Chapter 18
Kasingkasing
Malalim na ang gabi ngunit gising pa ang magkasintahan habang magkatabi sa higaan ng Alamid. Nakaunan sa kanyang braso ang ulo ni Lin-aw, nakayapos naman sa kanyang dibdib ang isang braso nito, at nakadantay ang binti sa kanyang binti. Panaka-naka'y humihinga ng malalim ang dalaga, halatang tutol sa pakiusap ni Alab.
"Wala ka ng kailangang patunayan, Lin-aw," masuyong wika ng Alamid habang hinahagod ang likod ng katipan. "Hayaan mong gawin naming kalalakihan ang paghahanap kay Sumandig. Isa pa'y kailangan ka ni Amila."
"Alam ko ito, Alab. Nanghihinayang lamang ako sa pagkakataong makapaglakbay sa ibang pook at higit pa rito'y makasama kayo sa pagsupil kay Sumandig."
"Kapag natapos na ang gulo'y maaari na tayong maglakbay kung saan mo maibigan. Ngunit hihingin ko muna ang kamay mo sa iyong mga magulang." Sa narinig ay nag-angat ng ulo si Lin-aw, bakas sa mga mata ang tuwa. Pagkuwa'y muli siyang umunan sa braso ng Alamid.
"Matulog na tayo."
Nagising na si Amila at matamang tinititigan ang Alamid na nakasandal sa durungawan at naka-krus ang mga braso sa dibdib. Mahina pa ang kanyang katawan sanhi ng lason ngunit alam niyang ligtas na siya sa panganib. Gumanti ng titig ang nagpakilalang Ulan, pinuno ng angkang Alamid at nakatira sa Sinagbato.
"Maraming salamat sa iyong alalay," mahinang wila ng Babaylan. Tumango lang si Ka Ulan, nilihis ang mga matatalinong mata at tumingin sa labas ng durungawan. "Bakit ikaw ang naririto, Alamid?"
"Dahil ang tagasilbi mo't tagasunod ko'y nagkakamabutihan na. Wala na tayong puwang sa kanilang isipan ngayon." Sa unang pagkakatao'y lumihis ang mga mata ng dating pinuno ng Mamamana. Sinikap niyang tumayo ngunit wala pa siyang lakas. Akmang tutulong si Ka Ulan ngunit matalim na tingin ang inabot niya, kaya bumalik na lamang siya sa dating pwesto, may ngiti ang mga labi. Mas lalong nairita si Amila.
"Nakakatawa ba ang ayos ko?" Angil ng Mamamana-u. Matagal bago siya nilinga ng Alamid. Dilaw ang mga mata nito.
"Natutuwa ako't nakilala ko ang kaisa-isang anak ng mamamatay-datu'ng si Viscaya. Ikatutuwa ko'ng makilala ka ng lubusan, Amila."
"Makakaalis ka na," malamig na atas ng babaylan. Pabirong yumukod si Ka Ulan sa kanyang harapan bago tuluyang nilisan ang bahay. Nang maramdaman niyang nag-iisa na lamang siya, sinapo ni Amila ang kumakabog na dibdib. Labis siyang nasaktan sa huli niyang pag-ibig at nakapinid na ang kanyang puso sa sinumang magbabalak pumasok rito.
Kinabukasa'y piling-pili ang kalalakihang sasama sa Nimpalang upang hanapin si Sumandig. Lima lamang silang tutulak sa bayang nabanggit ni Su-ama upang hindi gaanong matiktikan ng kalaban ang kanilang kilos. Maliban sa mga laka'y kasama sina Valis, Mais at ang pinakamahusay nilang tiktik na si Dahongpalay sa naatasan ng Datu sa misyon. Tahimik ang pag-alis ng mga mandirigma, walang nagawa ang kababaihan kundi tanawin na lang ang papalayong mga anyo mula sa bintana ng bahay ni Molavi.
"Manalig tayo sa kanilang kakayahan," usal ni Molavi, malakas ang buntunghininga. Napasigok si Alisa ngunit pinigilan ang sarili. Palihim namang nagmasid si Amila sa alaga. Tahimik lang sa sulok si Lin-aw, may dasal na sinasabi. Maya-maya'y naulingan nila mula sa ibaba ang pagdating ng Alamid. Inanyayahan siyang makapanhik sa balay ng Datu. Nakatuon kaagad ang tingin ni Ka Ulan sa babaylan. Umirap ang huli, halatang hindi nagustuhan ang pagdating ng lalaki.
"Halika, Ulan," tawag ni Molavi. "Panatagin mo ang loob nitong ina ng iyong mga kasaping Alamid." Napangiti si Ulan at nagbigay galang sa asawa ng Datu.
BINABASA MO ANG
ALAB
Исторические романыPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...