Chapter 19: Alamid at Gamu-gamo

919 57 8
                                    

Chapter 19

Alamid at Gamu-gamo

Naghihintay na sa sanga ng mataas na kahoy si Dahongpalay nang marating ng grupo ang bungad ng bayan ng Nimpalang.  Gamit ang makapal na baging, maingat na bumaba sa puno ang tiktik ng Pugot-ulo. Naatasan siyang mauna sa Nimpalang upang ipagbigay-alam kay Dalisay, ang kasalukuyang gatpuno ng bayan, ang pagdating ng mga Pugot.  Unang lumapit sa kanya si Alab, nakipagkamay-mandirigma.  Bahagyang nagulat ang binata ngunit nang makahuma'y agad inabot ang kamay ng Alamid.

"Marahil may pakpak ang iyong mga paa, igsuon, at kay bilis mo.  Hindi nagkamali si Ama nang piliin ka niyang sumama sa Panimalus na ito," papuri ni Alab.  Namula ang pisngi  ni Dahongpalay ngunit tumango lang ito.  Tatlong lalaki ang tumambad mula sa talahiban, armado at hindi sila binati.

"Naghihintay na sa inyo si Datu Dalisay,"  pagkuwa'y sabi ng isa sa mga bagong dating.

Napatiimbagang ang pinuno ng tribung Taoga sa kanyang mga narinig mula sa mga Alamid.  Nararamdaman niya ang matinding galit na nakapalibot sa mga panauhin.  Habang nanghihimagas ang mga Pugot ay nakamasid naman si Dalisay sa dalawang Alamid.  Isang taon na lang ang bibilangin niya at ikakasal na siya sa kapatid ni Kuntan.  Nakilala niya si Aristan at ang nakatatandang kapatid ni Alab noon sa Kalamigo nang mangailangan ng tulong ang mga ito.  Sa madaling sabi'y  pamilya na ring maituturing ang mga binatang Alamid na kaharap niya ngayon at nagpapaalam sa kanya ukol sa gagawin nilang Panimalus.

"Kung alam ko lang ang buong pangyayari, ako na sana ang gumawa ng hakbang at inutas ang taksil na sinasabi ninyo," maktol ng datu pagkatapos.  Bahagyang ngumiti si Alab, ngunit umiling naman si Kuntan.

"Huwag ninyong maliitin si Sumandig, Datu Dalisay.  Isa siyang pinuno ng aming sandatahan, at datu ng kanilang angkan.  Matalino at tuso siya sa digmaan, at kayang ipapatay ang sariling anak at asawa sa ngalan ng tagumpay," ani Kuntan.

"Kung gayo'y hayaan niyong magmanman ang aking mga tiktik sa mga kilos ng kaaway bago kayo gumawa ng hakbang.  Sa ganitong paraan, hindi matutunugan ni Sumandig ang inyong pagdating."

"Masaya ako at handa mo kaming tulungan, Datu," ani Kuntan.  Napangiti ang nakatatandang binata.

"Hindi magtatagal, magiging magkakapatid na tayo, mga ginoo.  Sino pa ba ang ang magtutulungan?"

"Ibayong pag-iingat lang, Datu."  Nakangiti ma'y may bahid na babala ang boses ni Alab.

Kinagabiha'y may balita na ang mga tiktik ni Dalisay.

Masama ang balitang nakarating kay Sumandig, kaya naman magaspang ang ugali niya sa mga kasamang nag-papalipas sa bahay-aliwan ng gabing iyon.  Maging ang mga babaeng bayara'y hindi niya pinansin kahit anong lapit ng mga ito sa kanya.

"Galamay lang ang nawala..." maktol niya habang nilulunod ang sarili sa alak.  Marami pa siyang mga tagasunod na handang magbuwis ng buhay para sa kanya.  "Madaling palitan ang galamay...  mapapasaakin ang Makiyas!"    Muli siyang nabuhayan ng loob at kinabig ang babaeng lumapit sa kanya.

Nakamasid ang grupo sa di-kalayuan, pinag-aralan ang kilos ng mga kalaban. 

Mas kaaya-aya ang pakikitungo ni Sumandig sa kanyang mga mandirigma nang sumunod na gabi sa bahay-aliwan.  Pagpasok nila'y napansin kaagad nila'ng may mga nauna na sa kanila at pinagsisilbihan ng mga babae sa bawat mesa.

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon