Chapter 1 Pagsalakay sa Tinam-an

1.1K 57 7
                                    

CHAPTER 1

Pagsalakay sa Tinam-an

 

Pasigaw na itinarak ni Datu Molavi ang kanyang palakol sa lupa at muling sinuyod ng tingin ang dating hitik sa mga bungang maisan.  Ngayo'y nagmistulang dinaanan ng bagyo ang taniman.  Siya ang naturingang Datu ng Makiyas ngunit sa kasalukuya'y wala siyang magawa kundi manlumo lamang sa naganap kaninang madaling-araw.  Hindi siya halos makatingin sa kapwa Pugot at mga magsasakang nagpakahirap sa taniman.  Sa di-kalayua'y abala ang kanyang mga kawal sa paghahanap ng katibayan laban sa mga kawatan habang ang ilan pa'y tinutulungan ang kaisa-isang nabuhay sa mga bantay ng taniman.  Nagawa pang isalaysay ni Amiko ang nangyari kahit namimilipit ito sa sakit sanhi ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan.

"Datu Molavi, "lumapit sa kanya ang isa sa kanyang mga kawal.  "mga Gamo-gamo na naman ang may pakana nito."  Galit na napabuntunghininga si Molavi.

"Panlima na ito sa kanilang nilusob.  Hindi na sila nangingiming pumatay, kalahi pa man din nila!"

"Magbalak na po tayo ng atake laban sa kanila habang hindi pa nila napipinsala ang buong Makiyas, Datu."  Nilinga ni Molavi ang nakababatang mandirigma.  Nasa mga mata ni Dimas ang kapusukan sa digmaan.  Ah, naalala tuloy niya ang pamangking pinatawan niya ng parusa dahil na rin sa kapusukan nito.  Lumabag ito sa kasunduang namagitan sa Pugot-ulo at karatig-tribung Mamamana.  Bagong labas pa lamang noon si Alab mula sa madugong pagsasanay bilang Alamid nang malaman nito ang nangyaring kasunduan sa pagitan ng dalawang tribu .  Sumugod siya sa Fahiyas kasama ang ilang kaibigan at hinamon ang bagong Babaylan ng Mamamana.  Sa matinding kahihiyan, nagalit sa kanya si Molavi at pinarusahan ang pamangking itinuring niyang anak ng pitong taong hindi pagsali sa digmaan at pamamalagi sa isla ng Sinagbato kung saan nagsasanay ang mga Alamid.  Sa kasalukuya'y limang taon na niyang hindi nakikita si Alab.  Napailing na lamang si Molavi sa kanyang muni-muni.

"Mahaba-haba na rin ang ginawa kong pagpapalampas sa kanilang mga kasalanan."  Anang pinuno na ang tinutukoy ay ang mapangahas na angkan ng Gamo-gamo.  Hinugot niya sa lupa ang kanyang palakol at isinuksok ito sa sinturon ng kanyang salawal.  "Igihan pa ninyo ang pangangalap ng katibayan, Dimas.  Marahil nakalimutan na ni Sumandig ang Batas ng Panimalus[1]."  Ang nasabing batas ay madugong paraan ng paghihiganti ng mga naapi laban sa mga nang-api.  Ito ay pinahihintulutan ng Katigulangan[2]  kapag may sapat na katibayan sa pang-aapi.  "Kakausapin ko ang Katigulangan at imumungkahi ang Panimalus.  Maghanda na kayo sa napipintong digmaan, Dimas."

"Maaasahan niyo kami, Datu."

"Dalhin niyo na si Amiko sa kubo ni Apo Ningas para magamot ang kanyang sugat."

Tahimik na nakinig sa kanya ang walong kasapi ng Katigulangan habang mahinahon namang isinalaysay ni Molavi ang mga panlulusob ng Gamo-gamo.

"Malakas ang ugong-ugong, Molavi."  Si Tandang Iru ang bumasag sa katahimikan.  "Nagbabalak si Sumandig na tumiwalag sa buong tribu at bumuo ng bagong tribung kanyang pamumunuan."

"Ang kanilang angkan ang may pinakamaraming kasapi, Tandang Iru.  Likas lamang kay Sumandig ang magyabang."

"Sa palagay niyo ba'y magagapi natin ang kanyang pangkat kapag naglunsad tayo ng digmaan sa ngalan ng Panimalus?"  Si Bae Deepa ang nagtanong.

"Mangangaso ang kanilang angkan, Bae.  Malalakas ang kanilang mga mandirigma bukod sa marami sila.  Ngunit huwag nating kalimutang handa tayong ipagtanggol ng mga Alamid."  Sa sinabi ng Datu'y nagsitanguan ang mg matatanda maliban nalamang sa isa.

"Handa ba tayo sa isang digmaan, Molavi?"  Seryosong tanong ni Bae Kaadlawan.  Siya ang pinakamatanda sa Katigulangan at siyang pinakamahusay sa paghahabi.  Sa katunaya'y nasa kanyang magagaling na kamay ang pagsasanay ni Aristan sa paghahabi, ang prinsesa ng Makiyas at bunsong anak ni Molavi.  "Matagal na ring mapayapa ang ating bayan mula noong makipagkasundo tayo sa Mamamana.  Isa pa'y ka-tribu natin ang papatawan ng Panimalus.  Mag-isip ka muna bago ka gumawa ng hakbang, Molavi."

"Naiintindihan ko ang nais ninyong iparating, Bae.  Hindi madaling kalabanin ang iyong kadugo ngunit naraapat parusahan ang angkan ni Sumandig dahil sa kanilang pagmamalabis.  Hindi magkakaroon ng sigalot sa mga angkan kung hindi sila namuno sa gulo, Bae."  Puno ng emosyon ang boses ng Datu habang nagsasalita.  "Kung gusto nilang tumiwalag, bakit hindi nila idaan sa maayos na usapan?  Dati pa ma'y tinik na sa lalamunan ko si Sumandig ngunit pinilit ko siyang intindihin sa ngalan ng kapatiran.  Ngayo'y  napuno na ako sa kanyang kayabangan at hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataong ipaghiganti ang iba nating kasamahang nagbuwis ng buhay para sa ating mga taniman." 

"Natutuwa ako't naisip mo pa ring isangguni sa amin ang iyong balak, Molavi.  Gawin mo ang nararapat."  Ani Bae Deepa. Tumango ang iba pang naroon.

"Makakaasa ka sa aming basbas sa araw ng Panimalus."  Dagdag pa ni Tandang Iru.

Kinagabiha'y bakas pa rin sa anyo ni Molavi ang pagkabalisa habang nasa hapag-kainan silang mag-anak.  Nagkatinginan ang kanyang mga asawa.

"May dinaramdam ka ba, Molavi?"  Si Alisa ang hindi nakapagpigil.  Siya ang unang asawa at tunay na mahal ng datu.  Ang kanilang pagsasama'y nagbunga ng dalawang anak.  Ang kanyang panganay ay nagsasanay ngayon sa Sinagbato bilang isang Alamid at si Aristan nama'y pinag-aaralan ang iba't ibang sining bilang paghahanda sa kanyang pag-aasawa balang araw.

"Naguguluhan lamang ako, Alisa.  Alam niyo na siguro ang tungkol sa Panimalus."

"Oo."  Si Amila ang sumagot.  Dahil sa pangkapayapaang kasundua'y nag-isang dibdib sila ng dating Babaylan ng Fahiyas. Alam niyang hindi naging madali para kay Amila ang malayo sa kanyang tribu at manirahan sa Makiyas.  Limang taon na ang lumipas ngunit hanggang ngayo'y malamig pa rin ang pakikitungo sa kanya ng ilang Pugot.  "Huwag kang magdalawang-isip, Molavi."

"Hindi naman sa ganoon, ngunit hindi lang ako makapaniwalang darating ang ganitong alitan sa mga angkan.  Kung kailan natapos na ang digmaan sa pagitan ng ating mga tribu."

"Nakilala ko na si Sumandig.  Hindi siya karapat-dapat mamuno sa kanyang angkan. Sa unang tingin pa lang ay hindi na siya mapagkakatiwalaan.  Tiyak kong mayroon pa silang ibang kaanib maliban sa kanilang mga kasapi."

"Bakit mo nasabi iyon, Babaylan?"  Sumabat na sa usapan si Aristan.

"Sa tingin ko'y hindi niya kayang tumanggap ng pagkatalo kaya maghahanap siya ng paraan para manalo sa laban."

"Ngunit sino ang aanib sa kanila?"  Takang tanong ni Alisa.  "Nasa atin ang tatlo pang angkan at kalaban na natin ang iba pang karatig-tribu."

"Binuksan mo ang isip ko sa bagay na iyan, Amila.  Mag-iingat kami sa Panimalus."  Tanging nasabi ni Molavi.


[1] Panimalus - rootword:balos- to extract vengeance, vendetta, to get even

[2] Katigulan -  Council of Elders

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon