CHAPTER 7
BAGONG KASUNDUAN
Tapos na ang pagdiriwang at tahimik na rin ang buong kapaligiran. Pero hindi pa rin makuhang magpahinga ni Alab sa kabila ng pagod. Paroo’t parito siya sa loob ng kanyang kubo at panaka-nakang sinusulypan ang nahihimbing na bihag sa sahig, nakatali pa rin sa poste. Hinipan ng binata ang sulo at naaninag niya ang sinag ng buwan na pumapasok sa bintana ng kanyang bahay. Lumapit siya sa bintana at pasalampak na naupo’t sumandal sa dingding.
Ah! Nagkuyumos ang mga palad ng Alamid lalo pa’t hindi maalis sa isip niya ang paghihirap ng kapatid para maipagpatuloy ang buhay. Maliit pa si Matanglawin at nagdadalantao ngayon si Tanglao. Hind maaatim ni Alab mawala si Damongligao sa kanyang mag-ina ngunit hindi rin niya alam kung ano ang makakatulong sa mandirigma ngayon. Parehong nakagapos ngayon ang kanyang mga kamay, walang pinag-iba sa kanyang bihag.
“Hindi!” Angil ng Alamid.
Napapitlag si Lin-aw sa boses na narinig. Naupo siya at hinagilap sa dilim ang pinanggalingan ng boses. Nang masanay ang paningin sa dilim ay nahagip niya ang pares ng dilaw na mga mata. Napahugot-hininga ng malakas si Lin-aw. Nakasalampak sa sahig at nakasandal sa dingding ang Alamid, nakataas ang isang tuhod nito at nakapatong doon ang sugatang braso ng binata.
“Nakapangingilabot ang mga mata mo, ginoo.” Bulong ni Lin-aw sa kaharap. Kahit hindi niya nakita’y alam niyang ngumisi ang Alamid, labas ang pangil. Nanayo ang balahibo ni Lin-aw sa batok.
“Matapang ka naman, hindi ba?” Maging ang boses ng lalaki’y nagbago. Humilig[1] si Alab sa kanyang tuhod. “Alam mo ba’ng kumikirot itong sugat ko?”
“Kagaya ng sabi mo sa Iwata, mahalaga para sa akin si Amihan. Kahit buhay ko, ibubuwis. Hindi ko hahayaang saktan mo…”
“Ginawa ko na matapos kitang patulugin.” Putol ni Alab. Napahugot-hininga ang bihag, natahimik at maya-maya pa’y sumisinghot na ito. Malinaw na nakita ni Alab ang pagtangis ng babae.
Sino ba si Amihan sa buhay ng bihag na ito? Malamang ay ipinagkasundo na ang mandirigma sa kanya at sila ngayo’y magkasintahan. Nainis si Alab ngunit pinigilan ang sarili. Bakit ba binibigyang-halaga niya kung ano ang ugnayan ng dalawang ito? Wala akong pakialam sa kanila. Napabuntunghininga si Alab.
“Huwag kang mag-alala, buhay pa siya.” Nag-angat ng luhaaang mukha si Lin-aw, sumilay ang tuwa sa kanyang mga mata. “Kagaya mo’y bihag rin siya ng Makiyas at nakakulong ngayon kasama ng inyong datu.” Tumayo si Alab at pabalang na tinungo ang kanyang papag.
“Salamat.” Wika ng bihag.
“Matulog ka na.” Malamig ang utos.
Kinabukasa’y wala pa rin silang makitang lunas para kay Damongligao. Ang masasayang anyo ng mga Pugot na nagdiwang kagabi’y napalitan ng lungkot at takot para sa Alamid.
“Pinasundo ko na si Tanglao at ang iba kong mga kasama’y pinabalik ko na sa Fahiyas.” Wika ni Liksi sa mga naroon sa loob ng kubo ni Apo Ningas at pinagmamasdan ang lumalalang sitwasyon ni Ligao.
“Dalawang araw ring paglalakbay ang gagawin ni Tanglao, Nana. Hindi ba ito makakasama sa kanyang pagbubuntis?”
“Natutuwa ako’t may malasakit ka na sa aking anak, Alab,” wika ni Amila. “Malakas ang katawan ni Tanglao. Makakaya niya ang paglalakbay.”
BINABASA MO ANG
ALAB
Historical FictionPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...