CHAPTER 14
HAGUPIT NG MGA DIYOS
Dumaan sa Tinam-an ang dalawang mandirigma kasama ang dalawa pang aliping nagbitbit ng mga alay para sa Agapai. Magalang silang binati ng mga Kaminos na abalang nagtatanim ng palay. Salungat naman ang ginawa ng mga Gamo-gamo nang dumaan ang nga Alamid sa kanilang bayan. Masama ang tingin nila sa mga manlalakbay dahil sa hidwaang naganap sa pagitan ng mga angkan. Nagtaas lang ng kilay si Alab, buo ang loob habang taas-noong dinaanan ang Iwata tungong Pastal.
Halos tanghali na nang marating ng mga binata ang Kalamigo na siyang centro ng Pastal. Nagulat ang mga Tangian at napaatras nang lakarin ng mga Pugot ang daan ng kanilang bayan. Dahil nakasaplot pang-itaas ang mga Alamid, hindi kapansin-pansin ang kanilang mga balatay sa katawan, ngunit nang maulingan nilang nagsisimula nang mag-umpukan ang mga kalalakihang Tangian, bitbit ang kanilang mga armas, hinubad na ni Alab ang kanyang kanggan at sumunod ang pinsan. Natigagal ang iilan sa nakitang tatu sa katawan ng mga dayo at napahugot-hininga nang makilala kung saang angkan sila napapabilang.
"Wala kaming masamang balak. Nais lang naming matunton ang bahay ni Amihan," ani Kuntan.
"Lakan, maligayang pagdating sa Kalamigo." Nakilala nila ang bumati bilang isa sa mga naging bihag nila noon. "Ihahatid ko kayo sa bahay ni Amihan."
"Salamat," mahinahong wika ni Alab. Bakas sa mga naroon ang duda at takot kaya hindi na kailangan pang bumunot ng sandata nina Kuntan. Nagulat si Amihan nang lumantad sa kanila ang mga Alamid.
"Ano'ng masamang hangin ang nagtulak sa inyo rito?" Takang tanong ng mandirigmang Tangian. Nang may maalala'y nagbago ang anyo ng binata. "May nangyari ba kay Lin-aw?"
"Isa-isa lang ang tanong, dating bihag," natatawang wika ni Kuntan. "Walang masamang nangyari sa kapatid mo."
"Pananamit niya lang ang nagbago. Magaspang pa rin ang ugali ng paslit na iyon," dagdag naman ni Alab. Halatang nakahinga nang maluwang ang binata. "Napadaan lang kami rito upang magpahinga ng kaunti bago tumulak patungong Nimpalang." Makahulugang tumingin si Alab sa pinsan. Napangisi si Amihan, nakuha kaagad ang pakay doon ni Kuntan.
"Ibang klase ka ring pumili ng babae, lakan. Halikayo at tumuloy sa aming bahay." Inaya niyang pumasok sa bahay ang dalawa, bagay na labis ipinagtaka ng mga magulang ni Amihan. Nang makita ni Maigo ang mga balatay sa katawan ng mga binata'y halos mahulog siya sa kanyang kinauupuan. "Huwag kayong mabahala, Apo. Sila'y dating kaaway at ngayo'y kaibigan. Ang lakang Kuntan, tagapagmana ni Datu Molavi." Magalang na yumukod ang lakan sa matatanda. "Ang kasalukuyang hinahangaang mandirigma ni Lin-aw, si Alab. Siya'y pinsang-buo ng lakan."
"Nagawi kayo rito sa amin, mga amang?" Alangang tanong ng ina ni Amihan.
"Magpapahinga lang po kami sandali bago tumuloy sa Nimpalang, Bae." Namula ang pisngi ng matanda sa magalang na pangalan. "Kung hindi ninyo mamasamain, nais po naming painumin ng tubig ang aming mga aliping kasama." Kaagad namang tumalima ang ina ni Amihan at binigyan ng tubig ang mga alipin.
"Ano na ang lagay ni Lin-aw, mga binata?" Urirat ni Maigo sa mga dayo.
"Nasa pangangalaga siya ngayon ng Mamamana-ung asawa ng aking ama," sagot ni Kuntan. "Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang kami'y nagsanay sa kanilang paanyaya."
"Uh, ang lakas ng loob niyang hamunin ka, Kuntan. Pati ba si Alab, hinamon rin ng aking magaling na kapatid?" Hindi makapaniwala si Amihan sa kanyang narinig.
"Sa Katunaya'y may mga sugat kaming natamo mula sa kanyang pantabas." Ani Alab. "Hinahasa ngayon ni Amila ang kanyang tulin at pakiramdam."
"Nagagalak ako at mabuti naman ang kanyang kalagayan sa inyong bayan, mga amang. Matutupad na rin ang kanyang hangaring maging isang mahusay na mandirigma, kagaya ng kanyang nasirang ama."
BINABASA MO ANG
ALAB
أدب تاريخيPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...