CHAPTER 12
HULING PAGSASANAY
Sinagbato, Makiyas
Walang kibuang tinahak ng magpinsan ang sukal na kagubatan pauwi matapos mangaso nang araw na iyon. Malaki ang pasasalamat nila sa Diyos ng Kagubatan-si Makabulongan- at dalawang malalaking usa ang kanilang maipapamahagi sa mga kasama.
"Tahimik ka na naman, Kuntan. Naiisip mo pa rin ba si Heulii?" Basag ng mandirigma sa katahimikan. Napabuntunghininga ang lakan.
"Walang araw na hindi ko siya inisip. Siguro'y nababaliw na ako, Alab. Sa dinami-dami ng babae, sa kanya pa ako nahuhumaling."
"Tsk. Nahuhumaling? Ganoon kalalim ba ang pagtingin mo sa kanya? Ilang araw lang kayong nagkita sa Ipil. Maghanap ka na lang ng iba, igsuon. Yung babaeng kagigiliwan nina Ama't Inang."
"Pipilitin kong iwakli muna ang bagay na iyan sa isip ko. Kailangan kong paghandaan ang papalapit na Huling Pagsasanay." May pangako ang boses ng lakan, bagay na ikinatuwa naman ni Alab. Napangiti siya sa pinsan.
"Mabuti naman at nakukuha mo pang bigyang pansin ang pagsasanay. Labis naming ikatutuwa kung malalampasan mo ito."
"Asahan mo."
Sinagbato, Makiyas
Paglipas ng dalawang Linggo
Umaga
Napakatahimik ng paligid habang nagsasagawa ng ritwal at panalangin si Ulan. Ngayon ang takdang araw para sa huling pagsasanay ni Kuntan. Matapos ang ritwal ay hinarap ng pinuno ang lakan at binuhusan ng tubig-bukal ang ulo nito.
"Handa ka na ba?" Usal sa kanya ng punong-Alamid. Bigla'y gustong lumunok ng binata. Kalahati sa mga kasapi ng angkan ay susubukan siyang talunin sa araw na ito. Ang huling pagsasanay ang siyang pinakamadugo at marami na'ng mga nasawi sa kamay ng kapwa-Alamid. Hinanap ni Kuntan sa mga naroon ang pinsan ngunit hindi niya nakita si Alab. Mas lalo siyang kinabahan.
Ibig bang sabihi'y kasama si Alab sa mga susubok sa kanya?
Tinapik siya ni UIan sa balikat.
"Huwag kang umasa sa kakayahan mong magpalit-anyo, Kuntan. Gamitin mo ang iyong pinagsanayan, ang talas ng iyong pakiramdam, ang puso at talino. Tandaan mo, hindi ka nila sasantuhin at sa araw na ito'y hindi kasali ang iyong katayuan sa lipunan bilang lakan at tagapagmana."
"Tatandaan ko po, Ka Ulan. Handa na ako." Makailang-ulit lumakas ang pintig ng kanyang puso ngunit hindi na siya uurong pa. Matagal na niya itong ninanais.
"Sige, pumili ka na ng iyong mga sandata," anang pinuno sabay turo sa mga armas na nakahilera sa dulang. Kaagad pinili ni Kuntan ang palakol at ilang pares ng mga punyal bago muling nilinga si Ulan. Bahagya itong ngumiti sa kanya.
"Kasiyahan ka ni Gurama-un."
Hindi magawang kumurap ni Kuntan habang papasok siya sa gubat ng Sinagbato. Pakiramdam niya'y maging ang mga dahon sa sanga ng mga punongkahoy ay takot ring gumawa ng ingay. Napakatindi ng tensiyong namamayani sa loob ng gubat na para bang kasalukuyan siyang nasa totoong digmaan. Pinagpapawisan ang buong katawan ng binata at hindi niya mapigilang higpitan ang hawak sa kanyang dalang palakol. Alam niyang ilang saglit pa'y susugod na ang sinuman sa mga kasapi ng Alamid. Ilang hakbang pa at...
BINABASA MO ANG
ALAB
Ficción históricaPangatlong kwento sa seryeng HIYAS Isa siyang kasapi ng angkang Alamid, Pinagpala ng diyos ng digmaan at may taglay na kakayahang magpalit-anyo! Naudlot ang kanyang parusa nang maglunsad ng Panimalus ang Datu. Nabihag niya ang kilos-lala...