Chapter 6: Ikalawang Panimalus

1K 49 6
                                    

CHAPTER 6

IKALAWANG PANIMALUS

 

Makiyas, Makiyas

Araw ng Panimalus

 

Hindi pa lubusang sumisikat ang araw ngunit handa na ang mga Pugot sa digmaan.  Maliban sa mga Alamid, kumpleto sa balute ang katawan ng mga mandirigma at bagum-bago ang kanilang mga armas.  Nakukulayan ng samot-saring pintura ang kanilang dibdib, mukha at braso.  Si Alab at Arnis ay naglagay ng itim na kulay sa kalahating mukha at pula naman sa kabila.  Bilang pinuno'y puti at dilaw ang kulay na ipininta ni Kuntan sa kanyang mukha.  Nilinga niya ang katabing pinsan.  Nakalugay ang mahaba nitong buhok na siyang lalong nagpabangis sa anyo ni Alab.  Hindi nagkamali si Kuntan nang piliin niya bilang pinuno ng Panimalus si Alab.  Nakita niya sa mga mata ng kanyang mga mandirigma ang paghanga sa Alamid at sa pagkatao ni Alab. 

Nasa kamay ko ang aming panalo... Usal ni Alab sa sarili.  Gurama-un, makinig ka!  Gabayan mo ako tungo sa tagumpay.  Kanina'y hiningi sa kanya ng ama ang pangakong gagabayan niya si Kuntan at hindi naman nag-atubili sa kanyang sagot si Alab.

"Narito na ang mga Mamamana-u!"  Patakbong ibinalita ni Valis sa pinuno ng Panimalus ang mga dumating.  Sa narinig ay sabay-sabay pumihit ang mga mandirigmang Pugot upang saksihan ang pagpasok ng mga babaeng mandirigma sa Makiyas.  Marami ang sumama sa kanila, halatang atat na ring makipagdigma.  Bitbit nila'y naghahabaang pana at sibat, nakamamatay na mga palaso at kampilan.  Nangunguna sa kanilang pangkat sina Damongligao at Liksi.  Napanganga ang mga kalalakihan sa bagong dating.  Sa unang pagkakatao'y magkakampi sila sa labanan.

"Damongligao, bakit ka naririto?"  Hindi makapaniwalang wika ni Alab nang salubungin ang mga bagong dating.

"Hiningi ko kay Tanglao ang araw na ito."  Bagamat matagal nang hindi sumasali sa digmaan ang panganay na kapatid, batid ni Alab na sariwa pa rin kay Damongligao ang pagiging magiting na mandirigma.  Tinapik niya ang balikat nito at pininturahan ng pula ang noo ng kapatid.  "Ibig ko ring ipaghiganti ang ating Ama.  Kuntan, matagal na rin nang huli tayong magkita."  Bati niya sa pinsan bago sila nagyakapan.

"Nagagalak ako sa inyong pagdating, Ligao."  Nangatal ang boses ni Kuntan at nangilid ang luha, bagay na itinukso sa kanya ng magkapatid.  Ipinakilala nila ang tagapagmana kay Liksi.

"Darating rin ang araw na ikaw ang mamumuno sa digmaan."

"Salamat sa tulong ninyo."

"Magbigay daan para sa Datu Molavi."  Anunsiyo ng isa sa mga kawal.  Tumambad ang ilang kalalakihan, akay-akay si Molavi.  Kaagad lumapit at yumapos si Damongligao sa ama.

"Ligao?  Panginoon!"  Laking tuwa ng datu.  "Mabuti at sumama ka."

"Ipinararating ni Tanglao ang kanyang dasal sa ating tagumpay."

"Mga kasama!"  Tawag-pansin ni Molavi sa kanyang nasasakupan at sa mga Mamamana-u.  "Ipagdasal nating lahat na sana'y kasiyahan tayo ni Bathala sa ating Panimalus.  Huwag nating kalimutang tumawag sa kanya at sa Diyos ng Digmaang Gurama-un.  Manalig tayo sa ating mga pinuno at sa ating sariling kakayahan.  Nawa'y dinggin tayo ni Bathala."

Umusal nang sagot ang lahat at saglit na natahimik.

"Nasa atin ang tagumpay!"  Sigaw ni Kuntan, nakataas sa ere ang kanyang bitbit na palakol.  Nakabibingi ang sagot ng mga mandirigma.

Walang tunog ang kanilang mga paa habang tinatahak ang daan patungong Iwata kung saan alam nilang naghihintay sa kanila ang pangkat ni Sumandig.  Ang kanilang mga kilos ay sumasabay sa mahinang pagsikat nang araw, maingat at kalkulado.  Lihim na nagulat si Alab nang mapansing humahaba ang kanyang kuko.  Kanina pa niya nararamdaman ang kakaibang init at kapangyarihang tila naiinip na sa loob ng kanyang katawan.  Nilipat niya ang hawak na palakol sa kabilang kamay at habang naglalakad-takbo'y binubuka-sara niya ang kanyang nag-iinit na palad.

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon