Chapter 2 Panata ng Isang Anak

1K 57 1
                                    

CHAPTER 2

PANATA  NG  ISANG  ANAK

Kalamigo, Bayan ng Pastal

 

Tahimik na hinahasa ni Amihan ang kanyang mahabang sundang nang lapitan siya ng kanyang nakababatang kapatid.  Kagaya ng dati'y nakasuot-panlalaki na naman si Lin-aw.  Marami sa kanilang mga ka-tribu ang nagtataka sa ayos ng dalaga.  Mas ibig nitong magsuot ng salawal kaysa sa pantapis na kung tawagin nila'y kumut.  Ang pang-itaas na saplot na sariling gawa ng dalaga'y istilong panlalaki rin maliban na lamang sa nakabutones na harap at hanggang sikong manggas.  Maging ang kanyang buhok ay laging nakapungos o nakatago sa purong.  Tuloy' sa gulang nitong labinwalo, kung saan ang kanyang mga kaedad ay nagbibilang na ng anak, ay dalaga pa rin si Lin-aw at walang mga magulang nagnanais ipagkasundo ang kanilang anak sa kanya.

"Hoy, Amihan."  Masiglang bungad sa kanya ni Lin-aw.  May malaking ngiti sa labi ng kapatid.  Inip na hinarap ng mandirigma ang huli.  "Napapayag ko na si Apo Maigo."

"Napapayag saan?" 

"Sasama ako sa digmaang sasalihan ninyo."  Tuwang balita ni Lin-aw.  Kaagad uminit ang dugo ni Amihan sa narinig.  Nang mamatay sa labanan ang kanilang ama't muling nag-asawa ang kailang ina'y itinuring na silang mga tunay na anak ni Maigo, dating mandirigma ng kanilang sandatahan bago pa man ito masugatan sa tuhod na siyang ikinabaldado nito. Ang amain ay naging mabuting ama sa kanila.  Maging ang kakaibang kilos ni Lin-aw ay pinalampas lamang ni Maigo.

"Talaga ba'ng sinusubukan mo ako, Lin-aw?"  Galit na tanong ng binata.  Napalis ang ngiti sa labi ng kapatid.

"Bakit ba?  Marunong naman akong makipaglaban ah?"

"Walang puwang ang babae sa digmaan."

"Mali ka, Amihan.  Kababaihan ang bumubuo sa sandatahan ng Mamamana  at mahuhusay silang makipaglaban.  Sa katunaya'y hinahangaan ko sila."

"Nasa kinaiyahan[1] nila iyon.  Isa pa, pagtatawanan ka lang ng kalalakihan kapag nakita ka nila."  Sa narinig ay umismid lamang ang dalaga.

"Hindi ako natatakot kutyain ng mga tao dahil alam kong wala akong ginagawang masama.  Ang lahat ng ito ay para kay Ama."

"Tumigil ka na sa kahibangan mo, Lin-aw."  Diin ng kapatid bago pa man siya nito tinabig sa balikat at iwanan.

"Gusto mo ba'ng mapahamak ang kapatid ko, Apo?"  Halos isigaw ni Amihan ang tanong sa amain. Lumabas mula sa kusina ng kubo ang kanyang ina at pinukulan siya nito ng masamang tingin. "Isa ka pa, Inang."  Paninisi ng binata bago muling ibinaling ang tingin sa amain.  Mataas ang paggalang niya kay Maigo bilang kapwa mandirigma at tumatayong ama nilang magkapatid.  Sa buong buhay ng binata'y ngayon lamang niya ito pabalang na kinausap.  "Alam mong mag-aalala ako sa kanya at hindi ko siya itutulak sa panganib."

"Napakabuti mong kapatid, Amihan."  Wika ni Maigo nang may ngiti sa labi.

"Sinisikap ko po, Apo.  Bawiin niyo ang permiso ninyo kay Lin-aw."  Umiling si Maigo.

"Hindi ko ito maaaring gawin, anak."

"Ngunit hindi siya nababagay sa digmaan!"  Bumakat ang ugat sa noo ni Amihan nang ipagdiinan niya ang kanyang punto sa amain.  "Babae siya!"

"Walang kinalaman rito ang kanyang kasarian.  Hindi ko siya pinigilan sa kanyang pagnanais makasama sa digmaan sa dahilang nakikita ko sa kanya ang dugong mandirigma na namana ninyo sa inyong nasirang ama.  Araw-araw kung siya'y magsanay at mahina lamang siya sa iyong paningin dahil iyon ang paniniwala mo."

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon