Chapter 11: Sa Kamay Ng Mamamana

847 57 0
                                    

CHAPTER 11

SA KAMAY NG MAMAMANA

 

Makiyas, Makiyas

Sumailalim kaagad sa matinding pagsasanay si Lin-aw nang makabalik sa bayan ng Makiyas.  Hindi niya akalaing napakahirap pala kumpara sa dati niyang pagsasanay lalo pa't isang Mamamana-u ang kanyang tagapagsanay ngayon.  Sa tuwing nagkakamali siya ng galaw ay nakakatikim siya ng palo sa kamay mula sa patpat na hawak ni Amila.  Ngunit wala siyang balak sumuko at umuwing talunan.  Ipakikita niya sa lahat na kaya rin niyang maging isang mahusay na mandirigma.  Walang araw na hindi siya nag-aral sa paghawak ng mga sandata at paggamit sa kanyang mga paa't kamay.  Sa mga panahong wala siyang pagsasanay ay ginugugol naman niya ang oras sa paninilbihan kay Amila.

"Sino ba kasi ang pinaghahandaan mo?"  Minsa'y naitanong ni Aristan sa kapwa dalaga nang ayusin nito ang kanyang buhok sa balkonahe ng kanilang bahay.

"Si Amihan."  Walang gatol ang sagot ni Lin-aw.  Kunot-noong napalingon ang prinsesa sa kanya.

"Bakit?  May balak ka ba'ng kalabanin ang kapatid mo?"

"Patutumbahin ko pa!  Makikita niya kung ano ang kaibahan ng mga mandirigmang babae."

"Sa huli'y hindi ka pa rin niya maiintindihan, Lin-aw," ani Amila na nasa bangko at pinapaypayan ng abaniko ang sarili habang nakadungaw sa ibaba ng bahay.  "Hindi likas sa inyong tribu ang magkaroon ng babaeng mandirigma.  Kayo'y hinuhubog para maging ina, asawa at tagapamahala ng tahanan."

"Kaya kaming kababaihan rin ang unang nauutas sa mga digmaan dahil mangmang kami sa pakikipaglaban."  Sagot ng dalaga.  "Ibig kong maipagtanggol ang aking mga anak at tulungan ang aking mga kasama sakaling may dumating na kalaban.  Hindi ko masisikmurang mamatay nang walang kalaban-laban, babaylan.  Naniniwala akong kakayanin namin maging mga mangungubat kung bibigyan kami ng tamang pagsasanay."

"Minamaliit mo ang inyong mga mandirigma, Lin-aw.  Malakas na tribu ang Tangian at mahuhusay ang inyong mga kawal."  Paliwanag naman ni Aristan.  "Kaya nila kayong ipagtanggol.  Bakit mo pa nanaising harapin ang tiyak na kamatayan kung gayong maaari ka namang manatili sa bahay at mabuhay ng payapa?"

"Nagagapi rin ang malalakas na tribu, dayang.  At saka, iba ang landas na gusto kong tahakin, Aristan.  Ito ang landas na ngayo'y tinatahak rin ng iyong kapatid, ni Alab, at ni Amihan.  Ang maging isang ganap na mandirigma'y labis kong ikatutuwa kapag natupad.  Kaya puspusan ang aking pagsasanay."

"Itinuturo mo ba ito sa kanya, Bae?"  May halong pagkabahala ang boses ng prinsesa.  Natawa ang dating babaylan.

"Nakatatak na ito sa kanyang diwa.  Kaya marahil madali niyang natutunan ang pagsasanay."

"Huwag mo nang guluhin ang isipan mo, prinsesa.  Ito ang pinili kong landas.  Ikaw man ay may landas ring tinatahak ngayon.  Hinuhubog ka para maging karapat-dapat sa lakang mapipili ng iyong mga magulang.  Nasasangkot ka rin sa isang pagsasanay."

"Ngunit ang pagsasanay ko'y upang mapanatili at madagdagan ang buhay."

"Ganoon din ang ginagawa ko."

Kinagabiha'y naupo sa batuhan ng ilog si Lin-aw, nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang mga bituin.

"Lin-aw..."  Napalinga ang dalaga sa boses mula sa kanyang likuran.  Naroon si Aristan, kasama ang dalawa sa kanilang mga alipin.  "Mainit kasi kaya naisipan kong maligo muna sa ilog.  Ano'ng ginagawa mo?"  May ngiti ang labi ng prinsesa.  Hanggang ngayo'y hindi pa rin makapaniwala si Lin-aw na naging kaibigan niya ang isang mahadlika at dating itinuring na kaaway.

"Wala, nagpapalipas lang ng gabi.  Hindi pa ako inaantok, eh."  Tumango si Aristan at maya-maya pa'y nakalublob na ito sa tubig habang hinuhugasan ng kanyang mga alipin ang kanyang mahabang buhok.

"Wala ka ba'ng naiwan kasintahan sa inyo, Lin-aw?"  Basag ng dalaga sa katahimikan.  Napangising-irap si Lin-aw sa tanong.

"Ako?  Sino namang manliligaw sa ayos kong ito?"  Nagtawanan ang dalawang alipin.

"Kung mag-aayos ka lang, tiyak maraming magkakagusto sa iyo.  Kung natatandaan ko'y halos lumuwa ang mga mata nina Kuntan at Alab noong pinahiram ko sa iyo ang aking damit, hindi ba?"

Nag-init ang pisngi ni Lin-aw sa alaala.  Mabuti na lang at medyo madilim ang paligid kaya hindi gaanong napansin ng kanyang kausap ang pamumula ng kanyang pisngi.

"Uh, siguro'y nabigla lamang sila sa ayos ko nang gabing iyon."

"Sa palagay ko'y mas mabibighani ang mga binata kung mag-aayos ka nang ganoon araw-araw."  May panunuksong wika ng prinsesa.

"Magiging sagabal lamang sa aking pagsasanay ang baro't saya, Aristan."

"Hay, naku...pagsasanay na naman ang narinig ko mula sa iyo.  Wala ka bang balak mag-asawa?  Magkaanak?"

"Saka na lamang ang mga ganyang bagay kapag naabot ko na ang aking pangarap."

"Papaano kung bigla kang napaibig?  Papaano mo ito isasabay sa iyong pagsasanay?"  Taimtim na nagpasalamat sa kadiliman ng gabi si Lin-aw at hindi napansin ng princesa ang pamumula ng kanyang pisngi.

"Ha!  Wala akong ibang iniisip ngayon kundi ang aking pangarap." 

"Nagsasalita ka kaagad ng tapos."  Kutya ng princesa.  "Hindi natin hawak ang kapalaran.  Kapag tumibok ang puso'y hindi mo na ito mapipigilan.  Maraming lalaking kaya kang paibigin, Lin-aw.  Tandaan mo ang sinabi ko.  Ang kapatid ko at si Alab ay matitinik sa babae."  Muling napabungisngis ang mga alipin ng prinsesa.  "Malay mo, isa sa kanila'y matipuhan ka sa oras na inayos mo ang pananamit mo?"

"Huwag mo nga akong tinutukso sa kanila, dayang.  Kahit pa magkilos babae ako'y hindi ako matitipuhan ng mga iyon at saka ang paghanga ko sa kanila'y gaya ng paghanga ng isang bagitong kawal sa magiting na mandirigma."

"At saan ba nagsisimula ang malalim na paghanga?  Gaya ng sinabi ko'y huwag ka munang magsalita ng tapos."

Tahimik lamang ang dalagang Tangian.  Papaano nga kaya kung dumating ang sandaling iyon?

Kinaumagaha'y bumabagabag pa rin sa kanyang isip ang tanong ni Aristan.  Pilit itong inalis ni Lin-aw sa kanyang isip habang nagsasanay siyang gumamit ng kampilan.  Nakamasid sa kanya ang Mamamana-u at masusing pinag-aaralan ang kanyang bawat galaw.  Ibig ni Amila'ng masanay siyang humawak ng mabibigat na sandata at matutunan niya ang iba't ibang paraan sa paghawak at paggamit nito.

Ang kapatid ko't si Alab ay matitinik sa babae....  Naglalaro pa rin sa kanyang isipan ang sinabi ng prinsesa.  Napahinto si Lin-aw sa ginagawa at napabuntunghininga ng malakas.

"Kanina ko pa napapansing iba ang galaw mo kumpara sa mga nagdaang araw.  May dinaramdam ka ba?"  Putol ni Amila sa katahimikan.  Umiling ang huli, hindi makatingin ng diretso sa tagapagsanay.  Matinis ang tunog ng kampilan ni Amila nang hugutin niya ito mula sa kanyang sakuban.  Napalingon si Lin-aw at nagulat nang biglang umatake sa kanya ang dating babaylan. 

"Ahh!"  Mala-halimaw ang sigaw ng Mamamana-u habang inuunday nito ang kanyang sandata.  Mabilis na napaatras si Lin-aw, sinasangga ang bawat hagupit ni Amila sa kanyang sandata.  Nakabibingi ang tunog ng nagsasalpukang metal.  Kinabahan si Lin-aw nang makita ang kakaibang bangis sa mga mata ni Amila.  Parang gusto siyang tapusin nito.  Gamit ang natutunang teknika, mabilis niyang naiilagan ang mga unday ng Mamamana-u at gumaganti rin siya ng unday sa kanyang tagapagsanay.  Sa huli'y natalo pa rin siya nito nang tumalsik ang kanyang kampilan at naitutok ng babaylan ang sandata sa kanyang dibdib.  Pahingal na napaluhod si Lin-aw matapos ibalik ni Amila sa sakuban ang armas.

"Kung may bumabagabag sa isip mo'y huwag na muna nating ituloy ang pagsasanay, Lin-aw."  Malamig ang boses ni Amila nang muling magsalita.

"Patawad po, Bae..."  Ni hindi siya nilingon ng Mamamana-u.

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon