Chapter 5: Pagbabalik sa Makiyas

895 55 1
                                    

CHAPTER 5

PAGBABALIK SA  MAKIYAS

 

Si Aristan ang pinakaunang sumalubong sa kanya nang makababa si Alab sa bangkang naghatid sa kanya pauwi sa Makiyas.  Napangiti ang Alamid.  Malaki na ang ipinagbago ng prinsesa ng Makiyas.  Mas lalong tumingkad ang kagandahan nito ngayong dalaga na si Aristan.  Mahigpit silang nagyakapan.

"Ang anak ko! "  Patakbong sumalubong si Alisa sa binata.  "Matagal ko nang hinihintay ang pagbabalik mo."  May luha ang mga mata ng Bae[1].  Naantig ang puso ng binata sa pagmamahal na ipinamalas sa kanya ng kanyang pamilya.  Sa mahabang panaho'y ngayon lang uli niya nayakap ang kinikilalang ina kaya naman hindi na siya nag-atubili at niyapos ang ina nang nahigpit.

"Matagal ko na ring hinihintay ang pagkakataong ito, inang."  Sumalubong ang iba pang mga naroon upang batiin ang kanyang pagbabalik sa sentro ng Makiyas.  Nang matapos ang kumustahan ng mga kaanak at kaibiga'y saka pumanhik sa bahay ni Molavi si Alab.  Halatang hinihintay siya nito sa kanyang silid.  Nakaupo sa gilid ng papag ang datu at sumenyas na tumuloy siya nang bumungad ang mandirigma sa pintuan.  Paluhod niyang hinarap si Molavi at hinugot mula sa bewang ang kanyang ginawang palakol para iprisinta sa kinikilalang ama.

"Ama, ikinatutuwa ko pong makita kayong muli at nasa maayos na pong kalagayan.  Tanggapin po ninyo itong gawa kong palakol bilang paghingi ko ng tawad sa aking kasalanan."  Naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

"Nagtanda ka na ba?"  Mahinahon ang boses ni Molavi.  Hindi rin pala niya matitiis ang kanyang pamangking napamahal na rin sa kanya kagaya nang pagmamahal niya kay Kuntan at Aristan.

"Opo, Ama.  Hayaan niyo po akong makabawi ngayon sa inyo."  Nagkatitigan ang mag-tiyo, sinusukat ang pagkatao ng bawat isa ngunit si Alab ang unang nagbaba ng tingin.  Maya-maya pa'y inabot ni Molavi ang palakol, tanda nang kanyang pagtanggap muli sa Alamid.

"Aasahan ko yan, anak."  Mahina lamang ang boses ng datu ngunit sapat na iyon para mangilid ang luha sa mga mata ni Alab.  Dahan-dahan nag-angat nang mukha ang kanyang pamangkin.

Napahugot-hininga si Molavi nang makita ang mga mata ni Alab...  mga mata ng mabangis na alamid!

 

Dalawang gabi bago umuwi sa Makiyas si Alab...

 

"AHHHHH!"

Sa gulat at takot ay kumaripas ng takbo si Alab palayo sa kanyang mga tagapagsanay.  Narinig pa niya ang malakas na tawa ni Abalon bago  niya naramdamang sumasabay sa kanyang pagtakbo si Ulan.  Mas binilisan ni Alab ang takbo ngunit bago pa man siya nakalabas ng kagubata'y nasakmal na siya ng isa sa mga alamid.  Napadapa sa hamog na damuhan ang binata at para lamang siyang basahang pinatayo ni Abalon habang si Ulan nama'y nakangiti pa ring pinagmamasdan ang kanyang mag-aaral. 

"Maghunusdili kang bata ka't nakakatawa kang tignan," tuwang wika ni Abalon habang pasalampak niyang inupo si Alab sa tabi ni Ulan.  Siya ri'y naupo sa damuhan at hinarap ang binata.  "Kung balak ka naming kainin ay kanina pa namin ginawa."

"A-a-anong...  bakit...papaano..."  Hindi magkandatuto sa pagsasalita ang bagong Alamid.

"Buhay ang alamat ng Alamid.  May pinagpapala sa mga mandirigmang sumasamba kay Gurama-un."  Ani Ulan.  Maya-maya'y bumalik na ang dati nilang anyo na mas lalong ikinagulat ni Alab.  "At ikaw, Alab... isa ka sa kanyang pinagpala[2]."

"Uh..."

"Isa kang mahusay na mandirigma at dumadaloy sa iyong ugat ang dugo ng mga bughaw na mandirigmang pinagpala rin ni Gurama-un sa kanilang panahon.  Nararapat lamang na magamit mo ang iyong kakayahan sa lahat ng oras, Alab."  Paliwanag ni Abalon.  "Handa ka bang tanggapin ang kapangyarihang ito, bata?"

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon