay na ang braso ng dalaga... ngunit wala siyang balak tumigil hangga't buhay ang kalaban. Kailangan lamang niyang iwasang masugatan ng itak ni Kubilus.
Makirot na ang sugat ni Kubilus. Ramdam na rin niya ang panghihina sanhi ng dugong nawala sa katawan. Ngunit, wala siyang balak itigil ang laban at sumuko. Alam niyang isa sa kanila'y nahagip ng kanyang itak ngunit mabibilis kumilos ang mga babaeng mandirigma. Hinihintay na lang niyang tumalab ang lason sa katawan ng isa sa mga kalaban.
Nagpaikot-ikot silang tatlo, hinihintay ang tamang panahon para mapuruhan ang kalaban. Malahayop ang ngisi ng Gamu-gamo sa kababaihan.
"Aaminin ko, napahanga niyo akong dalawa sa labang ito. Hindi ko inasahang mahihirapan akong patumbahin kayo gayong bihasa na akong makipagdigma sa Mamamana-u, Babaylan." Habang nakatutok kay Amila ang sundang, binunot naman ni Kubilus ang palakol mula sa sinturon at itinutok ito kay Lin-aw. "At ikaw, kapatid ni Amihan, noong una'y nagkukumahog kang pantayan ang kapatid mo. Ngunit ngayo'y kagiliw-giliw ka!"
"Bakit kailangan mong patayin si Daling?" Tanong ni Lin-aw.
"Sagabal lamang siya sa daan ng tagumpay."
BINABASA MO ANG
ALAB
Historical FictionPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...
